34.

10 1 0
                                    

May tunog ang bawat pagpatak at bawat tagatak ng butil ng pawis at luha
May himno ang bawat pag-iyak at pagsusumamo, may ritmo ang pagmamakaawa
May sablay sa bawat pagbigkas ng mga salita, ng mga kataga na nakakahiwa
May mali sa bawat kalabit ng tinig na nagmumula sa api,
subalit tila tama ang pagkalabit sa  armas mula sa kamay ng umano'y di nagagapi.

Walang kalasag bukod sa boses ng pagtatanggol at sa katawang nagmimistulang malakas sa gitna ng digmaan
Walang armas kundi ang dila na nagsasabi ng mga salitang makakasagip sa walang laban
Walang sundalong sasalo sa pagbagsak at kasamang lalaban
Ang ina at anak ang nagmistulang bayani sa sariling laban na nagdulot ng kanya-kanyang hangganan.

Walang tunog ang pagpatak ng luha subalit sa pagkalabit ng gatilyo ay umalingawngaw
Ang pagputok ng armas na kumitil sa buhay ng mga walang laban, ang dugo'y umalingasaw
Tila naging bingi ang may sala , nabulag sa sariling kamalian
Sa lakas ng bawat pag-iyak ng nawalan ng buhay ay mas nanaig ang tunog ng putok ng baril mula sa kamay ng may kapangyarihan.

Pieces of ReveriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon