ANG NAKARAAN:
Nagising na rin ang diyosang si Lakapati at niligtas sila nito at matagumpay na nakatakas sina Arki at Jaakko mula sa kamay ng mga duwende. Kaagad itong pinarating ng hari ng mga duwende na si Haring Dugwas sa iba pang mga pinunong elemento sa Hilusung.
Samantala'y pagkabalik nila Shiela, Karl, Raneah, Leo, Jazis, Roni, Vee, Yumi, at Rahinel sa normal na mundo ay sumalubong sa kanila ang mga kampon ng kadiliman na nagmula sa binuksang portal ni Sitan.
Kabanata 70:
Ang
Paglaho
ng Mga
Alaala
TILA walang katapusan ang pagsulpot ng mga kampon ng kadiliman mula sa kawalan. Tiniyempuhang luminga ni Shiela sa paligid, hinahanap ang senyales ng pagdating ng mga Maharlika subalit nagbalik siya sa ulirat nang lusubin siya ng isang sigbin, mabilis niya itong napaslang.
Tumingin si Shiela sa mga kasama at nakita sina Raneah at Karl na nakikipagbunuan din sa mga halimaw. Nang sulyapan niya ang grupo ni Rahinel ay hindi siya makapaniwala sa nakikita. Nakita niya kung paanong nagpalit ng anyo sina Roni at Vivienne at naging mabangis na tikbalang at aswang ang dalawa bago nilusob ang mga kampon ng kadiliman.
Pinaliligiran ng mga kabataan si Yumi na nakaupo pa rin sa wheelchair nito, tulala at tila wala pa rin sa sarili. Nasaksihan niya ang katapangan ni Leo gamit ang isang sandata, si Jazis naman ay may pambihirang mahika na inuusal kung kaya't sunud-sunod na tinamaan ng kidlat ang mga kalaban.
"Shiela!" narinig niya ang boses ni Karl at pinaslang nito ang halimaw na sana'y dadapo sa kanyang gilid.
Muli niyang itinuon ang pansin sa pakikipaglaban, nananalangin na tumigil na ang oras upang maging hudyat ng pagdating ng mga Maharlika. Sa ngayon ay kailangan muna nilang paslangin ang mga halimaw nang sa gayon ay hindi ito makalusob sa kanilang bayan.
Malaki ang tiwala ni Shiela na darating ang mga kasamahan nilang Maharlika mula sa Kampo Uno sapagkat isa sa kanilang tungkulin na protektahan ang normal na mundo.
"Leo?!" sigaw niya nang makitang sumubsob si Leo sa lupa. Mabuti't kaagad niyang napugot ang ulo ng halimaw na akmang dadakma kay Leo. "Okay ka pa ba?" nag-aalala niyang tanong saka tinulungan itong makatayo.
"T-Thank you po, Ate Shiela!" naramdaman niya ang panginginig ng braso nito subalit nakita niya ang determinasyon sa mga mata ni Leo nang muli nitong pulutin ang sandata.
Lumapit siya kay Yumi at sinigurong walang makakalapit na kahit anong halimaw dito. Lumipas ang oras at tila hindi pa rin natitigil ang pagsulpot ng mga halimaw, unti-unti na silang nauubusan ng enerhiya sa walang tigil na pakikipaglaban.
"Taympers! W-Wala bang taympers?!" dinig nilang sigaw ni Jazis na hapung-hapo mula sa pakikipaglaban.
Naubos na nila ang mga halimaw na dumadating kung kaya't kinuha nila 'yong pagkakataon upang makahinga. Bumagsak bigla si Roni sa lupa nang bumalik ito sa normal na anyo dahil masyado nitong ginamit ang kapangyarihan.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Binukot (The Last Princess)
FantasyRaised on her grandmother's mythic tales, brave teenager Arki is stunned when those very monsters come to life and kidnap her best friend Yumi. To rescue Yumi, Arki and her friends venture into the mystical world of Ibayo. Alongside her is Rahinel...