Mag-isa.
Walang pumapansin.
Tahimik na pinagmamasdan ang mga bagay na mayroon ang iba.Nakaupo siya sa paborito niyang p'westo dito sa unahan ng kantina habang tinititigan ang hawak niyang pera na marahil ay ipinabaon sa kanya.
'Anong mabibili niya sa halagang 10.00?' iyon ang katanungang nasa isip ko.
Sa simula'y walang kasiguraduhan akong nakatingin sa maamo niyang mukha at mula doo'y nasilayan ko ang kanyang malawak na pag-ngiti. Bigla siyang tumayo sa kinauupuan at lumakad papunta sa kinaroroonan ko.
"Pabili po ng Rebisco, iyon pong Peanut Butter ang flavor." nakangiting sabi niya sa akin.
"Samahan n'yo na rin po nang ice water, pamatay uhaw para sa binili ko." muli ay sambit niya ng hindi nawawala ang ngiti sa mga labi. Nakangiti akong iniabot ang kanyang binili.
"Salamat po," at muling bumalik sa kanyang p'westo.
"Gusto mo, Mariel?" rinig kong tanong sa kanya nang isang dalagita, may kasama din itong dalawang kaibigan.
Sila ang tipo ng mga kabataan na.
Mayayaman.
Matatalino.
Magaganda.Bakas ito sa kanilang mga postura mula sa tali ng kanilang mga buhok hanggang sa kanilang mga sapatos.
"Talaga bang bibigyan mo siya Mildred?" tanong nang isa sa kasama nito. Tumingin naman ito sa kasama saka tumango.
Napangiti ako ng sandaling iyon.
Sa wakas!
Magkakaroon na siya ng tinatawag na kaibigan.
Tinapik siya sa balikat ni Mildred saka muling nagsalita. "Ayaw mo ba?" nakangiting tanong nito sa kanya.
"Salamat Mildred," rinig kong tugon niya dito ng nakangiti.
"Walang anuman, sana magustuhan mo."
****
Hind ko alam kung bakit nakakaramdam ako ng sakit habang naririnig ang pag-aaway nilang mag-ina sa harapan ko.
"Hindi mo dapat na ginawa iyon. Hindi ka dapat nananakit ng ibang tao!" sigaw ng Ginang sa kanyang anak.
"Pero hindi ko naman iyon kasalanan, binigyan ko na nga siya ng makakain!" nagmamaktol na sigaw din ng dalagita sa ina.
"Binigyan mo siya sa maling pamamaraan, Mildred. Hindi iyon katanggap-tanggap sa kahit na kanino." malumanay na pananalita ng Ginang ng sabihin iyon. Marahil ay napagtanto nito na naroon ako bagamat nakapikit ng mga sandaling iyon.
"Ibinigay ko iyon sa kanya dahil wala siyang makain, bakit ba nagagalit ka?" inis pa ring tanong nito sa Ginang ngunit nararamdaman kong nakaturo siya sa akin.
"Dahil ang ibinigay mo sa kanya ang dahilan kung bakit siya narito sa hospital ngayon." mariing giit pa rin ng Ginang.
"Hindi ko kasalanan kung hindi siya kayang bigyan ng baon nang kanyang mga magulang, Mommy. Kasalanan nila iyon dahil ipinanganak silang mahirap!"
Masakit marinig ang katotohanang iyon.
Na hindi ako kayang bigyan ng sapat na baon nang aking magulang ngunit naiintindihan ko sila.
Hindi sila ipinanganak na mayaman kung kaya't hindi sila nakapag-aral.
At marahil, ito ang maaari kong ipagmalaki. Na hanggang sa ngayon ay iginagapang pa rin nila ako upang makapag-aral.
"Isang malawak na ngiti lang ang katapat ng lahat nang problema."
****
"Ma'am, okay na po ang inyong ina. H'wag ka na rin mabahala sa gastusin." nakangiting sambit ng Doctora sa aking anak ng lumapit ito sa kinaroroonan niya.
"Naku! Maraming Salamat po Doktora! Hindi ko po talaga alam kung saan ako kukuha ng lahat nang panggastos dito sa hospital." umiiyak na tugon nang aking anak.
"Walang anuman iyon," nakangiting tugon ng Doktora.
Ang kanyang mga ngiti ay hindi nagbago sa nakalipas na mga taon ngunit ang kanyang postura ay hindi na katulad ng dati ngunit ramdam kong naaalala niya ako.
Napatingin ako sa anak ko.
Mag-isa.
Walang pumapansin.
Tahimik na pinagmamasdan ang mga bagay na mayroon ang iba.Nakikita ko ngayon sa katauhan ng anak ko ang buhay ni Doktora noon.
Si Mildred.
Ang aking anak.