TATLONG LALAKI AT ISANG BABAE ang naglalakad sa kalye ng La Martina. Kasing-kulay ng bughaw na langit ang mga suot nila. Ang mga lalaki ay naka-polo, pantalon na medyo maluwag at may maraming bulsa, bughaw na bota, at itim na sinturon. May tatak sa kaliwang dibdib ng damit na anyong apoy ngunit puti ang kulay. Ang babae naman ay ganoon din kaya lang saya sa pang-ibaba nito na halos sumayad na sa lupa.
"Manonood kayo ng pagsusulit para sa mga bagong disipolo?" tanong ng nag-iisang babae habang pinaglalaruan ng kamay ang puting bandana na nasa baywang nito.
"Wala namang interesanteng makikita do'n, Nina," saad ng lalaking may nakapatong na isang ibong gawa sa kahoy sa balikat.
"Sang-ayon ako kay Tommy," ang sabi naman ng lalaking nasa kanan na may nakasukbit na espadang nasa loob ng lalagyan. "Papasok lang naman sila sa kahon at kung hindi aabot ng tatlumpung porsiyento ang kanilang enerhiyaʼy hindi sila makakapasa. Nakakabagot panoorin ang ganyan."
"Ewan ko sa 'yo, Ralph, palagi mo namang sinasang-ayunan ang sinasabi ni Tommy," nakangusong saad ni Nina. Tiningnan niya ang lalaking nasa kaliwa nito na may bitbit namang espada. "Ikaw, Calvin? Manonood ka?"
"Kung manonood kayo, sasama ako," sagot ni Calvin.
"Basta ako manonood," sabi ni Nina. "Malakas ang pakiramdam kong may makikita tayong interesante."
Nagkatinginan ang tatlong lalaki. Kilala na nila nang lubusan ang babae. Lahat ng kutob o nararamdaman nito, nagkakatotoo.
"E, kung ganoʼn ay lahat tayo manonood," saad ni Tommy.
Sa huli, napagkasunduan nga nilang apat na manood ng pagsusulit.
Natigil sila sa kanilang paglalakad nang may lalaking tumatakbo na may bitbit na itim na kabalyas patungo sa kanilang direksiyon. May humahabol ding babae rito.
Tumigil sa pagtakbo ang babae at itinaas ang kaliwang kamay. Ang kaninang tumatakbo na lalaki ay dahan-dahang umangat sa lupa. Nagpupumiglas ito.
"Ibaba mo ako! Ibaba mo 'ko!" paulit-ulit nitong sigaw.
Ngumisi ang babae habang naglalakad palapit sa lalaki habang nakataas pa rin ang kaliwang kamay. Nagpalinga-linga ito. Mas lumawak ang ngisi sa labi nang makita ang isang posteng may bandila ng La Martina. Ang sunod na nangyari ay nakasabit na ang lalaki roon.
"Tulungan natin 'yong lalaki, o," sabi ni Ralph.
"Walang makikialam," maawtoriadad na saad ni Calvin. Sa kanilang apat ay parang ito ang kanilang pinuno. "Mandurukot ang lalaking 'yan ngunit walang nagtangkang kalabanin dahil isa itong el bandolero."
Napatango ang tatlo. Ang el bandolero ay mga bandido. Malalakas din ang mga ito dahil sa kanilang itim na kapangyarihan na pinagkaloob ng hari ng mga demonyo. Nagnanakaw, nandudukot, o pumapatay ang mga ito para lang magkaroon ng mga pilak.
BINABASA MO ANG
The Saga Of Aryana
FantasySino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan. Ano'ng...