HINDI MAALIS NI CALVIN ang kaniyang mga mata kay Aryana. Nandoon sa kabilang gilid sa ibaba ng entablado ang babae. Pinaghintay ito ng mga maestro na matapos ang lahat sa pagsusulit.
"Kanina mo pa siya tinitingnan, Calvin. Baka iba na 'yan," mapang-asar na sabi ni Tommy sa kaniya.
Masamang tingin ang ibinigay ni Calvin dito. "Pinag-aaralan ko siya. May hindi lang ako maintindihan. Hindi ba kayo nagtataka?" Tiningnan nito ang mga kasama. "Nakita nating apat kung ano ang ginawa niya kaya imposibleng isang porsiyento lamang ang kaniyang kapangyarihan."
Napaisip naman sina Ralph, Tommy, at Nina. May punto ang kasamahan nila kaya nakapagtataka talaga.
Ilang sandali lang ay nagsalita si Nina, "Lapitan natin siya habang hindi pa nag-uumpisa ang pagsusulit para sa kaniya."
Tumingin sina Ralph at Tommy kay Calvin. Hinihintay nilang magsalita ito.
"Sa tingin ko hindi 'yan magandang ideya," ani Calvin.
"Kainis kayo," nakangusong saad ni Nina. "Bahala kayo. Basta ako lalapitan siya." Tinalikuran na nito ang tatlong lalaki at saka nagtungo kay Aryana.
Si Ralph ay napakamot sa ulo. Si Tommy ay napailing ng ulo. Napapalatak naman si Calvin. Nagkatinginan silang tatlo. Ano pa nga ba ang magagawa nila? May katigasan din ang ulo ng babaeng iyon. Kung ano ang sinabi ay gagawin talaga nito.
TAHIMIK LANG SI ARYANA na nakatayo habang naghihintay na matapos ang pagsusulit. Napansin niya ang babae na kasama ng tatlong lalaki kanina na naglalakad patungo sa kaniyang direksiyon. Nakangiti pa ito. Napatingin tuloy siya sa kaniyang kaliwa't kanan. Wala naman siyang ibang kasama.
"Hola! Isa ako sa mga disipolo ng Academia de Lucius. Nina Ricci ang pangalan ko. Ikaw? Ano'ng pangalan mo?"
May kaliitan ang babae. Maputi ito at hanggang balikat ang medyo kulot nitong buhok na kulay tsokolate. Natatabunan ng bangs ang noo at mga kilay. Bilugan at may kalakihan ang mga mata na kakulay ng buhok nito.
Kahit nagtataka si Aryana sa biglaang paglapit ng babae sa kaniya'y sinagot niya pa rin. "Aryana Deltacosta."
"Ang ganda naman ng pangalan mo."
"Sa 'yo naman ang branded ng pangalan mo."
"Branded? Ano 'yon?"
Hindi na nagawang sagutin ni Aryana ang babae sapagkat nakita niya sa likuran ni Nina ang tatlong lalaki.
"Sumunod din pala kayo," ani Nina. "Aryana, ito ang mga kaibigan ko." Binalingan nito ang tatlong lalaki. "Magpakilala kayo sa kaniya."
"Tommy Hilfiger ang pangalan ko," nakangiting pakilala nito.
BINABASA MO ANG
The Saga Of Aryana
FantasySino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan. Ano'ng...