14. Kalayaan

10 5 0
                                    

At kasabay ng mahinang pagpatak ng tubig ulan sa malamig na umaga
Ay ang paghikbi ng pusong hanggang ngayo'y umaasa
Na sana sa muling pag-init at pagsikat ng Haring araw
Sana'y marinig mo ang damdaming pilit naghuhumiyaw

Hindi na matitiis pa, ako'y hinang-hina na
Saan ako dadalhin ng katiting na pag-asa para ikaw ay makuha
Gustong ihakbang ang paa ,ikaw ay talikuran na
Subalit di ko magawa, pagka't sa'n man ako lumingon ay andun ka.

Nagtatalo ang kagustuhan ko, hindi alam ang gagawin
Ikaw ba'y susukuan na o pipilitin pa ring angkinin?
Lalakad na ba papalayo o tatakbo patungo sa'yo?
Maghihintay pa bang ako muli'y masaktan mo?

Ang mga salita mo'y tila kadenang nagtali sa akin
Ang 'yong paglalambing ay nagsilbing rehas sa nagwawalang damdamin
Pa'no ako makakatakas gayong ako'y iyong ikinulong?
Ng hindi mo namamalayan sapagkat ikaw sa iba ay lulong.

Andito ako't lumalapit, habang ika'y lumalapit din
Ako sayo'y nakatingin habang ika'y nakatitig din
Isa,dalawa,tatlong hakbang ang aking ginawa upang kamay mo'y mahawakan
Subalit apat,lima,anim naman ang hakbang mo para lamang siya'y malapitan.

Mapait na ngumiti, iminulat ang sarili, ito ang katotohanan
Sinaksak ako ng mga salita mong siya ang 'yong nagugustuhan
Tumango ako at sarili'y kinumbinsing ikaw ay hayaan
Ngayo'y ibibigay ko na ang nais mo at nais kong kalayaan.

Sa salita mo'y hindi na magpapagapos, sa lambing mo'y hindi na magpapayapos
Ang sakit na pinaramdam mo'y pipilitin kong alisin ,ipapadala sa agos
Pag-asa para sa ating dalawa ay dito ko na tinatapos
Dahil pinapalaya na kita upang sa kanya ka na magpagapos.

Pieces of ReveriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon