Kabanata 62:
Sa Kabilang DakoHALOS bumaligtad ang sikmura ni Leo nang masilayan nila ang kaenggrandehan ng laki ng dragong may pitong ulo sa bayan ng San Laon. Malayu-layo pa ang kanilang tatahakin subalit tanaw na tanaw na nila ngayon ang halimaw na nagdudulot ng gulo sa bayan ni Marikit.
Kasalukuyang nahihimbing sa pagtulog ang dragon, nakapulupot ang katawan nito sa bulkan at kung hindi mo titingnang mabuti ay mapagkakamalan mong parte ng kabundukan ang katawan nito sapagkat humahalo ang kulay nitong lupa na hinaluan ng kulay ng mga puno.
Narinig nila ang napanatag na buntong hininga ni Marikit, sabay na napatingin dito sila Leo at Jazis.
"Mabuti't natutulog pa ang dragon," halos pabulong na sabi ni Marikit subalit hindi iyon nakatakas sa kanilang pandinig.
"Huh? Bakit? Anong dapat naming ikatuwa ro'n?" mataray na tanong ni Jazis.
"Kung matulog ang dragon ay inaabot ng linggo, subalit kapag nagising ito'y kinakailangan itong mapakain 'agad ng mga tao—hindi lang basta tao kundi ay mga birheng dalaga," paliwanag ni Marikit.
"OMG, delikado pala ako!" bulong ni Jazis sa sarili. 'Tss...Bakit ba kasi pinasama ako ni Arki rito? Nadamay pa ko sa problema nitong babaitang ito at sa pagiging bida-bida ni Leo!'
Napansin ni Jazis na namumutla si Leo kaya lumapit siya sa binatilyo para asarin ito. "Oh, good news, Leo! Malapit na malapit na tayo! Ready ka na ba ipakita ang super skills mo? Nakita mo 'yun?" tinuro ni Jazis ang dragon. "Iyon lang naman ang papatayin mo—"
Pinalis ni Leo ang kamay ni Jazis, magkasalubong ang kilay at napalitan ng pagiging seryoso ang mukha kaya tumigil na si Jazis sa pang-aasar.
"Bilisan na natin, nasasayang ang oras sa kakasatsat mo," patag at malalim na pagkakasabi ni Leo sabay nauna sa paglalakad. Sumunod dito si Marikit.
"Wow ha."
Si Jazis naman ay ngumuso, kinuha ang bayong na pinaglalagyan ni Mari. Humabol siya sa mga kasama.
"Bakit hindi na lang tayo sumakay kay Mari tapos direktang sumugod sa dragon na 'yan habang natutulog?" suhestiyon ni Jazis subalit hindi siya pinansin ni Leo. "'Di ba may magic birang ka, gamitin mo na 'yan para matapos na 'to for once and for all!"
Hindi pa rin siya pinansin ni Leo at diretso lamang itong naglakad, sa inis ni Jazis ay nakabusangot na lang siyang sumunod sa dalawa.
Lumipas ang halos limang oras at narating nila ang bayan ng San Laon. Walang mga tao sa labas at lahat ng mga gusali at bahay ay mga sarado. Si Marikit na ang nangunguna sa paglalakad habang tahimik lang silang nakasunod.
Ngayon ay mas napagmasdan ni Leo nang malapitan ang dragon dahil ilang kilometro lamang ang layo nito sa bayan. "Nasaan na 'yung mga tao?" hindi maiwasang itanong ni Leo.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Binukot (The Last Princess)
FantasyRaised on her grandmother's mythic tales, brave teenager Arki is stunned when those very monsters come to life and kidnap her best friend Yumi. To rescue Yumi, Arki and her friends venture into the mystical world of Ibayo. Alongside her is Rahinel...