IJHPA: 29

77 4 19
                                    

Mabilis na lumipas ang mga araw at ikalawang linggo na ngayon ng Agosto. Ngunit hindi tulad ng dati, marami na ang nagaganap sa buhay ko. Naging mas komportable na ako sa tuwing nagtatrabaho sa unit ni Clay.

Lagi na kasi kaming lumalabas para mamasyal tuwing sasapit ang Linggo. Kung hindi sa mall ay dinadala ko naman siya ulit sa bayan para makapamalengke at maipagluto siya.

Hindi ko maitatago ang tuwa sa tuwing kasama siya. Para bang may sarili kaming mundo na kaming dalawa lang ang tao. Ganito ang laging nararamdaman ko at hindi ko alam ang mangyayari sa oras na matigil ito.

Wala pa ring balita kay tito kaya naman hindi pa rin payapa ang buhay sa bahay. Tumigil na rin sa pag-aaral si Kuya Leo dahil mas pinili niyang hanapin ang kaniyang ama. Nagkuwento naman siya sa akin na tinanggap daw siya sa Tarus kung saan siya magtatrabaho bilang assistant noong kakilala niya roon.

"Napakatagal naman kasi ng announcement, mabuti nalang dito nila naisipan ganapin," reklamo ni Ake.

Nandito kami ngayon sa gymnasium ng paaralang ito. Kulob dito at air-conditioned rin kaya naman hindi ganoon kainit.

"Mabuti nga tayo lang nandito at walang juniors, kung hindi eh 'di mas mainit," saad ko.

Sasagot pa sana si Ake nang pumanik sa entablado si Joacquin para magsalita.

"Magandang umaga mga kapwa ko mag-aaral. Ikinagagalak namin ang inyong pagdalo sa pagtitipong ito kasabay ng pagsalubong natin sa buwan ng Agosto," masiglang pagbati niya.

Nagsipalakpakan naman kaming lahat.

"Tayo pong lahat ay inaanyayahan na bigyang daan ang isa sa ating opisyal na wika at iyon ay ang Filipino. Hinihikayat ko kayo na palalimin pa ang kaalaman tungkol sa ating wika. Kaya naman, para sa mga patimpalak na gagawin sa buwang ito ay kinakailangan namin ang inyong kooperasyon at pakikisama. Para sa paglalatag ng mga aktibidad, narito ang presidente ng ating paaralan. Tayo po ay tumayo at magbigay pugay kay Binibining Mirasol Ayala," dagdag niya pa.

Pumanik naman sa entablao ang presidente ng paaralang ito. Hindi maitatago ang ganda niyang taglay kahit pa nagkaka-edad na siya. Marami akong balitang naririnig tungkol sa kaniya ngunit hindi ako naniniwala sapagkat gusto ko munang matunghayan bago ko ito paniwalaan.

"Magandang umaga sa inyong lahat. Para bigyang linaw ang anunsyo ng ating presidente ng student council, aking ipapaliwanag ang mga programang gaganapin sa buwang ito," panimula niya.

Nagpatuloy siya sa pagpapaliwanag at katulad ng ibang estudyante ay nainip narin ako. Inanunsyo niya na magkakaroon ng mga patimpalak sa bawat departamento sa kolehiyo, iba naman sa mga sekondarya.

"At para sa isa pang aktibidad pang kolehiyo, nais naming marinig ang inyong opinyon ukol sa kalagayan ng ating bansa. Kaya naman, inaanyayahan namin kayo na makilahok sa paggawa ng malayang tula na ang tema ay 'Pagkakaisa'. Aking ipinararating ang pakiki-isa, nawa'y inyong pagbutihan. Iyon lamang at maraming salamat. Maligayang Buwan ng Wika!" pagwawakas niya sa kaniyang litanya.

Bumati naman kami pabalik at muli siyang pinalakpakan habang bumababa ng entablado. Hindi ko na naintindihan pa ang pagtatapos ni Joacquin sa programa dahil dinadaldal ako ni Ake.

"Ano naman kayang gagawin kong entry?" namomroblema niyang saad nang makarating kami sa cafeteria.

"Madali lang naman 'yun, magbasa ka lang o kaya manood ng balita," sabi ko.

Bumili na kami ng makakain at katulad rin noongg mga nakaraang araw ay hindi pa rin pumapasok si Clay.

Ni hindi ko alam kung tumigil na ba siya sa pag-aaral o sadyang malakas lang ang kapit niya kay Dean kaya't hindi parin siya napapaalis dito. Gusto ko man siyang tanungin sa tuwing magkasama kami ay nahihiya naman ako.

I'm Just His P.A.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon