Parang walang kwenta ang nagdaang linggo sa akin. Palagi akong tulala. Madalas, nakatingin ako sa malayo at blangko ang isip ko. Kung hindi pa ako kinukulit ng mga kaibigan ko, baka hindi na ako kumain. Kung hindi ako pinagtityagaang alalayan ni Yana, baka hindi na ako pumasok.
Parang naulit ang mga araw noong kaaalis pa lang ni Maya.
Lalo namang naging malapit sa akin si Yana. Halos siya na ang nag-aaral para sa akin. Siya ang nangungulit sa akin para pumasok. Siya ang gumagawa ng notes ko. Siya rin ang nagpapaliwanag ng mga lessons sa akin kapag hindi ko naintindihan, dahil nga madalas ay tulala ako sa klase. Minsan nga, sinusubuan pa niya ako sa pagkain.
Alam ko, ginagawa niya iyon dahil mahal niya ako. Ramdam ko naman iyon. Hinahayaan ko lang siya. Nangako kasi ako sa kanya na hindi ako lalayo matapos niyang sabihin sa akin ang nararamdaman niya para sa akin.
Pero si Maya lagi ang nasa isip ko noon.
Dumating ang weekend at umuwi na naman kami ni Layla sa Bulacan. Pagdating ng araw ng Linggo ay nagising na lang ako na may naririnig na nag-uusap sa sala. May kausap sina Mommy at Daddy. Boses babae. Hindi ko kilala.
Bumangon ako at lumabas ng kuwarto. Agad akong bumaba. Pumunta ako sa komedor at umupo sa harap ng mesa. Mula doon, dinig na dinig ko ang pinag-uusapan nila.
"Wala namang problema sa amin kung kukunin mo na si Layla," narinig kong sabi ni Daddy. "Ikaw ang mother niya, kaya may karapatan ka. Pero siguro dapat din nating tanungin siya kung gusto niya talagang sumama sa yo."
Nanlaki ang mga mata ko. Nanigas ang katawan ko. Kukunin na si Layla ng mother niya?
Tumayo ako at nagtungo sa sala. Inabutan ko doon sina Mommy at Daddy. Nandoon pala si Layla. Tahimik siya at nakaupo lang sa tabi ng babae na mother pala niya.
"Layla, Anak," tanong ng babae kay Layla. "Sasama ka ba sa kin o gusto mong maiwan dito?"
Nakayuko noon si Layla. Halatang hindi siya makapagdesisyon.
"Baka kasi hindi na ako bumalik dito, Anak," sabi pa ng babae. "Malapit ko nang makuha yung citizenship ko sa Canada. Permanente na ko doon. Kung maiiwan ka dito, hindi na tayo magkikita."
Umupo ako sa tabi ni Mommy. Noon lang nila ako napansin.
Napatingin sa akin si Layla. Kitang-kita ang pagkabalisa sa mga mata niya. Halatang hindi niya alam ang gagawin niya.
Sa loob-loob ko, gusto niya sigurong sumama sa mother niya. Mother niya yun, syempre. Pamilya sila. Sa ilang taon namin siyang nakasama, natutunan na niya siguro mula sa amin kung gaano kahalaga ang pamilya.
Pero parang ayaw rin niyang umalis.
"Ano, Layla?" tanong ulit ng mother niya.
"Hindi ko po alam," sabi niya, sabay tayo. Lumapit siya sa akin at agad akong niyakap. "J.M., anong gagawin ko?" pabulong niyang tanong, papaiyak na siya.
Wala akong maisagot sa tanong niya. "Hindi ko alam, Lay. Desisyon mo yan."
"Gusto mo ba akong umalis?"
"Ayoko sana..."
"Hindi na lang ako aalis."
"Lay, mother mo yan. Pamilya kayo. Ayaw mo ba siyang makasama?"
Napasimangot siya. "Gusto. Naguguluhan nga ako e."
Habang magkayakap kami, napansin kong titig na titig sa amin ang mother ni Layla.
"Pasensya ka na sa dalawang yan," sabi na lang ni Mommy. "Mula pa noong dumating si Layla dito, ganyan na sila ka-close."
Medyo nahiya kami kaya bumitiw na kami sa isa't isa.
"Ang mabuti pa siguro, bigyan natin si Layla ng konting panahon," sabi ni Daddy. "Mga ilang araw siguro. Kapag nakapag-isip-isip na siya, saka natin siya pagdesisyunin."
"Hindi na po kailangan," sagot bigla ni Layla. "Gusto ko na pong magdesisyon ngayon."
"Sige, Anak," sabi naman ng mother niya.
Umupo siya sa tabi ng ina. "Ma, na-miss kita. Gusto ko sana, magkasama tayo. Pero ibang bansa ang Canada. Tayong dalawa lang ang pamilya doon. Ayaw mo ba talagang dito na lang sa Pilipinas?"
Matabang na ngumiti ang mother niya. "Anak, nakapagdesisyon na ako. Nakaayos na ang mga papeles ko. Hindi na ako pwedeng magbago ng isip."
Tumango si Layla. "Kung ganun, Ma, dito na lang ako. Okey naman ako dito. Kahit papano, pamilya ko naman sila. Hindi naman nila ako pinapabayaan."
Huminga nang malalim ang mother niya. "Pasensya ka na, Anak. Pero hindi pwede."
Napakunot-noo kaming lahat, nagtataka.
"Bakit hindi pwede?" tanong ni Layla.
"Hindi mo totoong daddy si Gabriel Laroza. Hindi mo kapamilya ang mga tagadito."
Malungkot kong tinungo ang kuwarto ni Layla matapos akong magkulong nang ilang oras sa kuwarto ko. Mabigat ang pakiramdam ko noon. Sa loob-loob ko, hindi pa nga nawawala sa isip ko ang ginawa ni Maya, eto na naman ang isang problema.
"Lay," tawag ko kay Layla, sabay katok sa pinto.
"Pasok ka, J.M.," narinig kong sagot niya.
Binuksan ko ang pinto at pumasok ako sa loob. Inabutan ko siyang nag-eempake. Umiiyak siya.
Naiiyak din ako noon. Ilang taon din kaming nagkasama. Naging sobrang close kami. Sa mga oras na iyon, parang gusto ko siyang pigilan. Parang gusto kong awayin ang mother niya.
Pero hindi naman pwede.
"Lay..." Iyon lang ang nasabi ko.
Tinitigan niya ako, malungkot. "J.M..."
Gusto ko siyang yakapin noon. Gusto kong iparamdam sa kanya na mahal ko rin siya, higit pa sa pagiging pinsan, katulad ng pagmamahal niya sa akin. Hindi ko alam kung bakit, pero iyon ang idinidikta ng puso ko noon.
Lumapit ako sa kanya.
Humarap naman siya sa akin.
Hinaplos ko ang pisngi niya at pinahid ang mga luha doon.
Yumakap siya sa akin, mahigpit.
Sabay kaming napaiyak.
"J.M., mami-miss kita," sabi niya.
"Mami-miss din kita, Lay."
"Sana pinsan na lang kita para pwede akong mag-stay dito..."
Pinilit kong magpatawa. "Akala ko ba ayaw mo na magpinsan tayo?"
"Ayoko nga. Pero kung ganito yung kapalit, di bale na lang."
Hinagod ko ang likod niya. "Basta mag-iingat ka sa Canada ha. Magpapakabait ka dun."
Inangat niya ang mukha niya at nagkatitigan kami.
"J.M., mahal na mahal kita..." sabi niya.
Hindi ko alam kung bakit, pero nagulat din ako sa lumabas sa bibig ko. "Mahal na mahal din kita, Lay..."
Dahil doon, natangay na ako ng mga pangyayari. Naglapat ang mga labi namin, masuyo, malambing. Tumagal iyon ng mahigit isang minuto. Parang ayoko nang matapos iyon.
Ilang sandali pa bago kami bumitiw. Muli kaming nagkatitigan. May bahagya nang ngiti sa mga labi namin.
"Babalik ako, J.M.," sabi niya. "Pagbalik ko, pwede nang maging tayo."
Dala ng mga pangyayari, natuwa ako sa sinabi niya. "Hihintayin kita, Lay," sagot ko.
BINABASA MO ANG
Simple Heart 2
Fiksi RemajaJM, youngest child of Mike and Jules, goes to college and experiences love for the first time, in three different angles...
