"J.M..."
Boses iyon ni Layla, mahina, malambing. Ramdam na ramdam ko ang concern sa boses niya. Alam niya na siguro ang nangyari.
"Hayaan mo lang ako, Lay..."
Nakadapa ako noon sa kama ko. Bahagyang nakasubsob ang mukha ko sa unan. Basa ang unan ko ng luha. Malungkot na malungkot ako. Ayokong lumabas ng kuwarto. Ayokong bumangon.
Hindi umalis si Layla. Tumabi siya sa akin at niyakap ako. "Kailangan mong kumain, J.M.," sabi niya. "Huwag mo namang pabayaan ang sarili mo."
"Wala akong gana, Lay," sabi ko.
"Hurt ka lang, J.M. Kaya parang ang bigat-bigat ng mundo sa paligid mo. Lilipas din yan. Dumaan na ko diyan, remember."
Naalala ko, naikwento na niya sa akin ang mga bigong relasyon niya noong high school pa siya, noong wala pa siya sa amin. Ipinihit ko ang ulo ko para tingnan ko siya. "Anong ginawa mo para mawala yung sakit?"
"Wala namang pwedeng gawin, J.M.," sagot niya. "Sinubukan ko noong uminom, sinubukan kong mag-marijuana, pero wala rin. Masakit pa rin."
"Bakit kasi ganun?" Napaiyak na naman ako.
Lalo niya akong niyakap. "Hindi ko alam, J.M. Pero huwag mong kalilimutan, maraming nagmamahal sa yo." At hinalikan niya ako sa pisngi.
Sa loob-loob ko, sana si Maya na lang ang nandoon. Sana si Maya na lang ang humalik sa akin. "Thank you nandiyan ka, Lay," sabi ko pa rin. "Pero gusto ko talaga mapag-isa."
"Sige. Pero kain ka kapag nagutom ka ha."
"Oo," sagot ko na lang.
Lumabas na siya at mag-isa na ulit ako.
Si Maya na naman ang pumuno sa isip ko. Naisip ko, nagsisimula pa lang kami sa relasyon namin, wala na agad.
Muli akong napaiyak.
"J.M., Anak..." Boses ni Mommy.
"Ma..." ungol ko.
Lumapit siya sa akin at hinaplos ang ulo ko. "I'm sorry tungkol sa inyo ni Maya..."
"Okey lang, Ma," sagot ko lang.
Niyakap niya ako. "Hindi ka okey e. Alam ko, nasaktan ka."
Yumakap na lang ako sa kanya at parang bata akong humagulgol. "Ma..." ungol ko. "Ang sakit-sakit..."
"Alam ko, Anak. Naramdaman ko rin yan noong nagkahiwalay kami dati ng daddy mo..."
"Papano mawawala ang sakit, Ma?"
"Panahon lang ang makakapawi ng sakit, Anak. Lilipas yan, huwag kang mag-alala."
Patuloy ako sa pag-iyak.
"Naikuwento sa kin ng daddy mo yung nangyari. Thank you sa ginawa mo..."
Umiling ako. "Wala yun, Ma. Hindi ko gugustuhing masaktan kayo ni Daddy."
"Pero nagsakripisyo ka, Anak..."
"Siyempre, mahal ko kayo e..."
Lalong hinigpitan ni Mommy ang pagyakap niya sa akin. "Ang bait ng anak ko..."
Biglang bumukas ang pinto.
"J.M., may surprise ako sa yo!" Si Ate Jenna. Natulala siya nang makitang umiiyak ako. "Oh, shet! Anong nangyari?"
Si Mommy ang sumagot. "Heartbroken."
"Ha? Bakit? Panong nangyari?"
"Mahabang kuwento, Iha. Halika, dito ka. Ikukuha ko si J.M. ng pagkain."
Lumapit naman si Ate Jenna. Niyakap niya ako. "Ang little brother ko, heartbroken..." sabi niya, sabay hagod sa likod ko.
Bumitiw naman si Mommy. "Kukuha lang ako ng pagkain, J.M.," sabi niya. "Kung kailangang subuan ka namin, gagawin namin, kumain ka lang."
"Ma, wala talaga akong gana," angal ko.
"Pizza at ice cream, ayaw mo?" sabi bigla ni Ate Jenna.
Napakunot-noo ako. Pizza at ice cream daw. Hay naku, mamaya na nga lang ako magdrama. "Nasan?" tanong ko.
Natawa si Ate Jenna. "Dali, Ma! Kunin mo!"
Natutuwang lumabas si Mommy.
Bumitaw na ako kay Ate Jenna. Nagpunas ako ng mukha. "Kadarating mo lang?" tanong ko sa kanya.
"Oo," sagot niya.
Tiningnan ko siya. Halatang gusto niyang magtanong kung anong nangyari. Pero hindi mausisa si Ate Jenna. Sa ganoong pagkakataon, mas gusto niyang pasayahin ako.
"Anong surprise yung sinasabi mo?" tanong ko sa kanya.
Biglang bumukas ulit ang pinto.
"Ayan o!" sagot niya.
"Hi, J.M..." Boses ni Yana.
Napalingon ako.
"Sorry about my cousin," sabi niya. "Kakukuwento lang ni Layla sa akin."
Pinilit kong ngumiti. Nakakahiya kasi. Pero naalala ko, yumakap nga pala ako sa kanya matapos ang paghaharap namin ng mommy ni Maya. Pumayag siyang iyakan ko siya.
Bakit ako mahihiya? Ganon na kaya kami ka-close.
Lumapit si Yana at tumabi sa akin.
Napagitnaan nila ako ni Ate Jenna at yumakap sila sa magkabilang braso ko.
"Bakit nandito ka?" tanong ko kay Yana.
"Isinama ko siya," sagot ni Ate Jenna.
Napatango na lang ako. Close nga pala sila ni Ate.
"Hindi ka raw kumakain?" lambing ni Yana sa akin.
Huminga lang ako nang malalim saka tumango.
"Dapat kumain ka..."
Siya namang pagpasok nina Mommy at Layla. May dala-dala silang pizza at ice cream. Pumuwesto silang dalawa sa harap ko at mukhang susubuan nila ako.
"Ngayon, kakain ka na ha," sabi ni Yana.
Napangiti ako. Tumango ako. Naisip ko, marami ngang nagmamahal sa akin. At ang gaganda nila.

BINABASA MO ANG
Simple Heart 2
Roman pour AdolescentsJM, youngest child of Mike and Jules, goes to college and experiences love for the first time, in three different angles...