/45/ Ang Ikakasal

24.4K 1.5K 551
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Kabanata 45:
Ang Ikakasal


HALOS mapanganga sila Arki at Vivienne habang nakasakay sila sa isang karwahe. Hindi nila parehas mapigilang tumingala at pagmasdan ang buong paligid.

Kahit na gabi ay napakaliwanag ng kapaligiran sapagkat namumutaktak ang mga lamparang hugis luha na nakasabit sa bawat gusali.

Ang mga gusali ay hugis triangulo na nakatirik sa ibabaw ng mga matatarik na bato, ang ilan naman ay nakatirik sa matataas na puno.

Paitaas ang kanilang binabaybay at sa unahan nila ang karwaheng kulob ni Prinsipe Bibot.

Sino ba namang mag-aakala na ang batang matabil na niligtas nila kanina sa kagubatan ay isang kabunyian ng isang kaharian?

Sa pinakaitaas na bahagi matatanaw ang isang magarang palasyo, may tatlong hugis ng diyamante, pinakamataas ang nasa gitna at ang tusok nito.

Nakamamanghang naitayo ang mga gusali sa mabatong kabundukan at napaliligiran ng hitik na mga matataas na puno.

Tanaw na tanaw din nila ang maliwanag at gasuklay na buwan, pati ang mga bituin sa langit na mistulang kolorete nito.

Walang salita ang lumabas sa bibig nilang dalawa sapagkat natagpuan nila ang kanilang mga sarili sa piling ng mga estranghero

Naglalakad sa kanilang mga gilid ang mga tagapaglingkod ng palasyo. Kapansin-pansin ang mga kasuotan nila, mahabang kulay dilaw na roba, nababalutan ng bupanda ang kanilang mga leeg. Ang mga buhok ng lalaki ay mahaba at diretsong diretso, may magarang triangulong sombrero ang mga 'to.

Ang mga mamamayan ay nakausisa sa gilid, makukulay ang kanilang mga kasuotan. Pakiramdam ni Arki ay mabubuti ang mga tao rito dahil magaan ang kanyang pakiramdam.

Ilang sandali pa'y narating na nila ang palasyo na kung tawagin ay Balaisok. Sinalubong sila ng isa pang tagapaglingkod ng palasyo at base sa kasuotan nito'y mas mataas ang ranggo nito kung ikukumpara sa mga naghatid sa kanila.

"Magandang gabi at maligayang pagdating sa kaharian ng T'blan, sa ngalan ni Prinsipe Bibot ay pinatutuloy ko kayo sa Balaisok," pormal na sabi nito sa kanila at bahagyang yumuko.

Matangkad ang lalaki at tila nagliliwanag ang mukha nito. Mukha itong monghe base sa suot nitong pulang roba na nakabalot sa katawan,ang kaibahan nga lang ay ang buhok nitong mahaba habang nababalot ang noo nito ng isang pulang bandana.

Nagkatinginan si Arki at Vivienne bago humarap si Arki sa lalaki.

"Ako nga pala si Kubil, ang tagapangasiwa ng kaharian ng T'blan."

Iginiya sila ni Kubil sa loob ng palasyo. Tumingala si Arki sa napakataas at patusok na kisame. Mula sa marmol na sahig hanggang sa mga poste ay tila kumikislap ang lahat ng bagay.

Ang Huling Binukot (The Last Princess)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon