ANG PASYA NG KONSEHO
Maliit na konseho...
"Narinig niyo na ang mga hinaing ng ating mga nasasakupan."
"Hindi ako naniniwalang magagawa iyon ni ashti Danaya, ina" sambit ni Amil.
"Amil" pagpapatigil ng reyna sa anak at bumaling kay nunong Imaw.
"Imaw anong iyong nasa isip?"
"Walang magagawa ang ating mga sapantaha at kuro-kuro mahal na reyna. Kung naniniwala tayong walang sala si Danaya at isa lamang itong hindi pagkakaintindihan. Iharap natin si sanggre Danaya sa konseho."
"At paano kung napatunayan nating si Danaya nga ang nanggugulo sa Lireo?" tanong ni Pirena.
"Hay! Wala tayong magagawa. Kakailanganin natin siyang patawan ng parusa" namomroblemang sambit ng Adamyan.
Malalim na napa-isip ang reyna. Nakatingin naman si Amil sa ina. Hindi niya alam kung ano ang nasa isip nito ngayon. Nais niyang tulungan ito ngunit mahigpit nitong bilin na hindi siya dapat maki-alam.
"Isa pa hindi magiging maganda sa mata ng iyong mga nasasakupan na tila ang kanilang reyna ay may kinikilingan at tila hindi naniniwala sa kanila. Ayaw mo namang mangyari iyon, hindi ba Amihan?" may nanghahamong wika ni Pirena.
Mariin namang nagkatinginan ang dalawang sanggre na ikinabahala ni Amil. Ngayon lamang niya nakitang magkasalungat ang dalawang magkapatid. At tila ay ramdam niya ang hindi pagkakasundo ng mga ito. At sa hindi malamang kadahilanan ay may hindi siya magandang pakiramdam sa ashti niya Pirena. Pakiramdam niya ay nais nitong maparusahan ang sanggre Danaya at hinahamon nito ang kanyang ina. Noon paman ay nararamdaman niyang may hindi magandang hangarin ang kanyang ashti Pirena at ramdam din niyang hindi siya nito kinikilala bilang anak ng reyna. Wag lang sana itong gumawa ng ikakapahamak ng kanyang ina at kapatid. Dahil hindi niya ito mapapatawad. Lalabanan niya ito kahit ano mang mangyari.
ΩΩΩ ΩΩΩ ΩΩΩ ΩΩΩ
Silid ni Pirena...
"Nalalapit na ang pagbagsak ng iyong kapatid na si sanggre Danaya at Amihan. Nagtatagumpay ka na sanggre Pirena. Ngunit tila nababahala ka?"
"Kailangan nating maging mas maingat sa ating mga pagkilos, Gurna. Kilala mo naman siguro si Amihan. Hindi natin alam ang dahilan ng kanyang pananahimik. Kailangang mawala na sa landas ko si Danaya sa lalong madaling panahon bago may malaman ang aking kapatid na reyna."
Silid tanggapan ng reyna...
"Alira, nagawa mo ba ang aking inuutos?" tanong ni Amihan dito habang nagbabasa ng mga kalatas.
"Nagawa ko na po mahal na reyna."
"Mabuti naman" may ngiting sambit ng reyna bago tumayo at naglakad papunta sa balkonahe. "Ang diwani Lira kamusta siya, Alira?"
"Maayos lamang po ang diwani, kamahalan. Kasa-kasama niya ang rehav Ybrahim. Ngunit kamahalan bakit po ba at ako ang iyong isinugo na turuan ang rehav Ybrahim. Kung alam naman nating mas may kaalaman ka sa ating dating kaharian. Isa pa ba't ayaw mong malaman ng diwani ang mga pangyayari ngayon sa palasyo?"
"Alira ang nais ko lamang noon ay kapayapaan at kasaganaan para sa lahat" sambit ng reyna habang nakatingin sa lupang kanyang iniingatan. "Lahat ay naging maayos sa mga nagdaang taon. Nagawa ko ito ngunit may mga sakripisyo din akong isinaalang-alang. Mga bagay na kahit gusto kong itama ngunit tila bigo padin ako" may ngiting pait ng reyna. "Pakiramdam ko kahit na ano ang aking gawin, babalik at babalik padin sa dati ang lahat. At lahat ng aking isinakripisyo ay mababalewala na lamang" malakas na napabuntonghininga ang reyna at hinarap ang dating mashna ng Sapiro. "Sa mga darating na araw nais kong iiwas mo ang diwani sa palasyo at tutukan mo ng mabuti ang pagsasanay at pag-aaral nina rehav Ybrahim at Amil. Huwag mo silang hayaan na makalapit sa aking tanggapan o maging sa maliit na konseho. Bigyan mo sila ng mga gawain upang dito lamang mabaling ang kanilang isipan. Huwag mo silang iwawaglit sa iyong paningin, Alira."
BINABASA MO ANG
Till I Met You
FantasíaAno ang mas matimbang ang sigaw ng iyong puso o ang tungkulin na nakatakda na sayo? Avisala, Encantadiks!!! Images are not mine. Thanks to google, GMA 7 and pinterest for these.