Sino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan.
Ano'ng...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
PAGPATAK NG EKSAKTONG ALAS-DOS ng madaling-araw, nagmulat ang babaeng may kulay gintong mga mata. Nakahiga siya sa de-kutsong pag-isahang kama. Muli siyang pumikit. Pagkalipas ng ilang sandali ay nagmulat ulit. Subalit, kulay tsokolate na ang kaniyang mga mata.
Liwanag mula sa lampara ang nagbibigay ng malamlam na ilaw sa kaniya. Nakapatong ito sa maliit na mesang katabi lamang ng kama. Kasama nito ang despertador (alarm clock) na Doraemon ang disenyo.
Bumangon siya sa kama't deretsong nagtungo sa kubeta para gawin ang palaging ginagawa tuwing pagkagising.
Maliit lamang ang silid. May kulay puting dingding, bintanang walang kurtina, telebisyon, pridyder, kama, aparador at pabilog na hapag-kainan. Nagkalat sa ibabaw ng mesa ang ilang libro, polaroid camera na minion ang desinyo, at ang itim na backpack na may nakaprintang tatlong letra na E, X, at O.
Napakasimple at walang kahit isang dekorasyon na makikita, kaya hindi mo aakalaing babae ang nakatira.
Pagkalipas ng labinlimang minuto, natapos na siya't nakapagbihis na rin. Nakasuot siya ng puting kamiseta na sinapawan ng itim na dyaket na may kaputsa (hood) at itim din na maong na may mga tastas. Itinali niya ang mahabang olandes (blonde) na buhok na medyo basa pa.
Makikita sa kaniyang batok ang markang hugis araw na may walong sinag. Sa may ibabang bahagi niyon ay isang hugis bituin na kulay ginto. Mayroon din markang kulay gintong bituin sa magkabila niyang palapulsuhan.
Lumapit siya sa kama at saka naupo. Nakayapak pa siya, kaya naman kitang-kita ang mga markang bituin sa kaniyang mga paa. Nagsuot siya ng puting medyas at saka isinunod ang kaniyang itim na leather boots.
Dinampot niya ang cell phone na katabi lang ng kaniyang unan at saka binuksan ang Facebook account. Tinitingnan niya sa huling pagkakataon ang profile picture niya roon na may isang like, na kung saan siya lang ang may gawa.
"Goodbye, Facebook," aniya at saka walang pagdadalawang-isip na binura ang kaniyang account.
"Goodbye na rin sa 'yo Twitter at Instagram." Isinunod niyang binura ang account sa dalawa na walang kahit isang follower.
Sunod niyang binisita ang kaniyang Wattpad account. May ninety-nine following at eleven followers. "Paalam na rin sa 'yo Wattpad." Nakangiti siya pero mababasa sa kaniyang mga mata ang pinagsamang lungkot at panghihinayang.
Matapos mabura ang lahat ng social media accounts ay inumpisahan nitong inilagay ang mga gamit na nasa ibabaw ng mesa sa kaniyang backpack. Nang masigurong wala ng nakalimutan pa ay agad na rin siyang lumabas ng tinutuluyan.
NAKATAYO SIYA SA TAPAT ng may kataasang gusali. Nakatuon ang kaniyang tingin sa silid na nasa ikapitong palapag, na kung saan ay mahigit pitong taon din niyang naging lungga.