ILANG MINUTONG KATAHIMIKAN ang nagdaan sa pagitan nina Four at Aryana. Nasa may gilid sila ng ilog nakatayo, isang metro ang pagitan sa isa't isa habang sa maasul na tubig ang kanilang mga mata nakatuon.
Si Four ang unang bumasag ng katahimikan. "Bakit ikaw ay hindi pa nagsasalita, babaeng maliit? Ako'y hindi mo naman siguro pupuntahan dito sa may ilog kung ako'y sisilipin mo lang, 'di ba?"
Napatingin si Aryana rito. Ang seryoso nito at pormal na masyado. Parang kani-kanina lang, may pa-akbay-akbay at pangiti-ngiti pang nalalaman, pero ngayon, kung umasta ay parang kakikilala pa lang nila.
Ibinalik niya ang tingin sa tubig. Napabuntong-hininga siya pagkatapos. "Puwede mo bang sabihin sa 'kin kung para saan itong nilagay mo sa leeg ko?"
Dumaan ang ilang sandali na wala siyang narinig na sagot, kaya napagpasyahan niyang tingnan ito.
Nakaharap ito sa kaniya at tagos-buto kung makatingin.
"Hindi mo ba talaga alam o ikaw ay nagkukunwari lang?"
Sumama ang timpla ng mukha ni Aryana. Iba ang paraan ng pagkakasabi nito. Parang nang-aakusa.
"Magtatanong ba ako kung alam ko ha?" Napataas na rin ang boses niya. Bakit naman kasi hindi na lang nito diretsong sabihin sa kaniya para tapos ang usapan.
"Ako'y huwag mong pagtaasan ng boses, babaeng maliit! Kasalanan mo kung bakit ikaw ay nilagyan ko ng marka!" Ito naman ang nagtaas ng boses.
Nagpanting ang tainga ni Aryana sa narinig.
"Siraulo ka pala, e! Hindi mo ba alam kung ilang balde ng lakas ng loob ang inimbak ko bago ka lapitan ha? Nakakagago ka na ha! Ikaw na nga 'tong may ginawa sa akin pero ako pa itong nahihiya na lapitan ka, tapos ang resulta? Ako pa ang sisisihin mo, ha?" Naging purong itim na naman ang mga mata niya. May mga itim na enerhiya rin na lumalabas sa kaniyang katawan.
Katakot si Aryana kapag nagagalit pero baliwala lang iyon sa binata. Wala siyang panahon para pagtuunan pa ng pansin ang pagbabago ng dalaga. Dahil siya mismo, may gusto rin na ilabas sa kaloob-looban niya. Sa tingin nito ito na ang oras na iyon.
"Ikaw naman talaga ang may kasalanan! Kasalanan mo! Ikaw ang may kasalanan kung bakit ako'y nagkakaganito!" pasigaw na ani Four.
Napaawang na lang ang bibig ni Aryana. Talagang ipinagdidiinan nitong siya ang may kasalanan. Kung bugbugin na lang kaya niya ito? O ilibing nang buhay? Kaya naman niya iyong gawin. Mas malakas at mas makapangyarihan siya kumpara sa lalaki. Pero habang iniisip ang kahihinatnan nito'y pakiramdam niya'y nahihirapan siyang huminga. Na may bahagi ng puso ang kumikirot. Kahit nakakainis ang lalaki minsan, ayaw niya talagang may mangyaring masama rito. Ganoon din ang naramdaman niya noong muntik na itong mamatay dahil sa lason. Na kahit may hindi magandang mangyari sa kaniya ay ayos lang basta ligtas ito.
BINABASA MO ANG
The Saga Of Aryana
FantasySino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan. Ano'ng...