Kabanata 2:
Liwanag at Kadiliman
LITERAL na nakapila ang mga manliligaw ni Yumi sa labas ng classroom. May mga boys na galing pa sa ibang section, mapa-lower year o higher year. Digital na ang uso pero namumukod tanging si Yumi lang ang nakakatanggap ng mga love letter.
Literal din naman kasi na diyosa sa ganda si Yumi. Matangkad, maputi, matangos ang ilong, mestiza, kulay rosas ang labi. Papasa itong kandidata sa Binibining Pilipinas sa postura, kilos, at pananalita kahit na high school student pa lang. Siya 'yung tipong noong umulang ng ka-diyosahan ay drum 'ata ang nailabas.
"Oh, ihulog niyo na lang dito 'yung mga sulat niyo," sabi ni Leo habang hawak ang isang kahon na mistulang 'drop box'.
"Pwede ba naming masilip si Yumi my loves?" tanong ng isa sa masusugid na manliligaw ni Yumi, mataba ito at mukhang nerd.
"Busy si Yumi," kakamut-kamot na wika ni Leo. "Tsaka lagot ako kay Arki kapag hinayaan ko kayong—"
"Dali na parang 'di tayo magka-batch!"
"Oo nga! Tsaka wala naman si Arki!"
"Kaya nga! Minsan lang wala 'yung asungot na 'yon!" kanya-kanyang reaksyon ang mga manliligaw ni Yumi para pilitin si Leo. Hindi nila alam na may nakapamewang sa likuran nila.
"Sinong asungot?"
Sabay-sabay silang napalingon at laking gulat nang makita si Arki, walang emosyon ang mukha subalit mapanindak.
"Nyay! Si Arki!"
Aambaan niya ng suntok ang mga kolokoy na manliligaw ng best friend niya nang magtakbuhan ang mga 'to palayo. Mamataymatay naman sa kakatawa si Leo
"Imba ka talaga, Arki!" nakipag-apir pa si Leo sa kanya.
Pumasok sila sa loob ng classroom habang tawa pa rin ng tawa si Leo. Si Arki naman ay bitbit ang kahon at naiinis pa rin.
"Ano 'yan?" tanong ni Yumi nang mapansin ang kahon, tumigil siya sa pagsusulat sa kwaderno.
"Ano pa ba, edi mga love letters galing sa mga kumag mong manliligaw."
"Talaga? Ano naman kayang nakasulat diyan?" tanong ni Yumi na may bakas ng kuryosidad. "Tutulungan niyo naman akong basahin 'yan, 'di ba?"
"Oo, kahit na nakakadiri. Kailangang dumaan sa'min ni Leo para ma-filter. Baka mamaya may kalaswaan," sagot niya habang napamaang naman si Leo
"Talagang dinamay mo pa 'ko?" reklamo ni Leo, kahit na walang palag kay Arki.
"Parang hindi naman tayo magkababata, Leo," panunumbat pa niya.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Binukot (The Last Princess)
FantasyRaised on her grandmother's mythic tales, brave teenager Arki is stunned when those very monsters come to life and kidnap her best friend Yumi. To rescue Yumi, Arki and her friends venture into the mystical world of Ibayo. Alongside her is Rahinel...