/3/ Ang Misteryosa

38.5K 2.5K 463
                                    


Kabanata 3:Ang Misteryosa

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

Kabanata 3:
Ang Misteryosa



WALA namang bago sa Barangay Macabebe, nagkalat pa rin ang mga tsismosa, ang mga tambay, lasenggo, mga batang naglalaro, mga nagsusugal, at mga kabataang maghapon sa basketball court. Masasabing payapa naman ang lahat, at simple ang pamumuhay ng mga mamamayan dito.

Papalubog na ang araw nang huminto ang isang itim na van sa tapat ng arko ng barangay. Hindi na ito pumasok sa loob dahil maliit lang ang kalsada, idagdag pa ang mga nakakalat na tao. 

Bumaba mula sa van ang isang balinkinitang babae na may simpleng pananamit, may katamtamang tangkad, at morena. Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok na humarang sa kanyang mukha bago ilibot ang kanyang tingin.

Agaw eksena ang pagdating ng van kaya kaagad din siyang napansin ng mga tao. Bumaba ang driver para tulungan siyang ilabas mula sa loob ng sasakyan ang isang malaking balikbayan box at ang kanyang maleta.

"Si Shiela na ba 'yan?"

"Oo nga! Si Shiela galing abroad!"

"Shiela! Kamusta na?"

Isang matipid na ngiti ang kanyang isinagot. Lumapit sa kanya ang chairman ng barangay na si Ka-Totoy.

"Shiela, umuwi ka na pala! Kamusta?" napansin niyang mas tumanda ang itsura ni Ka-Totoy dahil namumuti na ang buhok nitong laging nakatina, pero hindi pa rin kumukupas ang tatak nitong bigote.

"Okay naman ho, Ka-Totoy. Ito nga po pala ang pasalubong ko para sa lahat." Tinuro ni Shiela ang malaking balikbayan box na hila-hila ng driver.

"Naku! Shiela nag-abala ka pa!" natutuwang bulalas ni Ka-Totoy.

Parang magnet na nagsilapitan ang kanilang mga kapitbahay sa kanyang kinaroroonan, sabik sa kanyang mga imported na pasalubong.

"Oo nga, Shiela! Nakakahiya naman sa'yo!" wika ng isang ale habang karga ang anak.

"Kelan ka ba mag-aasawa, Shiela?" nakuha pang magtanong ng isang ale.

Tawa lang ang sinagot ni Shiela. Hindi na bago ang ganitong eksena sa tuwing umuuwi siya sa kanila. Palagi siyang pinagkakaguluhan na akala mo'y artista dahil sa kanyang mga pasalubong.

Chocolates, pabango, damit, bag, sapatos, shampoo, sabon, atbp. Lahat ng mga tiga-Barangay Macabebe ay naaambunan ng kanyang mga regalo. Kahit hindi pa Pasko ay nag-aala Santa Klaws siya sa tuwing dumadating siya sa kanilang barangay.

"Sige ho at tutuloy na ako, Ka-Totoy, kayo na ho ang bahalang mamigay ng mga pasalubong," paalam ni Shiela sa chairman at nauna na siyang naglakad habang hila-hila ang kanyang maleta.

Ang Huling Binukot (The Last Princess)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon