Chapter 13: Pagtatapat

379 13 1
                                        

"Musta na, J.M.?" tanong sa kin ni Maya.

Inabutan ko siyang nag-iisa sa study hall ng dorm. Galing ako noon sa library at may dala-dala akong anim na libro. Ipinasya kong sa study hall magbasa dahil nasa room sina Dom at Ben at sigurado akong hindi ako makakapag-concentrate sa gagawin ko dahil sa kanila.

Pero mukhang hindi rin ako makakapag-concentrate sa study hall dahil nandoon si Maya.

"Okey lang," sagot ko. "Ikaw, kumusta?" Ipinatong ko ang mga gamit ko at mga libro sa mesa at umupo sa harap niya.

"Okey lang din," sagot niya. Seryoso ang itsura niya. May isang libro na nakabukas sa harap niya. Siguro, nag-aaral din siya.

"Ano yan?" Inginuso ko ang libro.

"Philippine history. Reading assignment. Tapos gagawa ako ng reaction paper."

Tumango na lang ako at nagsimulang buklatin ang mga dala kong libro.

Tahimik din siyang nagbasa.

"J.M., sorry..." sabi niya pamaya-maya.

Napatingin ako sa kanya. "Sorry saan?" tanong ko.

Malungkot ang mga mata niya, parang nahihiya. "Nasaktan ka na sa pagtatangol sa akin, hindi pa kita kinampihan."

Hindi ako umimik. Ngumiti na lang ako sa kanya, pilit. Pagkatapos ay ibinalik ko ang paningin ko sa mga libro. Naalala ko yung suntukan namin ni Derek. Naalala ko rin na nagalit siya sa akin dahil doon. Kinampihan niya ang boyfriend niya kahit binastos siya. Pero gusto ko talagang bugbugin si Derek noon. Bastos kasi.

"J.M., sorry..." sabi niya ulit.

Muli, tiningnan ko siya. "Sabi ni Yana, nag-break daw kayo ni Derek," sagot ko.

Tumango siya, malungkot, nakatingin sa akin. "Ayoko na e. Sobra na kasi siya. Foul na yung huli niyang ginawa."

Ngakibit-balikat ako. "Pero iniyakan mo pa rin siya."

Nagkibit-balikat din siya. "Masakit e, kahit ako yung nakipag-break. Feeling ko nga, parang wala akong kwentang girlfriend."

Napakunut-noo ako. "Bakit mo naman na-feel yun?"

Napayuko siya. "Ewan ko ba. Hindi ko rin maintindihan ang sarili ko. Samantalang siya ang maraming ginawang kasalanan."

Napabunting-hininga ako. Tumingin ako sa malayo. "Ganyan daw talaga ang umiibig, maraming ginagawang kabobohan."

Napangiti siya kahit malungkot. Parang may inaalala siya. "Oo nga."

"Ako din naman, marami na rin akong nagawang kabobohan."

Napatitig siya sa akin, nagtataka. "Ha?"

Deretso ang sagot ko. Bahala na. "Sabi ko, marami na akong nagawang kabobohan para sa yo."

Napakurap siya, nakatitig sa akin. "J.M..."

Napailing ako, napaismid. "Biruin mo, pinipilit kong maging close sa yo kahit may boyfriend ka. Ibinibigay ko ang mas maraming panahon ko sa yo kahit marami akong kaibigan na dapat ko ring alalahanin. Sinundan pa kita noong naramdaman kong may masamang balak si Derek sa yo. Tapos, nung sinabi mong ayaw mo siyang makita, hinarang ko siya nung lalapit siya sa yo. Ayun, nagkasuntukan kami..."

"Pero J.M... Ibig mong sabihin..."

Tinitigan ko siya nang seryoso. "Ayoko nang maglihim, Maya. Wala namang mangyayari kung itatago ko pa. I like you, a lot. Handa kong punan ang anumang mga pagkukulang ni Derek sa yo. Gusto kong subukang pasayahin ka sa lovelife mo. Pero no pressures naman. Hindi ako nagde-demand ng sagot mo. Gusto ko lang sabihin. At ayan na nga, nasabi ko na... Hay, salamat. Medyo gumaang na itong dibdib ko... Basta, I'm here for you. Friend, kung hanggang doon lang ang gusto mo. More than that, kung matatanggap mo ako."

Tinitigan niya ako nang matagal. Walang ngiti. Wala namang senyales na nagalit siya.

"Thank you, J.M..." sabi niya pamaya-maya. Iyon lang. Walang I like you too. Walang yes or no. Ni hindi ko alam kung may pag-asa ako o wala.

Napayuko ako. Pinipigil kong lumabas sa mukha ko ang pagkadismaya. "You're welcome, Maya. So tell me, kung dadating si Derek dito at gusto kang kausapin, anong gusto mong gawin ko?"

Huminga siya nang malalim. "Bahala ka na. Basta ayoko siyang makita."

"Okey lang ba kung bugbugin ko na?"

Tinitigan niya ako. "Gagawin mo talaga yon?"

"Oo."

"Bakit?"

"Kasi binastos niya ang babaeng mahal ko."

Simple Heart 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon