Ramdam ko ang bigat sa bawat hakbang ko patungo sa lugar kung saan pinangako mong magkikita tayo. Hindi alintana ang mainit na sikat ng araw at ang ingay ng bawat busina ng mga sasakyan. Inalis ko ang telang nakatalukbong sa akin nang sa gayo'y mas mapagmasdan ko ang daang tatahakin patungo sa ating tagpuan.
Mahal ko,malapit na 'ko.
Natanaw ko ang hangganan ng daang aking tinatahak. Natanaw na kita. Nakaupo sa uyayi,naghihintay. Ako ba?
Napangiti ako. Tila musikang maituturing ang bawat pagtibok ng puso, nag-aalab, nagwawala, kinakapos ako sa hininga, malapit na. Bumagal ang bawat paghakbang ko, sinusulit ang bawat pagkakataong masilayan ka, kahit nakatalikod.Mahal ko,andito na 'ko.
Tumayo ka, inayos ang nagusot mong damit at lumayo sa uyayi. Pinagmasdan mo ang langit at tila ulang pumatak ang butil ng iyong luha, tila bahang umagos, hindi matapos-tapos. Niyakap kita subalit hindi ka tumahan. Nanaghoy. Humagulhol. Naramdaman ko ang yakap mo pabalik sa akin.
Mahal ko,andito ako.
Ramdam ko ang sakit sa iyong bawat paghikbi. Ramdam ko ang pangungulila sa bawat pagpatak ng iyong luha. Hinigpitan ko ang yakap. Hindi kita pakakawalan. Naramdaman ko ang pagbitaw mo, umatras ka sa'kin, nagtama ang ating mga tingin subalit may nagbago. May iba. Lumuluha ang iyong mga matang malungkot na nakatingin sa akin.
Mahal ko, andito lang ako.
Nagsimula na rin akong umiyak. Bumilis ang tibok ng puso ko, naninira, nakakawasak. Biglang bumalik sa akin ang ala-ala nung panahong nangako kang maghihintay sa ating tagpuan. Nahuli ba ako? Subalit andito ka pa rin, naghihintay, nakita ko.
Lumakas ang ihip ng hangin subalit hindi ko naramdaman. Nakakapagtaka. Nakakapanghina.Nakita ko ang hawak mong bulaklak, ang paborito ko. Subalit nagulat ako ng hindi mo iniabot sa'kin, bagkus ay inihulog mo sa lapidang nasa pagitan natin.
![](https://img.wattpad.com/cover/225701691-288-k511928.jpg)
BINABASA MO ANG
Pieces of Reveries
De TodoReverie is the groundwork of creative imagination; it is the privilege of the artist that with him it is not as with other men an escape from reality, but the means by which he accedes to it. -W. Somerset Maugham