Raised on her grandmother's mythic tales, brave teenager Arki is stunned when those very monsters come to life and kidnap her best friend Yumi. To rescue Yumi, Arki and her friends venture into the mystical world of Ibayo. Alongside her is Rahinel...
Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
Kabanata 76: Bagaman Hindi Magkaibigan
HINDI makakuha ng tamang bwelo si Arki sapagkat mahigpit ang pagkakahawak sa kanya ni Yumi. Wala rin siyang ibang magawa kundi magtago sa mga malalaking tipak ng mga bumagsak na bato habang ang mga kaibigan niya ay abala sa pakikipaglaban.
'Kung nasa akin lang ang arnis ko!' sigaw ni Arki sa isip.
"Arki, saan ka pupunta?" pigil sa kanya ni Yumi nang tumayo siya.
"Dito ka lang, Yumi, may kukuhanin lang ako," sabi niya pero ayaw pa rin siya nitong bitawan.
"Sasama ako sa'yo." Napaisip si Arki, napagtantong mas delikado kung iiwanan niyang mag-isa si Yumi ng walang laban kaya inalalayan niya itong tumayo at dali-dali silang tumakbo nang makatiyempong tumigil ang pagbagsak ng mga bato.
Hindi na tinangkang lumingon ni Arki kung anong nangyayari dahil alam niyang abala ang mga kasama nila at ginagawa nito ang lahat para protektahan siya. Ngayon lang yata niya naranasan na walang ibang gawin kundi tumakbo.
"Arki!" nang marinig niya ang sigaw ng mga kasama niya ay mas lalo niyang binilisan ang pagtakbo nang hindi bumibitaw kay Yumi.
Naramdaman niya ang mainit na pwersa sa kanilang likuran kung kaya't kusang gumalaw ang katawan niya na tumalon sa gilid at parehas sila ni Yumi na bumagsak sa sahig. Laking gulat nila nang makita ang apoy na siyang galing sa bakunawa.
Hindi iyon naging dahilan para matinag si Arki at muli silang tumakbo pabalik ng infirmary. Ilang sandali pa'y matagumpay silang nakarating ni Yumi roon.
"Yumi, tulunan mo akong hanapin ang arnis ko!" Kaagad sumunod si Yumi sa utos niya at hinalughog nila ang buong silid.
Habang naghahanap si Arki'y biglang lumitaw ang apat na diyosa sa kanyang likuran (na nasa anyong maliit pa rin).
"Girl, ang sama ng kutob ko rito!" bulalas ni Anitung Tabu.
Sa sobrang pagkatuon ng atensyon ni Arki sa paghahanap ng kanyang arnis ay hindi niya masyadong naiintindihan ang mga babalang sinasabi ng apat na diyosa.
Hanggang sa narinig na lang niya ang sigaw ni Yumi kasabay nang pagbasag ng mga bintana.
"Mga halimaw?!" bulalas niya.
"Kanina pa namin sinasabi!" dinig niyang sigaw ulit ni Anitung Tabu.
"Arki, huwag mong pwersahin ang sarili mo na labanan silang lahat," paalala ni Aman Sinaya.
Hindi mawari ni Arki kung ano ang mga halimaw dahil higit na kahindik-hindik ang mga 'yon kaysa sa aswang.
"Arki!" sigaw ni Yumi at nakita niyang hawak nito ang arnis.