Simula

30.3K 563 337
                                    

Simula

Hindi madali ang laban ng buhay. Maraming pagkakataong masusugatan at madadapa ang isang tao. Iiyak at makararanas ng masalimuot na pangyayari. Mababasag ang puso at magugulo ang isipan dahil hindi na kinakaya ang agos ng buhay. At sa huli, susuko at bibitiwan ang natitirang pag-asa sa isang regalong isa lamang ang pagkakataong maibibigay sa bawat isa.

Noon, ipinangako ko sa aking sarili na hindi ko bibitiwan ang biyaya ng buhay. Hindi ko isusuko ang pagkakataong maging masaya at maranasan ang lahat ng bagay na dapat kong matamasa. Ayokong bumitiw. Gusto kong mabuhay.

Isa sa mga bagay na pilit kong inintindi noon ay ang dahilan kung bakit gugustuhin ng isang taong isuko ang biyaya ng Maykapal. Kung bakit ang iba ay kayang-kayang palayain ang pag-asa nilang manatili sa mundo at mabuhay. Kung bakit sa bawat araw na dumadaan ay nabibilang ko lamang sa aking daliri ang mga taong magsasabing masaya ang mabuhay.

Masaya ang mabuhay. Gusto kong mabuhay. Kung sana lamang ay mayroon akong natitira pang mahabang panahon. At kung sana ay kayang ibigay sa akin ng mga taong gusto nang bumitiw ang buhay nila, sana ay kaya ko pang magpatuloy. Sana ay kaya kong manatili.

"Agatha? Apo, k-kaya natin ito. Lalaban tayo!"

Ang nanginginig na boses ni lola ang pinakamalakas na narinig ko sa loob ng kuwarto. Masyadong malamig at hindi na ako halos makakita. Malabo ang lahat ngunit kitang-kita ko ang liwanag na itinututok ng doktor sa mga mata ko.

"Doc, ano pong nangyayari sa apo ko? Parang awa niyo na! Iligtas niyo siya!"

Malakas ang sunod-sunod na tunog mula sa makina. Mahina ang katawan ko at hindi ko na kaya pang gumalaw o magsalita. Sa tuluyang pagpikit ng mga mata ko ay wala na akong ibang magawa kung hindi hayaan na lamang sa kamay ng Maykapal ang tadhana ng buhay ko.

"Come on! We're losing her!"

Ang sabi ko noon ay lalaban ako para mabuhay. Na kahit ang puso ko pa ang pinakamahina sa lahat ay kakayanin kong magpatuloy. Gusto kong mabuhay. Gusto kong maging malaya.

Ngunit, mahirap ang lahat. Mahirap, masakit, at nakakapagod. Hindi madaling ipaglaban ang isang bagay na simula pa lang ay hindi na sa'yo itinadhana.

"Hold on, Agatha. Hold on.." bulong ng doktor.

Paano kung gusto ko, pero hindi ko na kaya? Paano kung gusto ko, pero wala na akong magagawa?

Ang operating room. Ang mga ilaw. Ang mga doktor at nurse. Ang mga tubong nakakabit sa akin. Ang mahina kong puso. Iyan na lamang ang tanging laman ng isip ko simula nang makalabas ako ng ospital. Bigo ang pag-asa kong mapapalitan na ang puso ko sa ikalawang pagkakataon. Hindi natuloy ang operasyon at nanganganib pa rin ang buhay ko.

Wala sa sarili akong ngumiti saka tiningala ang langit. Humigpit ang hawak ko sa maliit kong bag saka bumuntong-hininga. Asul na asul ang kalangitan at hinihipan lamang ng hangin ang mga ulap nang walang kahirap-hirap.

Naniniwala ako sa Diyos. Naniniwala ako sa langit at naniniwala ako sa mga Anghel. Ngunit kahit na ganoon, gusto ko pa ring manatili sa mundo para mabuhay. Gusto kong lumaban.

"Simula nang ikaw ang maging florist ko, dumami ang costumers."

Mahina akong natawa saka bumaling kay Hans. Maingat kong binuhat ang maliit na paso ng Calla Lily saka ipinatong iyon gilid ng lamesa para makita ng mga costumer na darating.

Muli akong bumuntong-hininga saka sinapo ang dibdib ko. Pilit akong ngumiti saka bumaling palayo upang hindi niya makita na hirap akong huminga.

Kumunot ang noo niya saka pilit akong sinilip. "Siguro ay dapat ka munang magpahinga bukas. Medyo namumutla ka, ayos ka lang?"

Last A Lifetime (Louisiana Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon