Concern

967 23 1
                                    

GEREMY ❤

Fried rice, tapa, longanisa at itlog ang agahan nina Geremy at Fritzie sa restaurant ng hotel.

"Hindi ka ba sanay mag-breakfast?" tanong ni Geremy nang makitang hindi ginagalaw ni Fritzie ang pagkain. Umiinom lang ito ng kape simula pa kanina. Samantalang paubos na niya ang laman ng kanyang pinggan.

"Sanay naman." Humigop itong muli ng kape. "Kaya lang inaantok pa ako." Ibinaba nito ang tasa sa mesa. "Kailangan ko ng pampagising para makondisyon ko ang utak ko na gising na ako."

"So, hindi ka nakatulog dahil iniisip mo ako o iyong boyfriend mo." Aniya para pagaanin ang atmosphere. Pakiramdam niya kasi aloof pa rin si Fritzie kahit matagal na silang magkakilala at kahit pa tinatarayan siya nito.

Pinandilatan siya nito. "Mahiya ka nga sa mga pinagsasasabi mo. Baka buhusan kita ng kape sa mukha. Saka wala akong boyfriend, no." Sabay tutop sa bibig na parang nabigla sa sinabi.

"Hindi totoong may boyfriend ka?"

"Break na kami."

"Kailan pa?"

"Kagabi lang."

"Bakit kayo nag-break?"

"Bakit ang dami mong tanong?"

"Nakakatuwa ka talagang asarin. Aside sa lumalaki ang butas ng ilong mo tuwing nagagalit ka, nabubuko ka tuloy sa mga kasinungalingan mo." Lumagok siya ng tubig. He's not a coffee person. Solve na siya sa tubig o tsaa.

"Tse. Ayaw kitang kausap." Tumagilid ito at itinuon ang paningin sa kabilang gawi.

"Para ka talagang bata," naiiling na sabi niya.

"Sarap nga ng tulog mo eh. Lakas mo palang humilik." Hindi pa rin siya tinitingnan nito.

Magaling lang magdala si Geremy kaya hindi halata na puyat din siya. Bilang na bilang niya kung ilang beses nagbanyo si Fritzie dahil gising ang diwa niya buong magdamag.

Kahit pagod na pagod siya maghapon ay hindi siya dalawin ng antok. Panay pagkukunwaring tulog ang ginawa niya. Nang mag-ala sais ay bumagon na siya at lumipat sa kanyang silid.

"Ineng, huwag ka ng magtampururot diyan. Kumain ka na. Mahaba ang biyahe natin ngayon."

Humarap si Fritzie nang marinig nitong pauwi na sila ng Maynila. "Hindi pala ako makakasabay umuwi sa iyo."

Nagulat siya. "Bakit naman? Makakatipid ka sa pamasahe kapag sumabay ka na sa akin."

Kumain na rin si Fritzie sa wakas. "May kailangan pa akong i-meet dito."

"Sino naman? Akala ko ba break na kayo ng boyfriendo. Ba't makikipagkita ka pa? Siguro babalikan mo pa."

"Basta. Hindi mo naman siya kilala kaya hayaan mo na lang."

"Bakit nga?" Pangungulit pa niya. Interesado siyang malaman.

"Huwag ka na ngang makulit. Basta hindi ako sasabay sa iyo."

"Hindi pwede. Nangako ako sa Tita mo na iuuwi kita ngayon anuman ang mangyari." Nabigla siya sa kanyang tinuran.

"So may sabwatan nga kayo ni Tita."

He was off guard. "Fritzie, kapakanan mo lang naman ang iniisip ko. Nag-aalala lang ako sa kaligtasan mo."

"Hindi ko kailangan ng proteksyon. Eh, di sumama ka kung gusto mo," padabog nitong ibinagsak ang kutsara at tinidor.

Naalala niyang bigla na sa araw na ito nare-schedule ang contract signing na dapat ay kahapon pa natapos. But right that moment parang hindi niya kayang mag-giveup na lang at umuwing hindi ito kasama. Paano na lang ang promise niya kay Marietta?

My Rebel HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon