PRRRRTTTTT!
Pumito na ang referee, hudyat ng pagsisimula ng laro. Unang game iyon ng sportsfest sa Kalayaan. Basketball boys. Team ng first floor boys kung saan kami kasali, laban sa team ng second floor boys.
Nakaupo malapit sa bench namin sina Maya, Yana, at Layla. Sumasabay sila sa hiyawan ng mga manonood.
Nagpalakpakan ang lahat nang pumasok ang team namin sa court. Ako, si Ben, at tatlo pa naming kakampi. Napansin ko, maraming babae ang titig na titig sa amin. Makahulugan ang mga ngiti nila. Sa loob-loob ko, may fans club kami?
Sa isang gilid naman ng court ay may napansin akong isang kakaibang grupo ng mga babae. May dala-dala silang pompoms at nagsasayaw sila na parang cheering squad. Hindi ko sila kilala pero pangalan ko ang binabanggit nila sa cheer. "Go, J.M.! Go, J.M.! Go, J.M.!"
Napangiti ako. May cheering squad ako!
Tiningnan ko sina Maya, Layla, at Yana.
Talon nang talon si Layla. Palakpak siya nang palakpak habang nakatingin sa akin. Naalala ko tuloy noong high school pa kami, noong player pa ako ng high school varsity. Siya ang pangunanging nagchi-cheer sa akin. Tuwing time out, pinupunasan pa niya ang pawis ko. Sa tingin ko, parang ganun ulit ang gagawin niya.
Si Yana naman ay hiyaw nang hiyaw sa akin. Dinig na dinig sa buong court ang boses niya. "Gooooo Jay-Eeeeeeemmmmm!!!" Natawa na lang ako.
Pinakatahimik sa kanilang tatlo si Maya. Nakatingin lang siya sa akin, nakangiti, bahagyang pumapalakpak. Kumaway siya sa akin nang makita niyang nakatingin ako sa kanya.
Ang ginawa ko ay tinapik ko ang dibdib ko nang tatlong beses saka ko siya itinuro.
Lalo siyang napangiti.
Pumuwesto na kami sa gitna para sa jump ball. Si Ben ang tatalon at nakaabang naman kaming mga kakampi niya. Isang maskuladong player ng kalabang team ang tumapat sa akin. Napalunok ako. Malaki ito, sabi ko sa sarili ko. Baka bugbugin ako nito a.
PRRRTTTT!
Hinagis na ng referee ang bola pataas at natapik iyon ni Ben papunta sa isang kakampi namin. Takbuhan kaming lahat papunta sa ring namin. Hindi ko alam kung bakit pero nauna ako sa kanila. Mabilis naipasa sa akin ang bola at ang ganda ng takbo ko. Feel na feel ko ang lakas ng katawan ko kaya nang malapit na ako ay tumalon ako nang malakas at idinakdak ko ang bola sa ring.
Naghiyawan ang mga nanonood dahil sa ginawa ko.
"Ang galing mo, J.M.!" narinig kong sigaw ni Yana.
"Pinsan ko yan!" sigaw naman ni Layla.
Tiningnan ko sila at nginitian habang tumatakbo ako papunta sa kabilang bahagi ng court. Pero nang makita kong nakangiti sa akin si Maya, muli kong tinapik nang tatlong beses ang dibdib ko at itinuro siya.
Ang ganda na naman ng naging ngiti niya dahil doon.
Maganda ang naging laro ko sa buong game. Inspirado ako at talagang gusto kong magpakitang gilas. Natapos ang first half ng laro at lamang kami ng sampu. Sa pagsisimula ng second half, halatang sira na ang loob ng kalaban.
Limang minuto bago matapos game, habang pasugod ako sa ring, pasadyang tinisod ako ng maskuladong nakabantay sa akin. Nagpagulong-gulong ako sa sahig.
PRRRRTTTT! Foul iyon.
Nagkagulo sa loob ng court. Muntik nang magkasuntukan. Sinugod kasi nina Ben at mga kakampi ko ang tumisod sa akin. Buti na lang may mga umawat.
Tumayo lang ako at nagpagpag ng dumi sa katawan. Wala namang sugat. Konting gasgas lang pero hindi naman dumugo.
Naglapitan sa akin ang mga kaibigan ko. Agad pinunasan ni Layla ang pawis ko gamit ang isang towel. Tinanggal niya pati ang alikabok na dumikit sa balat ko.
Tiningnan naman ni Yana ang gasgas ko. Alalang-alala siya. Nang makita niyang hindi naman nasugat ay saka lang siya nakahinga nang maluwag.
"J.M., okey ka lang?" tanong naman ni Maya.
Napangiti ako. Sa loob-loob ko, concerned siya. Ang sarap ng feeling. "Okey lang ako," sagot ko naman.
"Sira," bulong ni Yana sa akin. "Sana sinabi mo hindi ka okey, para alagaan ka niya."
Natawa ako. "Kung hindi lang ako lalaro, ganun talaga yung gagawin ko," pabulong kong sagot.
Natawa rin siya.
Itinuloy na ang laro at hindi na pinaglaro ang tumisod sa akin. Binigyan ako ng free throw shots at naipasok ko naman.
Lalong nanghina ang loob ng kalaban dahil sa nangyari. Parang wala na silang ganang maglaro.
Lalo naman namin silang tinambakan. Maraming beses naming naagaw ang bola mula sa kanila, at siyempre, fast break kami lagi para makapuntos agad.
Last eighteen seconds. Lamang kami ng twenty-fgur. Hawak namin ang bola. Mahigpit ang pagbabantay ng mga kalaban. Halos hindi kami makagalaw.
Napunta kay Ben ang bola at pinagtulungan siya ng dalawang bantay. Nakita niya ang kakampi namin na walang bantay kaya ipinasa niya ang bola dito. Iniwan naman ako ng bantay ko at pinuntahan ang kakampi namin na hawak ang bola. Ipinasa sa akin ang bola at hindi na ako pumorma. Mula sa three point lane ay ipinukol ko iyon.
Shoot!
Talunan at hiyawan ang mga nanonood.
"J.M., idol!"
"Ang galing-galing mo!"
"Pang-PBA ka, J.M.!"
"J.M., I love you!"
Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses na iyon. Nanggaling sa mga babaeng cheerleaders. Sa loob-loob ko, sayang naman. Sana si Maya na lang yung nagsabi noon.
Tiningnan ko si Maya.
Nakangiti lang siya sa akin at pumapalakpak.
Ang ginawa ko ay tinapik ko na lang ulit ang dibdib ko at itinuro siya.
Nagulat ako sa ginawa niya. Tinapik niya rin ang dibdib niya at binigyan ako ng flying kiss.
BINABASA MO ANG
Simple Heart 2
Teen FictionJM, youngest child of Mike and Jules, goes to college and experiences love for the first time, in three different angles...
