Kabanata 68:
Pagdakip
ng mga
DuwendeNAGKAROON na rin ng malay si Rahinel matapos mabigyan ng mga mahikang lunas ni Master Yogi. Hindi pa man nanunumbalik ang kanyang buong lakas ay pinilit niya na sumama sa importanteng pagpupulong noong araw na 'yon.
"Rah!" kaagad siyang sinalubong ng yakap ni Leo nang makita siyang lumabas sa silid. Kaagad din itong kumawala sa kanya at hinila siya palapit sa mga kasama, kaagad siyang kinamusta nila Roni, Vee, at Jazis, bakas sa mga itsura nila ang lungkot dahil sa nangyari.
"Huwag kang mag-alala, ililigtas natin si Arki," sabi ni Roni at sinagot niya ito ng isang matipid na ngiti.
"Alam mo ba, Rah, siyempre hindi mo pa alam," panimula ni Leo nang umupo siya.
Si Jazis naman ay napaikot ang mga mata. "Hay nako, natutulilig na 'ko sa kwento mo—"
"Siyempre hindi pa alam ni Rah kung paano ko pinatay 'yung dragong may pitong ulo!" giit ni Leo, naging sabik at masaya ang itsura nito.
Si Roni naman ay natawa at sinenyasan si Jazis na hayaan na lamang si Leo na magkwento kahit na natutulilig na sila sa magdamag nitong pagbibida kung paano nito napatay ang dragon sa San Laon.
Nasa kalagitnaan ng pagkukwento si Rahinel nang dumating si Karl at Shiela kaya tumahimik na si Leo.
"Rah?" kaagad lumapit si Karl sa kanya. "It's good to see you again." Niyakap siya nito at kaagad din silang naghiwalay nang magsalita si Shiela.
"Si Yumi? May malay na ba si Yumi?"
Umiling siya. Sabay lumabas si Master Yogi sa silid na kanyang pinanggalingan.
"May natitira pang lason sa katawan ng bata pero huwag kayong mag-alala dahil magiging mabuti rin ang kalagayan niya," sabi nito. "Maya-maya ay magkakamalay na rin si Mayumi subalit hindi pa manunumbalik ang kanyang lakas."
Nagtipon sila sa sala ng maliit na bahay. Naalala pa rin ni Rahinel ang araw na 'yon kung kailan niya nalaman ang katotohanan na si Arki ang prinsesang kanyang matagal na hinahanap, hindi pa rin humuhupa sa kanyang puso ang kabiguan dahil wala siyang nagawa para mailigtas si Arki.
Lumikas sila noon sa siyudad ng Biringan sa katabing isla ng Madhi upang magamit ni Master Yogi ang kanyang mahika upang magamot sila. Matagal bago maghilom ang kanyang tinamong sugat at doon napagtanto ni Rahinel ang posibilidad ng kanyang katapusan, tanging diyos ang maaaring kumitil sa kanyang imortal na buhay.
Laking pasasalamat nila kay Master Yogi dahil may kaibigan itong engkanto sa Biringan ang nagpatuloy sa kanila sa munting bahay. Nanumbalik ang atensyon ni Rahinel sa kasalukuyan nang marinig niya ang boses ni Shiela.
Nagsimula ang kanilang pagpupulong, ikinuwento ni Shiela ng pahapyaw ang mga kaganapan at pati ang katotohanan tungkol kay Arki. Napag-alaman ni Rahinel na dating uripon si Shiela ng pamilya ni Datu Kagirim at gamit ang kapangyarihan ng kanilang babaylan ay dinala sila nito sa kasalukuyang panahon. Kinupkop ni Barbara Salamanca sina Shiela at Arki kalaunan. Naging bakas sa mukha ni Shiela ang kunsensya nang ilahad na sinadya nito na ibigay kay Yumi ang Mutya upang maitago ang katauhan ni Arki.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Binukot (The Last Princess)
FantasyRaised on her grandmother's mythic tales, brave teenager Arki is stunned when those very monsters come to life and kidnap her best friend Yumi. To rescue Yumi, Arki and her friends venture into the mystical world of Ibayo. Alongside her is Rahinel...