Inabutan ko si Maya sa harap ng dorm. Nag-iisa siya at malungkot.
Muli na namang umiral ang kaba ko. Hindi mawala-wala sa isip ko ang posibilidad na maaari kaming paghiwalayin ng mommy niya.
Huwag naman sana, sabi ko na lang sa sarili ko. Kauumpisa pa lang ng relasyon namin.
Agad ko siyang tinabihan at inakbayan. Hinagod-hagod ko ang balikat niya. "Ang ganda mo ngayon a," sabi ko.
Ngumiti siya pero matabang iyon. Isinandal niya ang ulo niya sa balikat ko. "J.M... I love you..." Malungkot pati ang boses niya.
Hindi ko alam kung bakit siya malungkot, pero kinakabahan talaga ako. "I love you too..." sabi ko. Ipinihit ko ang ulo ko paharap sa kanya. Tumapat sa mga labi ko ang noo niya kaya doon ko siya hinalikan.
"Masayang-masaya ako kapag kasama ka," sabi pa niya.
Ngumiti ako kahit mabigat ang pakiramdam sa dibdib ko. Pinillit kong maging masigla. "Bakit? Kasi magaling akong comedian?"
"Kasi ikaw lang ang lalaking nagparamdam sa akin na napakahalaga ko."
Napabuntung-hininga ako. Sa loob-loob ko, sa problemang gumugulo sa isip ko ngayon, parang mahihirapan akong mapangiti siya.
Naramdaman ko na lang na may pumatak sa balikat ko. Luha iyon.
Nataranta ako. Agad kong hinaplos ang pisngi niya.
Umiiyak nga siya.
Hinawakan ko ang magkabilang pisngi niya at hinarap ang mukha niya sa akin. "Bakit ka umiiyak?" tanong ko.
"J.M..." ungol niya, pagkatapos ay isinubsob ang mukha niya sa dibdib ko at doon umiyak.
Niyakap ko siya at hinaplos sa likod. Huwag naman sana, sabi ko sa sarili ko. Huwag naman sana...
"Ayaw ni Mommy sa yo..." sabi niya sa pagitan ng mga hikbi.
Nanigas ako sa sinabi niya. "Ha?" Eto na ang ikinakakaba ko.
Patuloy ang pag-iyak niya habang nagpapaliwanag. "Akala ko matutuwa siya... kasi sabi ko mas mabait ka kesa kay Derek... si Derek kasi pinagpapasensyahan niya lang... pero noong sinabi ko yung tungkol sa daddy mo... sabi niya hiwalayan daw kita..."
"Bakit daw?" tanong ko, kahit alam ko na yata ang sagot.
"Huwag daw akong magtiwala sa yo... sa pamilya mo... lahi raw kayo ng mga babaero..."
Napakunot-noo ako. "Hindi totoo yan."
"Alam ko... Ang bait-bait mo kaya... Pero bakit ganon? Parang galit na galit si Mommy sa daddy mo..."
Hindi ko na alam kung ano ang iisipin ko kaya ipinasya kong sabihin sa kanya ang totoo. "May past ang daddy ko saka ang mommy mo. Hindi yata maganda ang nangyari."
"E bakit pati tayo idadamay nila?"
Gusto ko na ring umiyak noon. Gusto kong magalit. Sa loob-loob ko, hindi talaga tama na idamay kami sa problema ng mga parents namin. Wala kaming kinalaman doon.
Pero anong gagawin ko?
Papano ko ipaglalaban ang pag-ibig namin?
Sa ganoong sitwasyon, isang S.U.V. ang tumigil sa tapat namin. Isang magandang babae ang bumaba. Sa tingin ko ay halos kasing-edad siya ni Mommy. Nakatitig siya sa amin ni Maya, nakakunot ang noo.
Nakatalikod si Maya kaya hindi niya napansin ang babae.
"MAYA!" tawag ng babae sa kanya.
Lalo akong kinabahan.
Nagulat si Maya at napabitiw sa akin. "Ma?" sabi niya nang makita ang babae.
Siya pala, naisip ko. Si Susan Aquino. Ang dating girlfriend ni Daddy. At masama ang tingin niya sa akin.
Pero si Maya ang pinagalitan niya. "DI BA SABI KO, LAYUAN MO ANG LALAKING YAN?!"
"Ma..." angal ni Maya. "Hindi madali ang inuutos mo..."
"PWES, PADADALIIN NATIN! TITIGIL KA NA SA PAG-AARAL MO DITO! BABALIK TAYO SA AUSTRALIA!"
"Ma?" protesta ni Maya.
"Mam, excuse me po," sabad ko. "Baka naman po pwedeng maayos pa ito."
"Wala tayong pag-uusapan, Lalaki. Kahit anong sabihin mo, ilalayo ko sa yo ang anak ko!"
Sa mga oras na iyon, gusto kong lumaban. "Bakit naman po ganon?"
"Itanong mo sa magaling mong ama!"
"Pasensya na po, pero ikinuwento na po sa akin ni Daddy ang tungkol sa past nyo. Wala naman po akong makitang dahilan para idamay kami ni Maya sa hindi nyo pagkakasundo."
Ngumisi si Mrs. Aquino sa akin. "At anong ikinuwento niya sa yo, aber?"
"Na kayo po dati, pero hindi po kayo ang pinili niyang pakasalan."
Tumawa siya, tawang nakakainsulto. "Ginamit niya lang ako para magkahiwalay sila ng una niyang asawa! Kaya sa halip na sa mommy mo, sa akin nagalit yung ex niya! Tapos, iniwanan niya na lang ako nang basta-basta at pinakasalan ang mommy mo!"
Napailing ako. Hindi ako makapaniwala. Sa loob-loob ko, hindi manggagamit ang daddy ko.
Pero patuloy siya sa pagsasalita. "At alam mo bang maliban sa amin ng mommy mo, may iba pa siyang mga babae? Kumuha pa siya ng isang dalagitang taga-Mindanao, pinag-aral niya, binihisan, pinaganda, tapos pinatulan niya!"
Gulat na gulat ako. "Hindi po totoo yan," sabi ko.
Tumawa siya nang malakas. "Sinungaling ang daddy mo. Bakit hindi mo itanong sa kanya kung sino si Mayreen?" Pagkatapos ay tinitigan niya si Maya. "Maya, sakay na."
"J.M..." tawag sa akin ni Maya. Para siyang humihingi ng tulong.
Wala naman magawa para pigilan ang mommy niya. Mommy niya iyon. Pati sa pakikipagtalo, wala akong maisagot. Marami pa pala akong hindi alam. "Gagawa ako ng paraan, Maya," sabi ko na lang. "Pupuntahan kita... Hahanapin kita..."
Iyon lang at hinaltak na si Maya ng mommy niya papasok sa kotse. Pagkatapos ay mabilis silang umalis.
Naiwan akong tulala, nanghihina, at hindi alam ang gagawin.
"J.M., bakit?" Boses iyon ni Yana. Pero parang wala akong narinig.
Humarap siya sa akin at tiningnan ako. Hindi ko alam kung anong nakita niya sa mga mata ko, pero bigla siyang nalungkot. Bigla siyang nataranta.
Bigla niya akong niyakap.
Sa balikat niya ako napahagulgol.
BINABASA MO ANG
Simple Heart 2
Fiksi RemajaJM, youngest child of Mike and Jules, goes to college and experiences love for the first time, in three different angles...