Twenty-nine

30 5 0
                                    

IALS: Chapter 29


Nakasalampak ako sa sofa ngayon, at walang magawa. Gusto ko sanang maglinis ng buong bahay, para may magawa man lang ako, ang kaso ay malinis pa rin ito. Nag-general cleaning ako kahapon, dahil wala rin akong magawa.


Pangatlong araw na ng bakasyon ngayon. Gusto ko sanang pumunta ng topiary garden sa may Gateway Mall, kaso tinatamad din naman akong lumabas. Nakatitig lang ako sa nakapatay na TV. Pinapanood ang repleksyon nang gumagalaw na electric fan. Sayang lang sa kuryente kapag binuksan ko ang TV. Ngayon ko lang napagtanto ang kagaguhan ko noon, sa tuwing binubuksan ang TV kapag nasa kusina ako.


Binalingan ko ang cellphone sa center table, at nakita ang pangalan ni Angelica sa screen.


Anggenda ko is calling...


Tinitigan ko lang iyon. Sa pangalawang tawag niya lang ako nagbalak na sagutin. Tinapat ko sa tenga ang cellphone, para lamang salubungin nang sigaw ni Angelica na ang tagal ko raw sumagot. Bakit pala ako sasagot? Nagtanong ba siya?


"Tumawag ka lang para singhalan ako? Ibaba ko nalang," tamad kong sambit.


"Tara rito sa arcade" sabi niya sa kabilang linya.


"Ayaw ko. Kakatamad" sagot ko.


"Di 'wag! Libre pa naman ni Julio!"


Tumaas ang dalawa kong kilay, at agad na tumayo sa sofa. Naglakad din ako papunta sa kwarto, habang nasa tenga pa rin nakatapat ang cellphone.


"Di mo naman sinabi agad. Sa Gateway ba?" tanong ko, habang kinakalkal na ang cabinet.


"Tignan mo 'to. Kapag libre talaga" aniya.


"Saan nga? Daming ebas na naman," kunot noo kong sabi at kinuha ang isang grey na tshirt.


Nang sabihan niyang sa Gateway, ay agad ko nang binaba ang tawag. Nagpalit na ako ng damit at pinatay na ang mga ilaw. Nang masigurado na wala nang mga nakasaksak, at baka pag-uwi ko ay abo na ang bahay, ay sumibat na ako.


Nasa may foodcourt ko sila naabutan. Kumakain na sila at may pagkain na rin akong nakahanda roon. Iba talaga kapag Julio, pa-libre-libre nalang. Habang naglalakad ako palapit sa mesa nila, ay hindi ko naiwasang ilibot ang mata sa paligid. May hinahanap.


"Weh, hanap mo si Romeo no?" si Angelica, nang makalapit na ako sa kanila, at pinagpatuloy pa rin ang pagtingin-tingin sa paligid.


"Di makakapunta. Tinawagan na ni Angelica. May aasikasuhin daw e," si Julio matapos ibaba ang baso ng softdrink.


"Hindi naman siya ang hanap ko," sambit ko at nagkibit balikat.


Umupo na ako sa tabi ni Angelica, na may mapang-asar pa rin na ekspresyon. Tila ayaw maniwala sa sinabi ko. Ano? Mas marunong pa siya sa akin? E sa hindi ko naman talaga hinahanap si loser elementary kid.


Nang matapos kaming kumain, ay nagpahinga lang kami saglit, bago umakyat sa taas kung nasaan ang arcade. Maraming tao roon, dahil na rin sa bakasyon. Puno ang mga palaruan, kaya nang may lumabas sa isang videoke room, ay niyaya kami ni Angelica.


Nakaismid lang ako habang nakasandal sa couch. Si Angelica lang ang nag-eenjoy, dahil siya lang naman ang mahilig kumanta. Kinanta niya pa ang love story, kaya may bigla akong naalala. Pero hindi ko sasabihin kung ano, dahil tinatamad ako.


Nang masilip ko sa glass wall na umalis iyong isang naglalaro ng tekken, ay agad akong tumayo. Nanatili si Julio, dahil maiiwan mag-isa si Angelica roon. Seryoso lang akong naglalaro, at kalaban ko ang siyang naglalaro sa tapat ko. Narinig ko pang minura niya ako. Mumurahin ko rin sana, kaso nakakatamad.


Ayaw patalo kahit ilang beses ko na siyang natalo, ay naglaro pa rin. Umalis lang nang maubos na ang token niya. Sinilip niya pa ako at masamang tinitigan. Sinamaan ko rin naman ng tingin, kaya umismid at umalis, kaya pinalitan siya ng ibang gusto pang maglaro. Gago ampots. Maglalaro-laro, tapos kapag natalo magagalit. Asar talo, literal.


Ayaw ko sanang umalis pa, dahil namiss ko rin maglaro nito. Kaso ay may batang lalaki na naghihintay din. Mukhang ayaw din magsipag-alisan ng ibang naglalaro, kaya ako nalang ang umalis. 


Nakakapag-arcade lang naman ako kapag nanlilibre si Julio at Angelica. Ayaw ko lang gumastos para lang sa laro. Ikakain ko nalang mabubusog pa ako. Madalas kami rito sa timezone noong high school. Lalo na kapag may program sa school, tapos half day lang ang klase. 


Lumipat nalang ako roon sa may basketball. May mga nakapila rin doon, kaya tamad ko lang silang pinanood. Atsaka palang ako nakapaglaro, nang umalis na iyong magjowa. May iilan akong naririnig na nanonood sa laro ko. Sinasabi nila na ang galing ko raw magshoot kahit maliit ako. Ayos na sana, kaso bakit kailangan pang sabihing maliit ako? E kung sila ishoot ko sa ring.


"Tangina! Sabi na e, ikaw 'yan!"


Agad akong napalingon sa taong kumapit sa braso ko. Nanlaki ang mata ko nang makilala ang kupal. Ngiting-ngiti pa ito at parang tuwang-tuwa na nasa harapan niya ako ngayon. Saglit kong sinulyapan ang mga nanood sa akin kanina.


"Hulieta, kamusta?" dagdag niya pa, kaya nagkibit balikat ako.


"Tao pa rin naman" sagot ko, at shinoot na ang hawak ko na bola, na siyang huling bola na rin.


Pasok iyon sa ring kaya napangisi ako. Nang balingan ko siya ay nakangisi rin siya.


Naglakad ako roon sa upuan, kaya bumuntot din naman agad siya. Bakas pa rin ang saya sa mukha ni Clarence. Anong bang kinakasaya niya riyan? Ako lang naman 'to. Kung matuwa ay akala mo nanalo sa loto.


"Kamusta?" tanong ko.


"Ayos pa rin. Grabe boss, ang liit mo pa rin talaga" aniya at ngumisi.


Pinanliitan ko siya ng mata, kaya humalakhak siya at ginulo pa ang buhok ko.


"Kamusta sila Diego?" tanong ko ulit.


"Ayun, walang pinagbago. Mga basag ulo pa rin. Naghahari-harian na nga roon sa pinapasukan nilang school. Mga gago pa rin talaga" umiiling-iling niyang sabi.


"Ikaw? Hindi ka na gago?" usal ko at inismiran siya.


Nagkamot siya ng ulo at umiling-iling.


"Hindi na boss. May anak na rin kasi," sagot niya.


Saglit akong napatitig sa kaniya dahil sa sinabi. Gangmate ko si Clarence noong high school, siya ang naghahamon palagi nang away. Malakas maghamon, pero umaatras din naman agad. Matapang lang kapag kasama niya kami. Nakakagulat lang na may anak na siya ngayon. Bakas na rin sa hitsura niya na matino na siyang tao. 


"Congrats," sambit ko, kaya tumango-tango ito, "Wag ka nang manggago, lalo ngayon na may pamilya ka na," dagdag ko pa, kaya tumango ito ulit.


"Oo naman boss. Nagpapart-time rin ako ngayon habang nag-aaral. Ayaw kong huminto e, gusto kong makapagtapos" aniya, kaya napangisi ako.


"Tangina, nagbago na nga. Pumapasok ka pa noon na may amats ah" nakangisi kong sabi.


"Ikaw boss, kamusta ka naman? Sila Angge pa rin ba kasama mo?" 


"Panay boss. Tigil mo nga 'yan, tadyakan kita e" inis kong sambit, kaya tumawa ito.


Hindi 'to ganito noon ah. Bakit tumatawa na rin siya ngayon kahit walang nakakatawa? Ano bang nakukuha sa pagtawa kahit wala namang dahilan para tumawa? Nakakayaman ba iyon? Kung oo, tatawa nalang ako kahit mag-isa.


Panay lang siya kuwento ng mga kagaguhan namin noon. Pinapaalala na ako raw lider ng gang namin. Gusto ko na nga ibalibag dahil naririndi ako. Kapag naalala ko pagiging gangster ko at siga-sigahan, para gusto kong itakwil sarili ko. 


"Rence!"


Sabay kaming napalingon kay Angelica na mabilis na naglakad papalapit sa amin. Ngiting-ngiti pa ito at nakipag-high five kay Clarence. Pati si Julio ay ganoon din. Nagkamustahan sila, na akala mo galing sa abroad. Tamad lang akong nakikinig sa mga chismis ni Angelica sa kaniya. Siningit niya pa iyong pag-aaway daw namin ni Alberto.


"Mabuti naman at magkakasama pa rin kayo. 'Wag mong iwanan 'to Angelica, iniwan niya samahan namin dahil sa'yo. Nawalan kami ng little boss," ani Clarence, at binalingan ako.


"Big boss sana tawag sa'yo, kaso maliit ka" pang-aasar sa akin ni Angelica, at nakipag-high five pa kay Clarence na ginagatungan siya.


Sarap nilang pag-untugin dalawa. Nakaismid lang ako habang pinapanood silang tumatawa. Nawala lang ang tingin ko sa kanila, nang mapatingin ako sa isang banda, at nakita si loser elemtary kid. Nakatayo ito at nakatingin sa amin.


Akala ko ba hindi makakapunta 'to?


"Diba, Yet?" tanong ni Angelica, kaya binalingan ko siya.


Tumaas ang dalawang kilay ko, tila tinatanong kung anong sinabi niya. Umirap naman siya, dahil hindi ko naintindihan. Mukhang joke iyong sinabi niya, kaya ganiyan nalang ang hitsura, dahil mukhang hindi na nakakatawa iyon, dahil hindi ko pinansin. Umirap siya ulit, bago binalingan ang tinitignan ko kanina.


"Kaya pala hindi nakikinig" usal ni Angelica at inismiran ako, bago binalingan si Romeo at tinawag.


Tumango naman si loser elementary kid, at naglakad papalapit sa amin. Narinig kong tinatanong ni Clarence kung sino raw ba si Romeo.


"Future boyfriend ni Juliet" sagot ni Angelica.


"Totoo boss?" baling naman sa akin nang uto-utong si Clarence.


"Ge, magpaniwala ka dyan. Magmumukha ka lang gago" sabi ko at umismid.


"Di nga? Magiging jowa mo talaga?" tanong niya pa.


Masama ko siyang tinitigan, habang nakataas ang gitnang daliri ko sa kaniya. Natawa naman siya dahil doon, at binalingan si Romeo na nakalapit na sa amin. Binati pa ni Clarence si Romeo, at tinanong ang pangalan nito.


"Romel...Romel pangalan niya," sapaw ko kay Romeo, nang sasabihin na niya ang pangalan.


Kapag nalaman ni Clarence pangalan nito, ay talagang hindi ako tatatantanan nito. Mamaya mabanggit niya pa sa kanila Diego. Bakit ba kasi naging Romeo pangalan niyan. Gusto ko rin sana tanungin kung bakit Juliet pinangalan sa akin. Kaso parang sinasabi ko naman na, ako pa ang mag-aadjust para sa kaniya.


"Maniwala ka dyan. Romeo pangalan niya," si Angelica at binelatan ako.


"Naku boss, Romeo and Juliet pala. Mukhang hindi magkakatuluyan. Tsk. Tsk. Tsk" umiling-iling na sabi ni Clarence sa akin.


"Edi ayos," sagot ko at nginishan siya bago sulyapan si Romeo.


Nagpaalam na rin naman si Clarence sa amin, at kailangan na niyang umalis. May kinita lang siya rito at nakita ako kaya nangamusta. Pinagpatuloy din naman namin ang talagang balak gawin sa arcade.


Nakahalukipkip ako, habang nakatitig kay Angelica at Julio. Nag-aaway sila sa harapan noong machine, kung saan susungkit ka ng stuff toy, at kapag nasungkit mo ay makukuha mo iyon. Inaaway-away niya si Julio na ayusin daw ang laro. Kung mang-away si Angelica, akala mo pera niya ang winaldas. 


Nilingon ko nalang si Romeo na tahimik sa tabi ko. Nasa dalawa rin ang atensyon niya ngayon. Nang maramdaman niya ang paninitig ko sa kaniya ay nilingon niya ako. Umismid naman ako sa kaniya at umirap.


"Akala ko ba may inaasikaso? Bakit nandito ka na?" tanong ko, habang nakataas ang dalawang kilay.


"Tapos na" maikli niyang sagot kaya nagkibit balikat nalang ako.


Nang halos maubos na ang token at wala pa rin silang nakukuha sila Julio at Angelica na stufftoy, ay lumipat nalang kami sa ibang laro. Nagbasketball si Romeo at Julio, pero hindi na ako sumali, dahil naglaro na rin naman ako roon kanina. Pinanood ko nalang silang nagshoshoot ng bola.


"Yet?"


Nilingon ko si Angelica na malaki ang ngiti sa akin. Niyakap niya ang braso ko. Nangunot agad ang noo ko. Halatang may gustong ipagawa sa akin. Nagiging malambing lang naman ng ganiyan, kapag may request. Sarap ding sakalin e.


"Tigilan mo ako," sabi ko at inilingan siya.


"Sige na, Yet" 


Sabi ko na nga ba e.


"Bonak kasi ni Julio, hindi marunong kumuha ng stuff toy. Ikaw nalang kumuha para sa akin," aniya, at ngumuso pa.


Hindi man lang nakamove on, at gusto pa ring ipagpatuloy. Hindi pa man ako pumapayag, ay hinatak na niya ako roon sa machine. Naghulog pa ng token, para hindi ko tanggihan. Nang hindi ako gumalaw, ay tinulak niya ako sa harapan ng claw machine.


"Yet, 'yung black ha" nakangiti niyang sabi, at nginuso yong stuff toy na gusto niyang kunin ko.


"Kung black eye-an kita?" usal ko.


Ngumuso siya sa akin, kaya inirapan ko siya. Binalingan ko nalang din ang machine at kinontrol na ito. Hindi ko iyon nakuha, kaya naiinis na mukha ni Angelica ang siyang nabalingan ko. Labag sa loob pa niyang hinulog ang isa pang token. Ang sarap bigwasan. Ano namang akala niya sa akin? Na makukuha ko agad-agad?


Noong pangalawang subok ay wala pa rin. Muli siyang naghulog ng token na masama ang tingin sa akin. Tignan mo 'yan? Siya na 'tong humihingi ng pabor, siya itong ganiyan umasta. Mas maangas pa kesa sa akin.


Tamad ko na lamang na tinitigan iyong itim na laruan, habang ginagalaw ang controller. Napangisi ako, nang biglang nashoot sa butas ang laruan. Tumalon-talong si Angelica dahil doon na parang tipaklong at agad na kinuha ang laruan.


"Basic naman. Hindi man lang ako nahirapan. Sabi pa naman nila may daya raw 'to. Mukhang hindi lang talaga sila magaling," mayabang kong sabi, habang nakangisi sa machine.


Bumalik din naman kami ni Angelica sa puwesto nila Romeo. Tuwang-tuwa niyang pinagyabang kay Julio ang stufftoy. Sinabihan niya pa si Julio na tanga-tanga raw, at hindi marunong. Buti pa raw ako. Syempre, ako 'to e. Si Juliet.


Nang mapagod kami sa laro ay nagyaya si Romeo na kumain. Siya raw ang manlilibre, dahil si Julio ang nanlibre kanina. Bumalik ulit kami sa foodcourt, at doon pumwesto sa pwesto rin namin kanina. Wala kasing nakaupo roon.


Ang sarap din talagang magkaroon ng kaibigan na yayamanin. Lalo na kapag hindi madamot, at nanlibre. Aba, bagay na bagay sa akin ang ganoong kaibigan. Lalo pa at hayok ako sa libre. 'Wag silang mag-alala, babawi rin ako kapag milyonaryo na ako. 


Madilim na nang lumabas kami ng Gateway. Nahiwalay si Julio at Angelica sa amin, dahil iba ang daanan nila. Iba rin naman sana ang daanan ni Romeo, ang kaso ay ihahatid niya raw ako. Pauso na naman.


"Sumakay ka na. Dami mong alam, kaya ko naman umuwi mag-isa" sabi ko at inismiran siya.


"Ayos lang. Tatambay nalang din ako sainyo," aniya, kaya tinaasan ko siya ng kilay.


"Angas ah. Bakit ka tatambay?" tanong ko, at hindi naiwasang itaas ang sulok ng labi ko.


"Para may kasama ka" sagot niya,


Napatingin ako sa paligid habang nakangisi, at hindi makapaniwala sa sagot niya. Binalik ko ang tingin sa kaniya, habang nilalandas ang dila sa panloob na pisngi. Tumaas lalo ang dalawa kong kilay dahil sa paninitig niya sa akin.


"Ulol, kelan ka pa naging concern sa akin?" nakangisi kong pa ring sabi, habang umiiling-iling sa kaniya.


"Since you let me into your life, Juliet" 



It's A Love StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon