Chapter 15: Girlfriend

376 13 5
                                        

"Thank you, J.M.," sabi ni Maya sa akin.

Alas kwatro noon nang hapon. Nakaupo kami sa ilalim ng puno sa labas ng dorm.

September na noon. Tatlong buwan na kaming magkasama sa dorm. Hindi na namin napapag-usapan ang tungkol kay Derek. Hindi na rin namin napag-usapan ang tungkol sa inamin kong pagtingin ko sa kanya. Hindi ko na ulit binanggit iyon. Ayoko kasing magmukha akong desperado. Basta ginagawa ko na lang ang lahat para maiparamdam sa kanya na espesyal siya sa buhay ko. Sa tingin ko naman ay masaya siya kapag kasama niya ako.

"Thank you saan?" tanong ko.

"Sa lahat-lahat," nakangiti niyang sagot. Yumakap pa siya sa braso ko. "Kung iisa-isahin ko, baka abutan tayo ng Pasko."

Napangiti rin ako. Naisip ko, siguro yung mga pagtulong ko at pagpapasaya sa kanya ang tinutukoy niya. Pero naisip ko rin, parang wala naman akong masyadong effort sa paggawa ng mga iyon para sa kanya. Parang automatic na. Mahal ko kasi siya.

"Walang yun," sabi ko na lang.

Pabiro siyang sumimangot. "Anong wala? Napakarami na noon. Siguro, kung wala ka, hindi ako ganito kasaya at hindi ganito kapanatag ang loob ko."

Huminga ako nang malalim. "Wala yun, kasi nasusuklian mo naman."

"Papano ko naman nasusuklian? Wala nga akong magawa para sa yo. Nauunahan mo ako lagi sa pagbabayad ng jeep. Nililibre mo ako lagi. Yung mga bitbit ko, kinukuha mo lagi. Tapos hindi ka nauubusan ng paraan para mapangiti ako."

"Nasusuklian mo ng ngiti mo, ng pagpayag mo na makasama kita. Eto nga nakayakap ka pa sa braso ko. Sobra-sobra na itong sukli para sa akin."

Napangiti siya lalo. Lalo pa niyang niyakap ang braso ko. "Alam mo, J.M., ang bait-bait mo sa akin. Spoiled ako sa yo."

"Gusto ko nga, ma-spoiled kita. Para mami-miss mo ko kapag malayo ka o kapag iba ang kasama mo."

Bigla niyang idinikit ang pisngi niya sa balikat ko. Kinilig ako dahil doon. Ramdam na ramdam ko ang paghinga niya.

"Bakit naman ako sasama sa iba? Gusto ko nga, ikaw na lang lagi ang kasama ko. Gusto ko nga, ikaw na lang yung boyfriend ko."

Nanigas ako sa narinig ko. "Ha?"

Hinaplos niya ang pisngi ko. "Ayaw mo yata e."

"Gusto!" sagot ko agad. "Pero teka... ibig mong sabihin, tayo na?"

Nginitian niya ako nang matamis, sabay tango.

Sa tuwa ko, napayakap ako sa kanya.

"J.M., I love you," sabi niya habang magkayakap kami. "Sorry kung ngayon ko lang nasabi. Gusto ko kasi, kapag sinagot kita, wala na talaga sa puso ko yung dati. Unfair kasi sa yo kung magiging panakip-butas ka lang."

"Hindi na mahalaga yun, Maya. Ang importante, girlfriend na kita. Mas marami na akong magagawa para mapasaya ka at maalagaan. I love you..."

Siya namang pagtigil ng isang kotse sa tapat namin.

Kotse ni Derek.

Nagbitiw kami dahil doon. Pareho kaming napasimangot.

Bumaba ng sasakyan si Derek. Matalim ang titig niya sa akin.

Tumayo ako.

Sumunod si Maya. Yumakap siya sa braso ko at bahagyang nagtago sa likod ko.

"Maya, ano ito?" tanong ni Derek sa kanya.

"Anong ano ito?" May galit sa boses niya. "Ikaw ang tatanungin ko, anong ginagawa mo dito?"

Muli akong tinitigan ni Derek bago sumagot. "Gusto kong makipagbalikan sa yo."

Ngumisi si Maya, ngising naiinis. "Asa ka pa na babalikan kita. Matapos mo akong bastusin nang ganon?"

Titig-mayabang na ang titig ni Derek sa akin. "Ito ba ang ipinagmamalaki mo?"

"Oo," sagot naman ni Maya. "At wala ka sa kalingkingan niya."

Napangiti ako dahil doon.

Tumawa lang si Derek na parang nakakainsulto. "Nagbibiro ka ba? Kutong-lupa lang ito sa akin."

Nagsalubong ang mga kilay ko. Nagsimula nang uminit ang ulo ko. Sa loob-loob ko, kapal nito a. Upakan ko na kaya.

"Derek, umalis ka na," sabi ni Maya.

"Ayoko," sagot ni Mokong. "Sino ba siya para ipalit mo sa akin?" Tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa. "Pare, baka hindi mo alam, Vice Mayor ang tatay ko. Pulis officer ang ninong ko."

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko. Parang gusto kong matawa. Ang yabang-yabang naman nito, sabi ko sa sarili ko. Agad kong naalala ang congressman na tatay ni Dom na ninong ko sa binyag, pati na rin yung police chief ng Caloocan na kinakapatid ni Daddy at ninong ko naman sa kumpil.

Pero ayaw kong magyabang. Kaya napangisi na lang ako.

"Anong nginingisi-ngisi mo diyan?" sumbat ni Derek sa akin.

"Wala, Pare. Pero kung ako sa yo, umalis ka na lang. Girlfriend ko na si Maya kaya wala ka nang babalikan dito."

Bigla namang lumabas ng dorm sina Dom at Ben. Agad silang lumapit sa amin.

"Anong problema, J.M.?" tanong ni Ben, nakatitig nang masama kay Derek.

Umiling-iling ako. "Ito kasing anak ng vice mayor at inaanak ng pulis, nangungulit pa rin kay Maya," sagot ko.

"Vice mayor? Pulis?" tanong ni Dom kay Derek, may tono ng pang-iinsulto.

"Oo, bakit?" hirit ni Derek. "Hindi nyo kilala ang binangga nyo."

Natawa nang malakas si Ben.

"Bakit siya tumatawa?" tanong ni Derek.

"Sira ka ba?" sabi ni Dom. "Ikaw ang hindi nakakakilala sa binabangga mo."

Napatingin si Derek sa akin. "Bakit? Sino ba siya?"

Tinitigan siya ni Dom, nakangisi. "Siya si Julio Miguel Laroza, apo ni General Reynaldo Laroza, apo ni Judge Julio Arenas, inaapo ni General Jaime Tabuena, inaanak ni Congressman Robert Villegas, pamangkin ni Mayor Leopoldo Olivar, at higit sa lahat, mas mayaman siya kesa sa yo."

Nanlaki ang mga mata ni Derek, parang kinabahan. "Ganun ba..." piyok niya. Pagkatapos ay nakayuko siyang sumakay sa kotse niya at saka pinaandar palayo ang sasakyan.

Napansin ko, nakatitig sa akin si Maya. Nanlalaki ang mga mata niya. "Totoo?" tanong niya, may paghanga ang tono ng boses.

Tiningnan ko lang siya at nginitian. Ayoko talagang magmayabang. Si Dom ang hinarap ko at sinimangutan. "Sobra ka naman, Dom. Pati yung mga patay na, isinama mo pa sa listahan."

Natawa lang si Dom. "Effective naman, di ba? Tingnan mo, atras siya. Ikaw naman kasi, napaka-humble mo."

Muli kong tiningnan si Maya.

Nakangiti na siya, kumikinang pa ang mga mata. Parang nakakita ng sikat na artista. "Totoo?" tanong niya ulit.

"Naniniwala ka ba kay Dom?" hirit ko na lang.

Simple Heart 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon