Kabanata 40:
Imong BayaniHINDI pa rin makapaniwala si Arki na may isa na naman siyang kaharap na diyosa ngayon. Nagliliwanag si Aman Sinaya at halos malula siya sa hindi pangkaraniwan nitong laki at kagandahan.
"Hindi ito ang oras para mag-usap tayo, Rajani," narinig niyang muli ang tinig ng diyosa. "Huwag kang mangamba dahil mula ngayon ay matutulungan na kita."
Walang anu-ano'y biglang naging liwanag muli si Aman Sinaya at hinigop ito ng letra sa kanyang likuran. Naiwan si Arki sa ilalim ng dagat at lubos siyang namangha nang maramdaman na kaya niyang huminga sa ilalim.
Nakita niya si Rahinel na tila hinihila ng dagat sa ilalim. Mabilis siyang lumangoy upang iligtas ito. Nang makalapit siya'y kaagad niyang tinapik ang pisngi nito subalit wala na itong malay, wala siyang ibang nagawa kundi hilahin si Rahinel at lumangoy siya upang makaahon.
Nang makaahon siya sa ibabaw ng dagat ay nakita niya ang palasyo ng Sama Dilaut sa malayo, sira na 'yon at kita rin niya ang itim na usok sa kaharian, hindi pa rin natatapos ang kaguluhan.
Hinanap ni Arki ang pinakamalapit na dalampasigan at mabilis na lumangoy papunta roon habang hila-hila ang walang malay na si Rahinel. Makalipas ang ilang sandali'y narating niya ang dalampasigan, hinila niya si Rahinel malayo sa tubig.
"Hoy, Rahinel, gising," tinapik-tapik niya ang pisngi nito subalit hindi pa rin nagising. Nilapit ni Arki ang tenga niya sa ilong nito at dinama niya kung humihinga pa ba si Rahinel. "Diyos ko lord naman." Dinama niya ang pulso ni Rahinel pero wala siyang naramdaman.
Natataranta siya pero pinilit niyang kumalma. Wala siyang ibang nagawa kundi bigyan si Rahinel ng first aid.Nilagay niya ang kanyang mga kamay sa ibabaw ng dibdib nito at sinimulang bigyan ng chest compression si Rahinel, nagbilang siya at tumigil upang tingnan kung humihinga na ba ito.
Ikiniling niya ang ulo ni Rahinel, nilagay niya ang mga daliri sa baba nito, at ang isa niyang kamay ay inipit ang ilong ng binata. Napalunok muna siya ng ilang beses habang nakatingin sa nakaawang na labi ni Rahinel.
Mabilis siyang natauhan at kaagad niyang nilapat ang kanyang labi sa labi ni Rahinel upang bigyan ito ng hangin. Pagkatapos ng dalawang hininga ay muling binigyan ni Arki si Rahinel ng chest compression at nagbilang siya ng tatlumpu, inulit niya iyon hanggang sa naramdanan niya ang paghinga ni Rahinel.
Nagising si Rahinel at lumabas sa bibig nito ang tubig na nainom.
"Rahinel!" nag-aalalang sigaw niya nang makitang nagkamalay na ito. Inalalayan niyang bumangon si Rahinel.
"A-Arki?" sabi ni Rahinel nang makita siya. Awtomatikong napayakap siya rito. "S-Salamat."
"Kaya mo bang tumayo?" tanong niya habang nakayakap pa rin si Rahinel sa kanya. Inalalayan niya itong tumayo at bumitaw na sa kanya si Rahinel.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Binukot (The Last Princess)
FantasyRaised on her grandmother's mythic tales, brave teenager Arki is stunned when those very monsters come to life and kidnap her best friend Yumi. To rescue Yumi, Arki and her friends venture into the mystical world of Ibayo. Alongside her is Rahinel...