Lumipas ang mga buwan. Natapos ang unang taon ko sa kolehiyo. Kahit papano ay wala naman akong naging problema sa pag-aaral ko.
Malaki ang naging epekto ng pag-alis ni Layla. Nabawasan ang mga tawanan namin sa bahay. Ganun din sa barkada. Pero matapos ang ilang buwan, parang nasasanay na sila sa pagkawala niya.
Ako na lang yata ang hindi.
Madalas, nami-miss ko pa rin siya.
Minsan din, nami-miss ko pa si Maya.
Pero nandito man sila sa puso ko, hindi na sila ang nasa pinakaunahan.
Dumating ang buwan ng Mayo at naganap ang town fiesta sa bayan namin sa Bulacan. Inimbitahan namin ang pamilya ni Yana at hindi naman sila tumanggi. Gaya ng nakaugalian, enggrande ang naging handaan sa amin. Nagdatingan sa bahay ang lahat ng mga kamag-anak namin. Pati ang mga bigating kaibigan nina Mommy at Daddy ay dumating.
"J.M., tulala ka na naman," sabi sa akin ni Yana.
Magkatabi kami noon habang kumakain. Nakaharap kami sa malaking mesang panghandaan kung saan nandoon ang pamilya ko at ang pamilya niya.
"Ah, wala," sagot ko sa kanya, nakangiti. "May naalala lang ako."
"Sino?" tanong ni Ate Jenna, nang-aasar.
Pabiro ko siyang sinimangutan. "Ate ha, gumagawa ka ng isyu."
Natawa lang siya. Alam ko, sina Maya at Layla ang tinutukoy niya.
Pero sa totoo lang, sila naman talaga ang nasa isip ko noon kaya ako natulala. Iniisip ko kasi ang mga panahon na kasama ko sila. Iniisip ko rin kung papano nila ako minahal. Sa pag-iisip ko na iyon, nakasiguro ako, kahit nami-miss ko sila ay wala na akong nararamdamang sakit.
Sa loob-loob ko, anim na buwan mula nang umalis si Layla, walong buwan mula nang umalis si Maya, okey na okey na ako.
"Sino nga ba yung iniisip mo?" tanong ni Yana sa akin.
Nginitian ko lang siya. Alam ko, hindi naman siya magseselos kahit aminin ko. Hindi niya ugali iyon. Sa halos isang taon na magkakilala kami, alam ko na ang ugali niya. At gaya ng sabi noon ni Ate Jenna, hindi nga kami nagkakalayo ng ugali. "Wala naman," sagot ko lang. "Hindi naman importante."
"Okey," sabi niya na lang.
Tinitigan ko siya. Sa loob-loob ko, marami na kaming pinagdaanan. Marami na rin akong ibinigay sa kanyang problema. Masyado nang nakakahiya sa kanya.
"Dad," tawag ko kay Daddy. Nasa harap ko sila noon ni Mommy.
"Bakit, J.M.?" tanong ni Daddy sa akin.
"Pasensya ka na, Dad," sabi ko. "Gagayahin ko lang yung style mo."
Napakunot-noo siya. "Anong ibig mong sabihin?"
Hindi ko siya sinagot. Tiningnan ko ang mga parents ni Yana. "Daddy Chris, Mommy Maylene," tawag ko sa kanila.
"Bakit, Iho?" tanong nila sa akin.
Napansin ko, biglang naghawak-kamay sina Mommy at Daddy. Napapangiti sila.
Sa loob-loob ko, siguro nahuhulaan na nila ang gagawin ko.
"Thank you po, nandito kayo ngayon," sabi ko sa parents ni Yana.
Ngumiti sila sa akin. "Siyempre naman, J.M.," sabi ng daddy ni Yana. "Hindi naman namin pwedeng tanggihan ang imbitasyon mo."
Napangiti rin ako. Sa mga nagdaang buwan kasi, nakilala ko na sila nang lubos. Naging malapit na ang loob namin sa isa't isa. "Thank you rin po, tinatanggap nyo ako sa bahay nyo kapag isinasama ako ni Yana."
"Ah, wala yun, Iho," sabi ng mommy ni Yana. "Mabait kang bata kaya malapit na ang loob namin sa yo."
Lalo akong napangiti. "Halos isang taon na rin po kaming magkakilala ni Yana. Marami na po kaming pinagdaanan. Masasabi ko po na kilalang-kilala na namin ang isa't isa. Alam ko po, hindi ako perpektong tao, pero sana po pumayag kayo sa hihilingin ko sa kanya ngayon."
Napatitig sila sa akin. Lalo na sina Mommy at Daddy. Napansin kong isinandal pa ni Mommy ang ulo niya sa balikat ni Daddy habang nakatingin sila sa akin. May luha sa mga mata niya.
Tiningnan ko si Yana at halatang kinakabahan siya.
"J.M., ano ito?" tanong niya sa akin.
Mula sa bulsa ko ay inilabas ko ang isang maliit na kahon. Binuksan ko iyon at ipinakita sa kanya.
Dalawang singsing. Commitment rings.
Nanlaki ang mga mata niya. Napahawak siya sa dibdib niya.
"Yana, masyado akong naging tanga, pero hindi ka lumayo sa akin. Masyado akong naging madrama pero nakidrama ka sa akin. Masyado akong naging mahina pero hindi mo ako iniwan. Mula ngayon, gusto ko, ako naman ang maging malakas para sa yo. Gusto ko, ako naman ang aalalay sa yo at mag-aalaga."
Pumatak ang mga luha sa mga mata niya. "J.M, huwag kang magbiro nang ganyan..."
Huminga ako nang malalim at hinawakan ko ang kamay niya. "Yana, will you be my girlfriend?"
Bigla niyang iniwan ang upuan niya at yumakap sa akin nang napakahigpit. "Siyempre naman, J.M.," sagot niya. "Ang tagal ko nang hinihintay yan..."
"Kasalan na!" natatawang sabi ni Daddy Chris.
"Tawagin na ang pari!" hirit naman ni Kuya Adrian.
Napatingin ako kina Mommy at Daddy. Pareho silang umiiyak. Alam ko kung bakit. Ganoon kasi ang ginawa ni Daddy noong unang mag-propose siya kay Mommy. Naalala nila ang past nila.
Napangiti na lang ako. Basta kami na ni Yana ngayon.
"J.M., ang saya-saya ko..." sabi ni Yana sa akin.
"Ako din, Yana," sagot ko sa kanya. "Masayang-masaya rin ako."
"Mahal na mahal kita, J.M. Hindi ako magsasawang sabihin sa yo yun..."
"Mahal na mahal din kita..."
THE END

BINABASA MO ANG
Simple Heart 2
Teen FictionJM, youngest child of Mike and Jules, goes to college and experiences love for the first time, in three different angles...