Kabanata 51:
Pagkalason
ng
Isip
SRIVIJAYA
Sulad (Balwarte ni Magwayen)Nagkuyom ng mga palad ni Jaakko nang magkaroon siya ng ulirat. Pakiwari niya ay napakaraming beses na niyang nawawalan ng malay at napupunta kung saan-saan. Ang alam niya noon ay pagud na pagod na siya sa mga nangyayari at nais na niyang sumuko. Subalit nang lumiwanag ang kanyang paningin ay gumaan ang kanyang pakiramdam.
'F-fuck? Nasaan na naman ako?'
Napagtanto niyang nakaupo siya sa isang malambot na silya. Mula sa kanyang kinauupuan ay nilibot niya ang kanyang paningin. Mataas ang kisame, tanaw niya ang mga puno at hardin sa labas ng malalaking bintana, nakita ni Jaakko sa kanan ang isang mahabang hapag na naglalaman ng masasarap na pagkain.
Biglang kumulo ang kanyang tiyan.
'Panaginip lang ba ang lahat? Rest house ba 'to ni Dad?'
Para makasiguro ay sinampal niya ang kanyang sarili.
"O-Ouch..." daing niya nang masaktan siya. 'Damn... Hindi 'to panaginip.'
Kahit na nagugulumihanan ay tumayo si Jaakko at kaagad niyang nakita ang kanyang kabuuan sa repleksyon ng salamin.
"W-What the hell is this?" hindi niya mapigilang mapabulalas sa nakita.
Nagmistula siyang payaso sa kanyang kasuotan. Long-sleeve at pantalon na may pahabang guhit-guhit na puti at pula, hinawakan niya ang malaking itim na kwelyo na maalun-alon, may dalawang itim na higanteng butones na nakadikit sa kanyang damit at higit niyang kinainis ang botang itim sa kanyang paa.
"Magnifico, bravo, bellisimo!" napapitlag siya nang marinig ang isang palakpak.
Tumingala siya at nakitang may bumaba sa paikot na hagdanan. Isang nilalang na nakasuot ng tila pangkasal na kulay itim, may kalakihan ang suot nitong sombrero na may belong itim na nagtatakip sa mukha nito.
Kung sino man 'yon ay tiyak ni Jaakko na hindi ito magdudulot ng maganda.
Naumid ang kanyang dila nang makarating sa kanyang harapan ang nilalang. Hindi niya maiwasang manginig sapagkat hanggang dalawang kisame ang laki nito.
Narinig niya ang pagtawa ng nilalang, babae 'yon. Huli na nang mapagtanto niya na halos lumuwa ang kanyang mga mata at tagaktak ang kanyang pawis.
"Ipagpaumanhin mo kung masyado kang nalula sa aking anyo," sabi nito at saka unti-unting lumiit sa normal na sukat ng tao. "Maligayang pagdating, Indio. Ano ang iyong pangalan?"
"J-Jaakko."
"Jaakko, maupo ka," utos ng babae at hindi siya nagdalawang isip umupo sa kulay puting sofa. Halos lumubog siya nang maupo, pinilit niyang umupo ng diretso.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Binukot (The Last Princess)
FantasyRaised on her grandmother's mythic tales, brave teenager Arki is stunned when those very monsters come to life and kidnap her best friend Yumi. To rescue Yumi, Arki and her friends venture into the mystical world of Ibayo. Alongside her is Rahinel...