Chapter 6: Advice

520 14 3
                                        

Pagdating ng Sabado ng umaga ay umuwi ako sa Bulacan. Unang weekend ko matapos magsimula ang pasukan. Na-miss ko ang bahay namin. Na-miss ko siya Mommy at Daddy. Na-miss ko pati si Yaya Rose.

At siya agad ang nakita ko pagdating ko sa amin. Inabutan ko kasi siyang nagdidilig ng halaman.

"Yaya—" babatiin ko sana siya.

Pero agad siyang sumenyas na tumahimik ako, pagkatapos ay tumingin sa bahay na parang sinasabi na may nangyayaring kakaiba sa loob.

Lumapit ako sa kanya at bumulong. "Bakit, Yaya?"

Pabulong din ang sagot niya. "Yung mommy at daddy mo, nagsu-sweet."

Tumaas ang kilay ko. "Anong nagsu-sweet?"

"Nagsasayaw. Huwag mong istorbohin."

Natawa ako. Akala ko kung ano na. He-he-he.

Tahimik akong lumapit sa bahay. Sa labas pa lang ng pinto ay nakakarinig na ako ng tugtog.

I want to stand with you on a mountain

I want to bathe with you in the sea

I want to lay like this forever

Until the sky falls down on me

Truly, Madly, Deeply iyon, kanta ng Savage Garden. Medyo lumang kanta. Theme song nila Mommy at Daddy. Ilang beses ko na rin silang nakikitang nagsasayaw sa kantang iyon.

Maingat kong binuksan ang pinto pero bahagya lang. Sumilip ako sa sala.

Nandoon sila Mommy at Daddy, magkayakap habang sumasayaw ng sweet na napakalambing. Nakadantay pa ang pisngi ni Mommy sa dibdib ni Daddy. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal nila sa isa't isa.

Naisip ko tuloy, ganito kaya kami ni Maya kapag mag-asawa na kami?

Sana...

Sana maging kami...

Sana maging mag-asawa kami balang araw...

Bakit kasi may hadlang pa?

"J.M., nandiyan ka na pala?" bigla kong narinig na sabi ni Mommy.

Natigil ang pangangarap ko.

Nakatingin na sila sa akin. Medyo namumula pa ang mga mukha nila. Siguro nahihiya dahil nakita ko silang ubod ng lambing.

"Hi Ma, hi Dad," bati ko.

Nagbitiw sila at lumapit sa akin. Agad akong niyakap ni Mommy. "Kumusta ang bunso ko?"

"Mabuti, Ma," sagot ko lang.

"Okey ka lang ba doon sa dorm?"

"Okey lang, Ma."

Sumunod na yumakap sa akin si Daddy. "Wala bang nang-aaway sa yo doon?"

"Wala, Dad. Takot lang nila kay Ben."

Natawa sila pareho.

"Si Ate Jenna, nandiyan na ba?" tanong ko.

"Kanina pa," sagot ni Daddy. "Nandoon sa kuwarto. Natutulog siguro. Puyat yata e."

Tumango na lang ako. "Akyat muna ako, Dad, Ma."

"Sige," sagot ni Mommy. "Hindi ka ba nagugutom?"

Simple Heart 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon