Chapter 18: Katotohanan

321 10 0
                                        

"I want to know the truth, Dad..."

Magkaharap kami noon ni Daddy sa sala ng bahay namin sa Bulacan. Niyaya ko siya agad na mag-usap kami pagkadating ko pa lang galing sa U.P. Hindi ako makapaghintay dahil sa bigat ng dibdib ko. Masamang-masama ang loob ko.

"Tungkol sa amin ni Susan?" tanong niya.

"Sa lahat-lahat, Dad. Nagkaharap kami kahapon. Kinuha niya si Maya. Sabi niya, titigil na raw sa pag-aaral si Maya sa U.P. Dadalhin niya raw ulit sa Australia."

Nanigas ang bagang ni Daddy. "Sobra naman yun."

"Sabi niya, ginamit mo lang daw siya para makipaghiwalay sa dati mong asawa. Para raw hindi si Mommy ang pag-initan nung ex mo. Sabi niya, may iba ka pa raw mga babae maliban sa kanila ni Mommy."

Napailing lang si Daddy. Medyo namula ang mukha niya.

"Sinungaling ka raw. Babaero ka raw."

Biglang nagsalita si Mommy. "Mas naniniwala ka ba sa malditang iyon kesa sa daddy mo?" tanong niya, halatang galit. Hindi ko napansin, nandoon na pala siya sa may likuran ko. Ang akala ko, nasa kuwarto siya.

"Ma..." sabi ko, nahihiya. "Gusto ko lang namang malaman ang totoo."

Agad tumabi si Mommy kay Daddy. Agad siyang yumakap sa braso ni Daddy.

Sa mga oras na iyon, pakiramdam ko, kakampihan niya si Daddy kahit anong mangyari. Ipagtatanggol niya si Daddy kahit sa akin.

"Si Susan ang sinungaling," sabi niya. "Hindi ang daddy mo. Nilandi-landi niya ang daddy mo kahit may-asawa na. Kaibigan lang ang turing ng daddy mo sa kanya, pero anong ginawa niya? Gumawa siya ng paraan para isipin ng unang asawa ng daddy mo na may relasyon sila. Iyon ang dahilan kaya nagkaroon ng divorce."

Natulala ako sa sinasabi ni Mommy. Anong klaseng babae yung Susan na yun? tanong ko sa sarili ko. Desperada ba siya o na-in love talaga siya kay Daddy?

Patuloy si Mommy sa pagkukwento. "Kahit divorced na ang daddy mo, hindi pa rin niya pinatulan yung Susan na yon. Nagkataon lang na yung malditang yon pa ang naging broker ng daddy mo sa negosyo niya. Nilandi nang nilandi ang daddy mo. Siyempre, lalaki ang daddy mo, walang asawa... nasa States pa kasi ako noon... napatulan niya yung babaeng yun."

Huminga ako nang malalim. Lumilinaw na ang lahat. Maliban sa isa. "Pero, Dad, Ma, sino si Mayreen?"

Nagkatinginan sina Mommy at Daddy. Tumango si Daddy. Tumango rin si Mommy.

"Hindi ko pa nga pala naikwento sa yo," sabi ni Daddy sa akin. "Kung dumadalaw ka lang sana sa sementeryo kapag Undas, baka naitanong mo na yan noon pa. Doon kasi siya nakalibing kasama ng lolo at lola mo."

Nakalibing? tanong ko sa sarili ko. Kasama ni Lolo at Lola? Kapamilya ba namin siya? "Patay na siya, Dad?"

Tumango si Daddy. "Noong panahong wala ang mommy mo dito sa Pilipinas, napasama ako sa mga mission work sa Mindanao. Magulo sa lugar na yon. Isa si Mayreen sa mga nailigtas namin. Actually, nabaril siya at ako ang nagtanggal ng bala sa likod niya. Anim na buwan ako noon sa Mindanao. Doon siya nakatira sa missionary compound kasama yung parents niya. Naging malapit ang loob namin sa isa't isa."

"Sabi ni Susan, dalagita lang daw si Mayreen," sabad ko. "Totoo ba, Dad?"

Tumango ulit si Daddy. "Fifteen lang siya noong nailigtas namin. Matapos ang apat na taon, may pumatay sa mga magulang niya. Wala na siyang mapupuntahan kaya kinuha ko siya. Dinala ko siya dito at tinanggap naman siya ng pamilya natin. Itinuring ko siyang kapatid. Pero higit pa doon ang turing niya sa akin."

Tumingin siya kay Mommy, parang humihingi ng pahintulot sa mga susunod niyang sasabihin.

Tumango naman si Mommy at lalo pang niyakap ang braso niya.

"Itinuring ako ni Mayreen na nag-iisang lalaki sa buhay niya," patuloy ni Daddy. "Dahil siguro doon, napamahal na siya sa akin. Sa kanilang dalawa ni Susan, si Mayreen ang pinili ko."

Nagtaka ako. "Hindi si Mommy at si Susan ang pinagpilian mo, Dad?" tanong ko.

Umiling siya. "Nasa States pa noon ang mommy mo."

"Si Mayreen ang pinili ng daddy mo." Si Mommy ang nagpatuloy. "Dapat nga, ikakasal na sila. Pero may pumatay sa kanya, gaya ng pagkakapatay sa mga magulang niya. Noong umuwi ako galing sa States, inabutan ko pa siyang nagluluksa. Matagal din bago siya nakabawi. Pagkatapos noon, nagpakasal na kami."

Napatango ako. Naiintindihan ko na. "Pero papano na kami ni Maya?" tanong ko.

"Huwag kang mag-alala, Anak," sabi ni Daddy. "Tutulungan kita sa problema mo."

"Anong gagawin mo, Dad?"

Hinalikan muna niya si Mommy sa pisngi bago sumagot. "Kakausapin ko si Susan."

Simple Heart 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon