08 • Tris at Four

2.1K 192 236
                                    

PUMASOK SI FOUR sa isang malawak at mataas na tarangkahan

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

PUMASOK SI FOUR sa isang malawak at mataas na tarangkahan. May nakasulat sa itaas na Academia de Sedna. May nakatayong mga kawal sa magkabilang gilid. Makapal at matayog ang mga bakod. Nakasunod sa kaniya si Tris. Hindi nito pinapansin o kahit lingunin man lang sandali ang babae.

        Matapos nitong maihatid si Aryana sa may labas ng La Martina ay umalis na agad ito. Gustuhin man nitong ihatid malapit sa tanggapan ng Academia de Lucius ay hindi magawa dahil kay Tris na parang buntot.

        Nadaanan nila sa may kanan ang mahigit dalawang daang bagong disipolo. Nakasuot ang mga ito ng madilim na pulang kamisadentro at itim na pantalon na may linya sa bawat gilid na kaparehong kulay sa damit. Kakulay rin ng damit ang mga suot nilang bota. Ang tatak ng kanilang sekta ay nasa sinturon. Isang espada na may nakapulupot na may mga tinik na metal.

        May apat na segundo maestro na siyang nagtuturo sa mga disipolo. Halos ganoon din ang mga suot ng mga ito. Ang kaibihan lang ay ang tatak ay nakaburda sa kaliwang dibdib ng damit at may mga suot itong parang medalyon na naroon din ang logo. Kulay pilak para sa mga segundo maetro samantalang ginto naman para sa mga senyor maestro.

        Napansin sila ng mga segundo maestro at nagsiyukod ang mga ito. Nagsisunuran din ang mga disipolo at sabay-sabay na bumati ng, "Magandang araw, Prinsepe Four at Prinsesa Tris."

        Tumango si Four bilang tugon at sumenyas na ipagpatuloy ng mga ito ang kanilang pagsasanay.

        Si Four ang pang-apat na prinsepe sa kaharian ng Kai. Ang kinatatayuan ng paaralan ay sakop ng kanilang kaharian. Samantalang si Trinity Rose Ignacio Salazar o Tris ay ang ikalawang prinsesa sa kahariang nasa timog, ang Aelius.

        Si Tris ang babaeng may dugo ng phoenix samantalang si Four ang lalaking may dugo ng dragon. Ayon sa sabi-sabi, silang dalawa raw ang itinakda para sa isaʼt isa. Para mapatunayan ang pinaniniwalaan nilaʼy pinapunta silang dalawa sa Isla Corazon. Nang malaman ng mga itong nakapasok nga sila ay naghanda ng isang malaking pagtitipon ang kaharian ng Aelius. Gusto ng hari na ikasal sila agad ngunit umapila si Four. Sabi nitoʼy saka na lang kapag umabot na sa isang daan taong gulang siya. Sa kasalukuyan ay siyam napuʼt walo na siya pero kung titingnan ang itsuraʼy parang dalawampuʼt apat pa lang ito.

        Biglang tumigil si Four sa paglalakad at hinarap si Tris. "Hanggang saan mo ako susundan? Ikaw ay umuwi na sa inyong kaharian. Ako'y abala kaya hindi kita mahaharap at kakausapin ko pa si ama."

         Ang punong maestro ng paaralan ang tinutukoy nitong ama, na kapatid ng kaniyang inang reyna. Iyon lang talaga ang tawag nito. Ito kasi ang nagpalaki sa kaniya. Prinsepe siya ngunit hindi sa palasyo nakatira. Isa pa, ayaw nitong tumira doon. Hindi sila magkasundo ng mga kapatid at ama.

        "Hindi pagsunod-sunod ang tawag dito sa ginagawa ko. Binabantayan kita," sagot ni Tris. "Baka may ibang babaeng lalapit sa 'yo."

        Napapalatak si Four. Tinalikuran na nitong muli ang babae at nagpatuloy sa paglalakad. Masasayang lang ang laway nito kung ipagpapatuloy pa nila ang pag-uusap. Malubha na ang babaeng ito. Parang gusto nitong budburan ng asin at ilitson gamit ang sariling kapangyarihan ng babae.

The Saga Of AryanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon