/36/ Si Dayang Sulu

24.8K 1.5K 85
                                    

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.


Kabanata 36:
Si Dayang Sulu


"TANGGALIN ang mga piring sa kanilang mga mata."

Sunod na lang nila namalayan na tinanggal ng mga kawal ang piring sa kanilang mga mata. Halos masilaw sila dahil sa liwanag ng mga sulo na nakasabit sa bawat kahoy na poste.

Nakaluhod silang anim ngayon at nakatali ang kanilang mga kamay habang nasa harapan nila ang mataas na trono ni Sultan Amundagung, ang pinakamataas na pinuno ng kaharian ng Sama Dilaut. Wala silang mga sandata dahil kinumpiska lahat ng mga gamit nila.

Nilibot ni Arki ang paningin at nakita niya na may mga nakaupo sa sahig sa magkabilang gilid nila, sampung metro ang layo nito sa kanila. Base sa mga itsura nito'y mga mandirigma sila ng kaharian na may matataas na tungkulin.

Tumingin si Arki sa harapan at nakita na nakaupo sa trono ang sultan, nakatingin ito sa kanila, napansin niya ang kulay sunog nitong balat, walang suot na pang-itaas, bahag at asul na kapa lamang ang kasuotan, subalit ang korona nitong gawa sa kabibe at suot nitong pulseras sa braso ay sumisimbolo ng mataas na kapangyarihan.

"Mahal na sultan, sila ang mga estrangherong nagtakang tumawid sa kabila ng Ugod, isang krimen ang kanilang ginawa at marapat silang parusahan," may isang lalaki ang nakatayo sa gilid ng sultan ang nagsalita.

Itinaas ng sultan ang kanang kamay upang pahintuin ang lalaki sa pagsasalita. Hindi pa rin ito kumukurap habang nakatingin sa kanila.

"Sila'y galing sa kabila, base sa kanilang anyo, galing sila sa mortal na mundo," biglang nagsalita ang Imam, ang beteranong manggagamot ng hari. "Hindi maganda ang kutob ko rito, mahal na sultan."

"Mahal na sultan," biglang nagsalita si Rahinel at tumayo ito, naalarma ang mga kawal at kaagad na tinutok ang kanilang mga sibat dito. Subalit hindi nasindak si Rahinel. "Hayaan mo kaming magpaliwanag.'

'Bumibida 'yung kumag na 'to! Baka mamaya bigla kaming tusukin ng mga 'to eh.' Reklamo ni Arki sa isip habang nakatingin kay Rahinel.

Makisig na tumindig si Rahinel, napansin ng sultan sa mga mata nito ang kakaibang tapang.

"Galing kami sa mundo ng mga mortal, narito kami upang iligtas ang huling binukot. Wala kaming ibang intensyon na masama at ang tanging hangad lamang namin ay ang makatawid sa kabila ng Ugod," determinadong saad ni Rahinel sa sultan.

Walang anu-ano'y tumawa ang sultan subalit kaagad din itong huminto at sumeryoso.

"Isang 'di hamak na mortal ang nagsabi sa'kin na patawirin sila sa kabila ng Ugod? Para sa kaalaman mo, mortal, kaming mga Sama Dilaut ang naging tiga-bantay at protekta sa timog na Ugod, ipinasa sa amin ang tungkulin na walang sinuman ang makakatawid sa kabila ng Ugod patungo sa mundo ng Siranaw."

Ang Huling Binukot (The Last Princess)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon