/25/ Ibang Dimensyon

26.6K 1.9K 402
                                    


Kabanata 25:Ibang Dimensyon

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 25:
Ibang Dimensyon


DUMATING din ang pagkakataong hinihintay ni Yumi, pinagdasal kasi niya noong isang gabi na sana'y dalawin siya ng Mutya sa kanyang panaginip.

"Mayumi." kaagad niyang nakilala ang tinig at halos lumundag ang kanyang puso. Naroon siya sa lugar kung saan siya palaging dinadalaw ng Mutya, nang lumingon siya'y nakita niya ang isang liwanag.

"T-Tulungan mo ako may nangyayaring kababalaghan sa'kin! Iligtas mo ako!" pagsusumao niya sa Mutya.

"Mayumi, sa kasamaang palad ay hindi na kita maaaring matulungan. Nagampanan na natin ang tungkulin natin sa isa't isa dahil oras na para ibigay mo ako sa karapat-dapat na tao."

"Karapat-dapat na tao? Si Arki?"

"Oo, dinalaw kita ngayon dahil narinig ko ang iyong pagtawag, subalit narito ako upang ipaalala sa'yo ang iyong huling misyon, ang ibalik ako sa tunay na nagmamay-ari sa akin."

"Pero..."

"Bago pa mahuli ang lahat, Mayumi."

Nagising siya bigla at tumambad sa kanya ang kisame ng kanyang kwarto, bumangon siya at nakita ang kanyang balat, hindi pa rin iyon nagiging normal. Nanggaling na sila kanina sa ospital at niresetahan lang siya ng doktor ng gamot dahil inakala nitong allergy lang ang kanyang sakit. Hindi pa rin siya mapalagay.

Napatingin siya sa bintana at nakitang papalubog pa lang ang araw, mukhang hindi na siya makakatulog mamayang gabi. Maya-maya pa'y pumasok sa silid ang kanyang Tita Mercy.

"Gising ka na pala, hija," sabi nito at nilapag sa study table ang dalang isang pinggan ng mga hiwang mansanas. "Nabili ko na ang mga gamot na nireseta ni dok."

"Tita, please, huwag niyo po munang sabihin kila mama at papa kung ano'ng nangyayari sa'kin," mangiyak-ngiyak niyang sabi.

"Pero, hija, hindi na magandang biro ang nangyayari sa'yo!" pakiusap din sa kanya ni Tita Mercy.

Ayaw mang paniwalaan ng kanyang tiyahin ang mga hakahaka na kumakalat sa eskwelahan ay inunlak pa rin nitong tawagan ang kanyang mga magulang na walang kamalay-malay sa mga nangyayari sa kanya.

 "Bukas magiging maayos din ang lahat, tita, ayokong mabahala sila sa'kin."

Ang totoo'y natatakot lang talaga siya na baka pabalikin siya sa Maynila, ayaw niya nang bumalik doon dahil mas gusto niya ang payak at payapang pamumuhay dito sa probinsya. Isa rin sa dahilan na ayaw niyang iwanan ang kanyang mga kaibigan at ang lihim niyang sinisinta na si Rahinel.

"Sige, ipagdasal natin 'yan, hija," iyon ang sinabi ng kanyang tiyahin bago siya nito tuluyang iwanan.

*****

Ang Huling Binukot (The Last Princess)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon