Pauwi ako noon sa dorm galing sa shopping center nang maabutan ko si Maya na pasakay sa kotse ni Derek. Hindi ako nakita ni Maya, pero napatingin sa akin si Derek. Nang makita niya ako, nginisihan niya ako na parang aso.
Tyempo naman, noong paalis na sila, may dumaang taxi sa tapat ko. Agad ko iyong pinara.
"Saan, Boy?" tanong ng driver.
"Manong, sundan mo yung kotse na yun."
Sumunod naman yung driver. Pero habang nakabuntot kami sa kotse ni Derek, nagsimula itong mangulit. "Boy, bakit natin sinusundan yun? Girlfriend mo ba yung kasama nung nagda-drive? Nagtataksil sa yo?"
Napakunot-noo ako sa sinabi ng driver. "Hindi po. Kaibigan ko lang. Boyfriend niya yung nagda-drive."
"Ah, kursunada mo yung babae kaya natin sinusundan?"
Lalo akong napakunot-noo.
Sa North Avenue dumiretso ang kotse ni Derek. Lumagpas ito ng S.M. City at tinunton ang EDSA sa direksyon ng Caloocan. Bago kami makarating sa Monumento ay bigla itong lumiko pakanan sa isang iskinita. Napalingon ako sa isang karatula na nakadispley sa kanto ng iskinita. Karatula iyon ng isang motel.
Kinabahan ako. Kasabay ng kaba, nagsimulang uminit ang ulo ko.
"Boy, mukhang hindi maganda ang mangyayari sa kursunada mo," sabi pa ng driver.
Sinundan pa rin namin ang kotse ni Derek hanggang huminto ito sa tapat ng motel.
Huminto rin kami, halos limampung metro ang layo.
Napansin ko, hindi bumababa si Derek o si Maya. Naaaninag ko pa sila sa loob ng kotse na parang may pinagtatalunan.
Ilang sandali pa ay bumaba ng kotse si Maya. Nakasimangot siya at nagdadabog.
Bumaba din si Derek ng kotse. "Ano ba, Maya?" narinig kong sabi niya. "Bakit ba ayaw mo?"
"Di ba sinabi ko na sa yo?" sagot ni Maya. "Bata pa ko! Ayoko pa!"
"Sabi mo, mahal mo ako? Hindi mo kayang patunayan iyon?"
"Sabi mo rin, mahal mo ko? Hindi mo ko kayang igalang?"
Nagtiimbagang si Derek sa sinabi ni Maya. Napikon yata, agad siyang sumakay sa kotse niya at pinasibad iyon palayo.
Naiwan si Maya na nakatingin lang sa papalayong sasakyan, tulala. Maya-maya ay napayuko siya. Alam ko, umiiyak siya.
"Manong, isakay natin siya," sabi ko sa driver ng taxi.
"Ang swerte mo, Boy," sabi lang ni Manong, sabay ngiti at paandar ng taxi.
Pagtapat namin kay Maya at bumaba ako.
Nagulat pa siya nang makita ako. "J.M.?"
Agad ko siyang niyakap bago pa siya makapagtanong.
Dahil siguro sa sama ng loob, yumakap rin siya sa akin at sa balikat ko siya humagulgol.
"Tahan na," sabi ko sa kanya, sabay hagod sa likod niya. Alam ko, kailangan niya ng kakampi noong mga oras na iyon. Alam ko, nakaka-trauma para sa kanya ang nangyari.
"Bastos siya..." angal niya sa pagitan ng mga hikbi. "Ilang beses niya nang hinihingi sa akin ito pero hindi ako pumapayag. Bakit dinala niya ako dito? Bakit kailangang ganito..."
"Hindi ko masasagot yan, Maya," sabi ko. "Pero may mga kaibigan ka para kumampi sa yo..."
Inangat niya ang mukha niya at tinitigan ako. Umiiyak pa rin siya. "Minahal ko siya. Marami siyang ginawang mali pero pinatawad ko siya. Palagi niya akong inaaway pero hindi ako lumalaban. Ano pa bang gusto niya sa akin? Ano bang nagawa ko?"
BINABASA MO ANG
Simple Heart 2
Ficção AdolescenteJM, youngest child of Mike and Jules, goes to college and experiences love for the first time, in three different angles...
