"J.M., tulungan mo naman ako!"
Si Layla yun, nakadungaw sa pinto, nanghahaba na naman ang nguso.
Kasalukuyang inilalagay ko noon ang mga bag na naglalaman ng mga gamit ko sa van. Dalawang bag at dalawang karton lahat-lahat ang dala ko. Lahat ng mga bagay na kailangan ko sa aking college life.
"Nasan yung mga gamit mo?" tanong ko sa kanya.
"Nandun pa sa kuwarto!"
"Sige, sandali lang."
Pinsan ko si Layla. Leilani Reyes Laroza ang buo niyang pangalan. Anak siya sa labas ni Tito Gabriel na kapatid na bunso ni Daddy. Iniwan siya ng nanay niya kay Tito Gabriel dahil mag-aasawa na ito ng isang foreigner at titira na sa ibang bansa. Iniwan naman siya sa amin ni Tito dahil may asawa na si Tito at dalawa ang anak nila.
In short, parang abandoned child siya.
Kawawa naman.
FLASHBACK:
"Kuya, pasensya na. Wala na akong ibang pag-iiwanan dito kay Layla."
Ano daw? May iiwanan sa bahay namin? Layla?
Kalalabas ko lang ng kuwarto ko noon. Dinig na dinig ko ang boses ni Tito Gabriel. Nag-uusap siguro sila ni Daddy sa sala.
Kinse anyos pa lang ako noon. Bakasyon noon pagkatapos ng second year high school ko.
"Alam mo naman, Kuya, hindi siya pwede sa amin. Siguradong pag-iinitan siya ni Olive. Kilala mo naman yung ugali ng asawa ko."
Pinuntahan ko sila sa sala at inabutan ko doon si Daddy at Mommy na kausap si Tito Gabriel. Nakakunot ang noo ni Tito. Parang aburido.
May isang dalagang nakaupo sa tabi ni Tito. Sa tantya ko, kaedad ko lang ang babae. May itsura siya pero mukhang mataray. Morena, payat, at maiksi ang buhok. Maiksi ang suot niyang maong na shorts. Sleeveless ang blouse niya. Napansin ko agad, sa balikat niya, may tattoo. Parang isang maliit na paru-paro.
Napatingin siya sa akin at nagkatitigan kami. Parang may kumislap sa mga mata niya. Ngumiti siya sandali, matipid, pagkatapos ay yumuko ulit at sumimangot.
"Sige, Gab," narinig kong sabi ni Daddy. "Kami nang bahala dito kay Layla."
Siya pala si Layla, sabi ko sa sarili ko. At dito siya titira sa amin. Kahit papano, natuwa ako. May makakasama na akong hindi matanda dito sa bahay. Si Ate Jenna kasi, nagtatrabaho na sa Maynila. Weekends na lang kami nagkikita.
Pero makasundo ko kaya itong Layla na ito? Mukhang mataray a.
"J.M., halika dito," tawag ni Mommy sa akin.
Lumapit naman ako.
"J.M., siya si Layla. Pinsan mo siya. Layla, si J.M. Bunsong anak namin ng Tito Mike mo."
"Hi..." matipid kong bati kay Layla.
Muli siyang ngumiti sa akin, matipid nga lang.
"J.M., isama mo siya sa kuwarto niya," utos ni Mommy.
"Saan ang kuwarto niya, Ma?" tanong ko.
"Yung guest room, kanya na yon."
Tumango na lang ako. "Akina yang bag mo," sabi ko kay Layla. "Halika."

BINABASA MO ANG
Simple Heart 2
Fiksi RemajaJM, youngest child of Mike and Jules, goes to college and experiences love for the first time, in three different angles...