NAKALAPAT ANG KALIWANG PALAD sa higanteng bato habang nasa kaliwang dibdib naman niya ang kanang kamay. Namamawis ang mukha at habol-habol ang kaniyang paghinga. May bahid ng pulang likido ang kaniyang bibig paibaba, maging ang suot na puting dyaket ay nagkaroon ng mga patak-patak ng kulay pula.
Muli niyang naramdaman ang paninikip ng kaniyang dibdib. Pakiramdam niya ay pinipiga iyon. Kagat-kagat niya ang dila upang hindi mapasigaw nang malakas.
Muli siyang napaduwal ng malapot na dugo. Pinunasan ng likurang bahagi ng kaniyang kamay ang ilong sapagkat may lumabas na rin na dugo roon. Hindi na kinaya ng kanina pa nanginginig na mga tuhod, kaya tuluyan na siyang napaluhod. Halos sampung minuto na siyang ganyan at sa bawat segundo na lumipas ay pakiramdam niya ay mas lalong lumalala ang kaniyang nararamdaman.
Napatingala siya sa kalangitan. Nag-aagaw na ang dilim at liwanag.
"Dalawang araw na lang . . ." ani Aryana at saka muli na naman siyang lumuwa ng dugo. Mas lalong lumala ang nararamdaman na sakit sa kaniyang dibdib. Namimilipit na siya at nahihirapang huminga. Naghahalo na ang malalaking butil ng pawis at luha niya.
"H-Hindi ako puwedeng maging ganito." Natuon ang mga mata niya sa mga maliliit na bato na naging pula na ang kulay. Ito iyong mga sinukahan niya.
Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit ang higpit na ipinagbabawal sa kanya ang paggamit ng kanyang dugo. May kapalit ang panggamot niya—isang napakasakit na kapalit at nakakaputi pa ng ilang hibla ng kanyang buhok.
Muli siyang tumingin sa itaas. "M-Malapit nang lumabas ang tatlong bilog na buwan."
Sa kabila nang nakakaaawang kondisyon ay wala siyang pagsisising nadarama. Nakaligtas siya ng isang buhay kaya ayos lang sa kaniya.
Pinahiran niyang muli ang ilong dahil may lumabas na namang dugo roon. Sa ikalawang beses na pagpahid ay natigilan siyang bigla. May naramdaman siyang gumagalaw sa loob ng bulsa ng suot niyang dyaket.
Pagkabukas pa lang niya sa siper ay may lumabas doon na liwanag at kasunod ang paglabas ng maliit na libro na bigay ni Antonia sa kaniya at saka lumutang iyon sa kaniyang harapan.
Sa kabila ng paghihirap at sakit na nararanasan ay sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Bumukas na ang aklat. Malalaman na ba niya kung sino ang kaniyang mga magulang? Kung sino o ano ba ang kaniyang totoong pagkatao?
Tutok na tutok siya sa aklat. May naglabasan doon na mga kakaibang letra at numero. Subalit, naiintindihan naman niya ang mga iyon. Tinalasan niya pang maigi ang paningin at inihanda ang utak para maalala lahat ang nakasaad. May lumalabas na mga salita o pangungusap. Dahan-dahang mawawala at may lalabas muli sa libro.
Hanggang sa natapos iyon at muling nagsara ang aklat at saka bumalik iyon sa loob ng kaniyang bulsa. Isinara niyang muli ang siper para siguraduhing hindi iyon mawawala.
BINABASA MO ANG
The Saga Of Aryana
FantasiaSino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan. Ano'ng...