Sino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan.
Ano'ng...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
PINAGTITINGINAN NA NAMAN si Aryana habang naglalakad sa kalye patungong himnasyo. Maraming tao dahil doon siya dumaan sa parang bangketa. Nakahilera ang mga paninda sa gilid ng daan. Wala rin naman kasing ibang puwedeng daanan.
Lahat ay naka-medyebal na damit. Mapa-lalaki man o babae. Siya lang ang naiiba kaya agaw-pansin talaga ito.
Nakasuot siya ng puting kamiseta na pinatungan ng puting mahabang dyaket na abot tuhod ang haba, puting maong na may mga tastas na pinarisan ng itim na sinturong gawa sa katad, at itim din na bota. Nakalugay lang ang kaniyang buhok. Ang nakaaaagaw-pansin sa lahat ay ang suot niyang malaking salaming pang-araw. O 'di ba? Para siyang modelo na rumarampa dahil napapatingin ang lahat.
"Ako'y siguradong iniisip nilang ikaw ay hindi lang pulubi, baliw ka rin, babaeng maliit."
Inis niyang nilingon ang kaniyang kasabay sa paglalakad. "Shut up!" sigaw niya rito.
Tinawanan lang siya. Ito yata ang baliw. Ano ba ang nangyayari sa lalaking malaki na ito? Parang gusto pa niyang bumalik ito sa pagiging masungit.
Nababaliw na ba siya?
Sino ba 'yong sinigawan niya?
Ano raw sabi niya shatap?
Baka may minumura siya.
Napatingin si Aryana sa paligid. Mukhang tama si Four. Iniisip ng mga ito na nababaliw na siya. Hindi naman kasi nakikita ng mga ito ang lalaki dahil sa itim na mahiwagang balabal na suot nito. Kaya siya nagsuot ng salaming pang-araw dahil ayaw niyang makita ng iba ang kaniyang mga mata.
Alam na rin nitong si Four na nakikita niya ito dahil sa kanyang ika-apat na klase ng mga mata. Salamat na lang talaga at dinala niya ang kaniyang mga gamit bago pumunta sa mundong ito. Siyempre, salamat sa kaniyang doraebag dahil kahit halos gaano karami ang dala niyang gamit ay hindi siya nahihirapan.
Puwede rin naman siyang magsuot ng mga damit na kagaya sa sinusuot ng mga aruna. Marami naman ang mga nagtitinda sa lugar. Kaya lang ay hindi siya sanay at pahirap lang iyon para sa kaniya. Mas gugustuhin pa niyang matawag na pulubi at baliw kaysa magsuot ng mahabang damit na parang may pupuntahang kasiyahan.
Nagpatuloy na lang siya sa paglalakad. Binaliwala ang bulung-bulungan ng mga tao at ang lalaking malaki na nakabuntot sa kaniya.
Nakailang hakbang pa lang nang tumigil siya. Naagaw ang kanyang pansin sa isang hindi kalakihang tindahan sa bandang kanan. May nakasulat sa karatula na "Nombre Para Ti" (Names For You)at sa may pinto ay nakasabit ang parihabang kahoy na may nakalagay na "Lo Sentimos Estamos Cerrados" (Sorry We're Closed).
"Iyan ay bilihan ng mga pangalan."
Nilingon niya ang lalaking nakatayo sa kanyang tabi nang magsalita ito. "Isang dekada na nang magsara iyan sapagkat sila'y naubusan ng mga pangalang ibinebenta."