2. Isanlibong Tibok ng Puso

22 5 0
                                    

Wala namang patay subalit bakit may nagluluksa?
Wala namang umalis pero bakit may nangungulila?
Wala namang namaalam subalit bakit may humahagulhol?
Wala namang sinimulan, pero bakit may naputol?

Sa sulok, karamay ang puting kwaderno at itim na tinta
Iguguhit ko ang mga letra, bubuuin ko ang parirala
Sa sulok,habang nakaupo ako't nakayuko sa lamesa
Iguguhit ko ang mga titik, ilalabas ang lungkot na nadarama

Heto na nga't nanginginig pa, nagsimula na ang unang tugma
Ginulo tayo ng tadhana, akala ko'y meron,ang totoo'y wala
Pumatak ang butil ng tubig,saan ito magmula?
Nakasilong naman ako, imposibleng langit ang lumuha.

Sa bawat pagpintig ng pusong nag-aalab ay nabubuo ang pantig
Isa, dalawa, tatlo at higit pang letra sa bawat tibok ng pusong humihimig
Hindi ko maintindihan kung umaawit na o umiiyak
Subalit may tono, may himno, may ritmo sa bawat paggitak.

Nakaisandaan, nakadalawangdaan, nakatatlongdaang salita na
Ngunit hindi pa rin sapat kulang na kulang pa
Pinakiramdaman ang puso, umiibig este tumitibok pa ba?
Sa ikasanlibong beses ako'y nagtaka na, bakit narito ka pa?

Pieces of ReveriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon