GEREMY ☺
"Sira-ulo talaga ang babaeng iyon!" Himutok ni Geremy habang tinitingnan papalayo ang navy blue Fortuner niya.
Unang-unang gagawin niya pagdating sa restaurant ay ang magsumbong sa mga pulis. Kung may madadaanan nga siyang police station ay pupunta na siya
ngayon din.Kailangang maturuan ng leksyon ang babaeng iyon. Bata pa lang ito ay likas ng maldita at sakit ng ulo ng kaibigan niyang si Marietta.
Tama lang na pagmalasakitan niya at hindi na ito iba sa kanya. Kung ang pagpapa-police ang makakapagpatino rito ay walang pag-aalinlangang gagawin niya iyon. Pero uunahin niya muna ang kanyang kliyente.
Pinara kaagad niya ang unang taxi na dumaan. Sa SM North Edsa niya pinapunta ang taxi kung saan naroon ang French restaurant niyang "Le Taste Savore".
Naabutan pa ng taxi na sinasakyan niya ang Fortuner. Papaliko na ang taxi nang maalala niyang natangay ni Fritzie ang kontratang binalikan kanina.
Kung hindi niya naiwan iyon ay hindi nagkaroon ng pagkakataon si Fritzie na pumasok sa kotse niya.
"Buwisit na kontratang iyon. Kanina pa ako ipinapahamak."
"Mama, paki-sundan mo iyong navy blue na Fortuner na iyan sa harapan natin. Pero huwag ninyong ipapahalata na sumusunod tayo."
"Sige bossing." Mukhang nagtataka ang driver sa biglaang pagbabago ng destinasyon nila pero sumunod pa rin naman ito.
"Kahit anong mangyari, huwag kayong lalayo sa kotseng iyan. Babayaran ko kayo magkano man ang abutin," sabi niya sa driver na obvious namang natuwa sa alok niya.
Walang kaalam-alam si Fritzie na sinusundan niya ito. Magaling ang driver na nakuha niya. Kapag napapadikit ang taxi sa sinusundan ay agad na gumigilid ito at nagkukubli sa ibang sasakyan. Hindi rin naman mahirap sundan si Fritzie dahil mabagal ang pagpapatakbo nito.
Laking pasasalamat ni Geremy nang huminto si Fritzie sa tapat ng isang karinderia. Tatlong oras na nila itong sinusundan.
Kung hindi siya nagkakamali ay nasa parteng Pampanga na sila. Nananakit na ang puwet niya sa pag-upo.
Ito na ang pagkakataong hinihintay niya. Napag-isipan niya kanina na kung hindi madadaan si Fritzie sa pananakot, dadaanin na lang niya ito sa magandang pakiusap para makuha ang kontrata sa loob ng kotse. Baka sakaling tumalab ang reverse psychology.
Hindi na rin siya nakapagsumbong sa mga pulis. Ayaw niya kasing mawaglit sa paningin ang kanyang oto.
Sa kabilang bahagi ng kalsada pumarada si Mang Jun, ang pangalan ng taxi driver na nakapalagayang loob na rin niya sa biyahe.
Medyo malayo sa kotse niya ang pinaghintuan nila. Nakiramdam muna siya sa mga gagawing hakbang ni Fritzie.
Mula sa loob ng taxi ay tanaw niyang bumaba ito at pumasok sa karinderia. Kandahaba ang leeg niya sa pagsilip sa loob ng kainan.
Nakita niyang naupo ito matapos lumapit sa counter para siguro pumili ng pagkain.
Binayaran niya si Mang Jun ng tatlong libo. Ngising-ngisi ito ng matanggap ang salapi. Biruin mo nga naman sa loob ng ilang oras ay kumita ito ng malaki-laki rin namang halaga. Dinagdagan na niya ang bayad dahil mahusay naman ang serbisyo ni Mang Jun. Binilinan niya itong huwag munang umalis.
Nagpahintay siya sakaling hindi niya mapakiusapan si Fritzie. Susundan nila ulit ito.
Tumawid siya ng kalsada. Nilapitan ang sariling kotse. Naka-lock ang pintuan nang tangkain niyang buksan. Sayang, hindi niya maitatakas ang sasakyan o ang folder ng kontrata.
BINABASA MO ANG
My Rebel Heart
RomancePasaway, rebelde at sakit ng ulo ang best description kay Fritzie ng tita niyang si Marietta. She can't help it. Naikabit na yata ang mga katagang iyon sa personalidad niya. Mantakin mo ba namang pitong taon na siya sa kolehiyo ay di pa rin nakaka-g...