Kabanata 38:
Ang Pag-aalinlangan ni Arki
Nahulog ang diwa ni Arki sa isang malalim na panaginip, dinala siya ng kanyang salagimsim sa isang malayong nakaraan—isang nakaraan na nakalimutan na ng panahon.
Nakita niya ang kanyang sarili sa katawan ng isang musmos, nakita niya ang dalawang nilalang na hindi pamilyar sa kanya, kakaiba ang mga kasuotan nito, parang mga sinaunang tao.
Kinalong siya ng babae at hinaplos ng lalaki ang kanyang buhok. Narinig niya ang paghimig ng babae habang hinehele siya nito. Hindi niya alam kung nasaan siya, wala siyang ideya sa nangyayari.
Ang mapayapang eksena ay napalitan ng silakbo—narinig niya ang ingay ng madugong digmaan. Sunod na lang namalayan ni Arki na bitbit siya ng isang babae, tumatakbo palayo mula sa kaguluhan. Pinasok nila ang isang masukal na gubat hanggang sa tumigil sa pagtakbo ang babae nang marating nila ang dampa.
Tumingin si Arki sa taong nakabuhat sa kanya, nakita niya ang kanyang Ate Shiela. May isang matanda ang lumabas mula sa dampa, nag-orasyon ito at ilang sandali pa'y lumitaw ang isang portal.
"Rajani," bulong sa kanya ni Shiela. "Tutuparin ko ang pangako ko sa iyong mga magulang, hindi kita pababayaan."
Napabalikwas si Arki at nagising siya mula sa malalim na panaginip. Nasilaw siya sa pagtama ng sikat ng araw sa kanyang mukha kaya napabangon siya. Nilibot niya ang kanyang tingin at napagtantong nakatulog siya sa gilid ng isang malaking bato.
Napatingala si Arki nang maalala ang kanyang panaginip, sariwang-sariwa ito sa kanyang memorya at bigla tuloy niyang naalala si Shiela.
"Ate Shiela?" bulong niya sa kanyang sarili. Biglang nangilid ang luha sa kanyang mga mata sapagkat bigla siyang nangulila rito, sabay na pumasok sa kanyang isip ang pagkawala ng kanyang Lola Bangs.
Niyakap ni Arki ang sarili habang nakaupo 'Arki, hindi ito ang oras para magkaganito ka. Kailangan n'yo pang iligtas si Yumi.'
Huminga siya ng malalim. Naalala niya rin bigla ang nangyari kagabi, hindi niya sigurado kung panaginip lang din ba 'yon pero nasisiguro niyang hindi dahil tandang-tanda pa rin niya ang naging pag-uusap nila ni Anitung Tabu.
At ang sinabi nito sa kanya na hinding-hindi niya malilimutan, na siya ang huling binukot.
Gulung-gulo ang kanyang isip dahil sa maraming katanungan. Huminga ulit siya nang malalim upang pakalmahin ang kanyang isip, kailangan niyang mahanap ang kanyang mga kasama dahil may importante pa silang misyon.
Tumayo siya, pinagpagan niya ang kanyang katawan at inayos ang sarili. Sinukbit niya ang kanyang arnis, ang tanging bagay na dala niya ngayon. Wala siyang ideya kung nasaan ang mga kaibigan niya pero kailangan niyang magpatuloy.
BINABASA MO ANG
Ang Huling Binukot (The Last Princess)
FantasyRaised on her grandmother's mythic tales, brave teenager Arki is stunned when those very monsters come to life and kidnap her best friend Yumi. To rescue Yumi, Arki and her friends venture into the mystical world of Ibayo. Alongside her is Rahinel...