Sino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan.
Ano'ng...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
TATLONG HANAY ANG PILA para sa mga gustong kumuha ng pagsusulit para maging disipolo ng Academia de Lucius. Lampas limang daan ang bilang ng mga nangangarap at umaasang makapasok sa nasabing paaralan.
Nagbingi-bingihan si Aryana sa mga naririnig niyang pag-uusap ng mga kapwa nakapila. Subalit, may nakaagaw ng pansin sa kaniyang pandinig kaya naman nakinig siya habang hindi pa nagsisimula.
"Sa tingin ko mabait naman siya. Tinulungan nga niya iyong matanda na maibalik ang kabalyas mula sa pusang itim."
Nagsalubong ang mga kilay ni Aryana. 'Ako ba ang pinag-uusapan ng mga 'to?' ang tanong niya sa isipan. Sa tingin niya, siya lang naman ang may tinulungan na matanda na makuha ang kabalyas (backpack) mula sa lalaking nagiging itim na pusa.
"Ang ganda niya rin. Mukhang bagay kami."
Napangiwi si Aryana.
"Ang kapal mo talaga, Ralph! Walang magkakagusto sa 'yo dahil sa ugali mo."
"Uy! 'Wag mong sabihin 'yan, Nina. Gusto mo nga ako noong pitumpuʼt limang taong gulang pa lang tayo."
"Siraulo ka! Huwag ka nga gumawa ng kuwento."
"Totoo kaya! Baka nakakalimutan mong kaya kong basahin ang isipan ng kahit sino."
Tiningnan ni Aryana ang pinanggalingan ng kaniyang mga naririnig. Tatlong lalaki at isang babae na magkakatabing nakatayo sa may gilid ng entablado. Malalakas ang awra ng mga ito ngunit may isang nakaaangat.
Nang tingnan niya kung sino ang nagmamay-ari ay sumalubong sa kaniya ang kulay abo nitong mga mata. Mataman itong nakatingin sa kaniya. Iyong tingin na tagos hanggang buto na para bang pati kaluluwa niyaʼy gustong makilatis.
Binigyan niya ito ng isang matamis na ngiti bago ibinalik ang tingin sa entablado. Mas lumawak ang kaniyang ngiti nang marinig ang pagsinghap nito.
"Anoʼng nangyari sa 'yo, Calvin?" Narinig niyang tanong ng isang lalaki.
"Wala! Manahimik na lang kayo."
Calvin pala ang pangalan niya. Ang ganda ng boses niya. Guwapo rin siya pero mas guwapo si Four. Mabilis niyang sinaway ang sarili. Bakit naman kasi biglang pumasok sa isip niya ang masungit na lalaking 'yon?
Umalingawngaw ang malakas na tatlong palakpak. Naroon na sa entablado ang tatlong lalaking may katandaan na dahil sa mga puting buhok. Sa ibabang bahagi kung nasaan ang tatlong mesa na may bolang kristal bawat isaʼy lumapit doon ang tatlong lalaki na mas bata kumpara sa tatlong nauna.
"Magandang araw sa inyong lahat," panimula ng lalaking nasa gitna. "Bago natin simulan ang pagsusulit ay hayaan nʼyo muna kaming magpapakilala. Ang pangalan koʼy Aficio Nado. Tawagin ninyo akong Senyor Maestro Nado. At siya naman." Itinuro nito ang lalaking nasa tapat ng mesa sa gitna. "Siya ang aking kanang kamay. Si Ni Vea."