UMUUSOK PA RIN ANG KANIYANG bumbunan habang naglalakad dahil sa inis. Bakit naman kasi ang lalaking iyon pa ang nakatagpo niya sa lugar? Nag-uumapaw nga sa kagwapuhan, saksakan naman sa sama ng ugali.
Bigla siyang natigil sa paghakbang. Nadagdagan na naman ang inis niya. Paano ba naman, bigla na lang humarang sa kaniyang dinaraanan ang lalaki.
"Wala pang dalawang minuto nang sinabi mong 'wag akong magpapakita sa 'yo pero ikaw naman itong biglang sumusulpot sa harapan ko! Ano baʼng kailangan mo?" naiinis na ani Aryana.
"Pupuntahan mo'y saan?" saad naman ng lalaki.
"Pakialam mo!" Tinabig niya ito at nagpatuloy sa paglalakad.
Tila walang balak ang lalaki na tantanan siya dahil muli itong humarang.
"Ikaw ba'y saan pupunta? Hindi mo ba alam na delikado ang bahaging iyan ng gubat kapag gabi?" Itinuro nito ang direksiyon na tatahakin niya sana. Medyo madilim na sa bahaging iyon dahil maraming usok na puti. "Malapit nang magdilim kaya ipagpabukas mo na lang."
Tumingin si Aryana sa mga mata ng lalaki. Nakikita naman niyang nagsasabi ito ng totoo. Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit nito ginagawa ang ganoon. Hindi ba dapat ay pabayaan na lang siya nito dahil nga galit o naiinis ito sa kaniya? Nag-aalala ba ito? Ayaw ba nitong may masamang mangyari sa kaniya? Agad din niyang iwinaksi ang mga naiisip. Malabo kasing ganoon nga ang dahilan. Sa kanilang dalawa, ito ang mas nakakaalam tungkol sa lugar.
Magpasalamat na lang siya na binalaan siya nito pero nakakapagduda pa rin. Sa tingin niya ito ang lalaki na walang pakialam. Kung ano man ang pakay nito sa paglapit sa kaniya matapos nitong sabihin na huwag siyang magpapakita rito ay sisiguraduhin niyang wala itong mapapala.
Binigyan niya ng isang mapanuring tingin ang lalaki bago naglakad palapit sa isang puno at naupo roon.
Sumunod naman ito sa kaniya at umupo sa katabing puno.
"Pupuntahan mo'y saan?" muling tanong ng lalaki.
"Pangatlong beses mo na 'yang itinanong."
"Sapagkat tanong ko'y hindi mo pa binibigyan ng kasagutan," sambit naman ng lalaki.
Hindi agad siya sumagot. Sa ginagawa nitong pangungulit sa kaniya, mas nadagdagan ang pagdududa niya. Imposible namang bigla itong bumait. May iba pa itong pakay sa kaniya. Gustong mangisda ng impormasyon mula sa kaniya ang lalaki.
Bigla siyang napangiti sa isipan. Kung mangingisda ito ng impormasyon, puwede rin siyang mawingwit dito ng mga sagot. Paniguradong marami siyang makukuha.
"Sa Academia de Lucius," aniya. Uumpisahan na niyang mawingwit.
Natigilan sandali ang lalaki. "Ikaw ba'y isang disipolo ng Academia de Lucius o papasok pa lang?"
BINABASA MO ANG
The Saga Of Aryana
FantastikSino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan. Ano'ng...