Chapter 16: Pagpapakilala

352 10 2
                                        

"Dad, this is Maya, girlfriend ko."

Dalawang linggo na noon ang nakakalipas mula nang sagutin ako ni Maya. Nasa opisina kami ni Daddy sa Ortigas. Sinadya kong dalhin si Maya doon para maipakilala ko siya kay Daddy. Balak ko rin siyang ipakilala kay Mommy sa ibang araw.

"Maya, this is my dad, Dr. Miguel Laroza."

"Pleased to meet you, Maya," nakangiting bati ni Daddy.

Nagkamay sila.

"Same here po," magiliw na sagot ni Maya.

"Sa wakas, nagka-girlfriend din ang anak ko," sabi ni Daddy, pabiro.

Napangiti si Maya at tiningnan ako. "Ako po ba yung first girlfriend ni J.M.?"

"Oo, ikaw nga," natatawang sagot ni Dady. "Masyado kasing pihikan yang si J.M. sa babae. Mataas masyado ang standard. Sabagay, hindi ko naman siya masisisi. Magaganda kasi yung mommy at ate niya."

Nakangiti lang si Maya kay Daddy. "Ah, nakilala ko na po si Ate Jenna. Ang ganda nga po niya."

Lalong napangiti si Daddy. "Well, blessed talaga kami ni Lord pagdating sa itsura. Mga guwapo at maganda kaming lahat."

Naisip ko, sobra naman si Daddy kung ibida ang pamilya namin. "Dad?" saway ko sa kanya.

Kinindatan niya lang ako. "Iha, kelan ka pwedeng maimbita para pumasyal sa amin sa Bulacan?" tanong niya kay Maya.

Medyo namula ang pisngi ni Maya. "Ay, hindi ko po sure. Magpapaalam muna po ako kay Mommy."

Tumango lang si Daddy. "Syempre, magpapaalam ka muna. Kumusta naman ang mommy at daddy mo?"

Biglang nabawasan ang ngiti ni Maya.

Alam ko kung bakit.

"Okey lang po," sagot niya. "Pero wala na po akong daddy. Divorced na po sila ni Mommy. Yung surname ko po, maiden name po ni Mommy yun."

"Mariana Aquino ang full name niya, Dad," paglilinaw ko.

Biglang nawala ang ngiti ni Daddy. "Anong pangalan ng mommy mo, Iha?" tanong niya kay Maya.

"Susan po," sagot ni Maya. "Susan Aquino."

Halata ang pagkagulat ni Daddy. "Susan..." bulong niya.

Nagtaka si Maya sa reaksyon ni Daddy. "Bakit po? Kilala nyo si Mommy?"

Nagtaka din ako.

Agad ngumiti si Daddy, pero hindi niya sinagot ang tanong ni Maya. "Ah, J.M., why don't you invite Maya to eat lunch doon sa steak house na pinupuntahan natin? Sigurado akong magugustuhan niya doon."

Tiningnan ako ni Maya. "Steak?" nakangiti niyang tanong. Obvious na gusto niya iyon.

Pinilit kong ngumiti. "Oo. Tara, Maya. Malapit lang yun dito. Masarap yung steak doon."

"Tara," sabi niya sa akin. Pagkatapos ay nginitian niya si Daddy. "Sige po. Nice meeting you po."

Nakangiti lang si Daddy, pero halatang pilit. "Nice meeting you din, Iha."

Sinulyapan ko si Daddy.

Huminga siya nang malalim at tiningnan ako nang malungkot.

Sa loob-loob ko, bakit kaya?

"Dad, kilala mo ba yung mommy ni Maya?" tanong ko habang nag-uusap kami ni Daddy sa phone pagsapit ng gabi. Talagang tinawagan ko siya para malaman ko kung bakit ganoon ang reaksyon niya matapos niyang malaman ang pangalan ng mommy ni Maya.

"Oo, J.M.," sagot niya, seryoso. "Pasensya na."

Nagtaka ako. "Bakit ka humihingi ng pasensya, Dad?"

Narinig kong huminga nang malalim si Daddy. "Baka kasi hindi ka magustuhan ng mommy ni Maya. Dahil sa akin."

Kinabahan ako. "Anong ibig mong sabihin, Dad?"

"Hindi lang kami magkakilala ni Susan. Naging girlfriend ko siya dati. Hindi maganda ang paghihiwalay namin."

Lalo akong kinabahan. Sa loob-loob ko, kapag nalaman ng mommy ni Maya kung sino ako at sino ang daddy ko, baka magalit yun sa akin. Baka paghiwalayin kami ni Maya. Hindi naman pwedeng hindi sabihin ni Maya sa mommy niya. "Dad, kinakabahan ako," sabi ko.

"Anak, pasensya na. Sana hindi na lang siya anak ni Susan. Sana hindi na galit si Susan sa akin."

"Bakit ba nagalit yung Susan na yun sa yo, Dad?"

Muling nagbuntung-hininga si Daddy. "Naging girlfriend ko siya pero hindi ko siya ganon kamahal, hindi kagaya ng pagmamahal ko sa mommy mo. Noong pinapili niya ako, hindi siya ang pinili ko."

Napailing ako. Naisip ko, wala namang kasalanan si Daddy. Talaga lang mahal niya si Mommy. Obvious naman yun sa akin. Kung si Susan ang pinili niya, magiging anak niya siguro si Maya. Magiging magkapatid kami ni Maya. Hindi na kami pwedeng magkatuluyan.

Pero naisip ko rin, kung naging sila noon ng mommy ni Maya, wala ako sa mundo ngayon.

Anong gagawin ko? tanong ko sa sarili ko. Papano kung paghiwalayin nga kami ni Maya?

Kaya ko bang ipaglaban ang pag-ibig namin?

Simple Heart 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon