Sino? Ano? Bakit? Saan? Maliban sa kaalamang hindi siya normal, kinalakihan ni Aryana Deltacosta ang mga katanungang iyan. Kaya sa halip na mag-aral nang mabuti ay inihahanda niya ang sarili para sa pagbabalik niya sa mundong pinanggalingan.
Ano'ng...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
PAPASIKAT PA LANG ang araw ay nakaligo na si Aryana. Doon siya sa talon naligo at nakapagbihis na rin. Habang naglalakad ay sinusuklay niya ang buhok gamit ang mga daliri.
Nagsalubong ang mga kilay niya nang makita si Four. Nakatayo ito at matamang nakatingin sa kaniya. Anoʼng problema nito? May mali ba sa kaniya?
"Bakit ka ganyan makatingin?" Hindi nakatiis si Aryana na 'di magtanong.
"Bakit suot mo'y ganyan? Ikaw ba'y walang ibang damit o kayaʼy karayom at sinulid para iyan ay matahi?"
Agad na napatingin si Aryana sa kaniyang suot. Itim na dyaket na may kaputsa. Nakabukas ang siper, kaya kita ang kaniyang itim na sports bra, at siyempre, ang tiyan niya. Hindi siya nahihiya. Isa siya sa iilang bilang ng mga babaeng may abs. Isang itim na maong na may mga tastas naman ang suot niya na pinarisan ng itim na bota.
Itinaas niya ang siper ng dyaket at saka muling tiningnan ang kaniyang suot. Wala naman siyang nakikitang mali.
"Anoʼng problema mo sa suot ko?" muling tanong ni Aryana.
"'Yan!" Itinuro ni Four ang suot niyang maong. "Ikaw ay kaawa-awang tingnan dahil may mga punit-punit." Ang seryoso pa ng mukha nito habang nagsasalita.
Napangiti nang malawak si Aryana. "Ripped jeans ang tawag dito sa suot ko. Ganito na talaga nang binili ko. Uso kaya 'to."
"Iyan ay gawa sa oso?"
Natampal ni Aryana ang noo niya. Oso o bear yata ang pagkakaintindi ng lalaki sa sinabi niya. "Hindi. Ang ibig kong sabihin ay marami ang nagsusuot ng ganito."
Tiningnan siyang muli ng lalaki. "Ikaw ay mahina na nga, pulubi ka pa," anito.
Patago na lang na naikuyom ni Aryana ang kaniyang mga kamao. Iniinsulto na naman siya.
"Umalis na nga tayo. Maloloka ako sa 'yo," sabi na lang niya.
Tumango na lang si Four. Napapantastikuhan ito sa babaeng kasama. Kakaiba ito sa mga nakasasalamuha nito. Sa paraan ng pananamit at maging sa pananalita. Marami rin itong mga salita na binibigkas na hindi nito maintindihan ngunit nahihiya lang magtanong. Kung hindi lang nito alam na napakaimposible ang lumabas o pumasok sa Arun, malamang naniwala na siya sa sinabi ng babae na galing ito sa mundo ng mga mortal.
"Azure, labas," sambit ni Four. Umilaw ang kulay bughaw na markang anyong patak ng tubig na nasa batok nito. May lumabas galing sa likuran na bughaw na parang usok at lumipat iyon sa may harapan nito. Dahan-dahan nagkahulma at lumawak ang usok hanggang sa tuluyang nabuo ang pagkalaki-laking dragong bughaw.
"Wow!" Pagkamangha ang masasalamin sa mga mata ng dalaga. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na makakita siya ng dragon.
Tiningnan niya ang lalaki. "Kung ganoon ay ikaw ang maestro ng Dragong Bughaw?"