Sino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan.
Ano'ng...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
RAMDAM NI ARYANA ANG LAMIG kahit may dyaket at balabal siyang suot nang marating nila ang mas mataas na bahagi. Idagdag pang halos halikan at yakapin na siya ng mga ulap. Nakaapak ang lalaki sa alapaap samantalang siya ay bahagyang nakalutang.
Tumingin si Aryana sa ibaba. Parang mapa ang tanawin na kaniyang natatanaw dahil sa liit ng mga ito. Subalit, sa isang kagaya niya ay malinaw pa rin nitong nakikita na tila ba nasa malapit siya nakatingin.
Una niyang tiningnan ang direksiyong nasa timog. Kapansin-pansin ang pulang kastilyo na napalibutan ng anim na naglalakihang aktibong bulkan. Sa may hindi kalayuan ay naroon ang napakaraming bahay ng mga mamamayan sa kaharian ng Aelius.
Mabuhangin at may kaunting mga malalaking bato sa timog silangan. Nasa gitna ng pagkalawak-lawak na desyerto matatagpuan ang kulay lupa na palasyo sa Arpina. Nakapalibot dito ang mga tahanan ng kanilang nasasakupan. Para iyong siyudad sa gitna ng desyerto.
Maganda ang abuhing kastilyo sa may silangan, ang kaharian ng Ravi, na kung saan nakapalibot naman dito ang karamihan sa mga tahanan ng kanilang nasasakupan. May kalakasan ang hangin sa bahaging ito dahil kapansin-pansin ang pagliliparan ng mga tuyong dahon sa himpapawid.
Sandamakmak ang matatarik na bangin at kabundukan sa kaharian ng Raiden. Ito'y nasa hilagang silangan na bahagi. Maaraw ngunit kumikidlat nang walang tigil, lalong-lalo na sa may kulay pilak na palasyo. Sangkaterba ang mga tahanan na nagkalat na tila ba baliwala lang sa mga ito ang malakas na kidlat.
Tumingin si Aryana sa kahariang nasa hilaga, ang Kai. Mayaman sa iba't ibang anyong tubig ang saklaw nito. Ang bughaw na palasyo ay nakatayo sa gitna ng isang malahiganteng dagat-dagatan, na kung saan nakapalibot naman sa labas nito ang mga kabahayan na lumulutang.
Nilingon ni Aryana ang lalaking kanina pa tahimik na nagmamasid sa kaniya, na tila ba pati ang paghinga niya ay pinapansin nito. Base sa kaniyang nakita roon sa talon ay tubig ang kapangyarihan nito. Idagdag pang hawak nito ang bughaw na dragon kaya paniguradong sa kaharian ng Kai ito nabibilang.
"Ikaw ay magmadali sa pagtingin, babaeng maliit, kung ayaw mong ikaw ay mahuli sa pagsusulit," seryoso ngunit mababa ang boses na pagkakasabi nito sa kaniya.
Tango ang isinagot niya rito at ibinaling na ang tingin sa hilagang kanluran.
Puti ang halos lahat ng kaniyang nakikita sa kaharian ng Eira dahil sa paglalaglagan ng mga niyebe. Ang tanging nakaaangat ay ang palasyong gawa yata sa yelo.
Maganda ang tanawin sa bahaging kanluran. Napakaraming puno na namumulaklak. Ang iba naman ay may iba't ibang kulay ng dahon. Marami ang mga ibon na tila ba masayang lumilipad sa himpapawid. Masasabi niyang sagana sa likas na yaman ang kaharian ng Savita. Kay ganda rin ng kulay berdeng palasyo na nasa tuktok ng bundok nakatayo.