"PAGITAN NG LIWANAG AT DILIM"
Matagal akong nakatitig sa kawalan. Madilim na kalangitan ang nakatutok sa aking harapan.
Waring hindi ko maunawaan ang lahat ng mayroon ako ngayon. Hindi ko matanggap at kahit kailan ay hindi ko kayang tanggapin.
Tila ipinagkait na sa akin ang lahat.
Napakahirap magdesisyon hindi dahil sa natatakot ako sa kung anong kalalabasan ng magiging desisyon ko kun'di sa kung ano ang maaari niyang sabihin sakaling mali ang ginawa kong desisyon.
"Hijo, kailangan mo ng mag-desisyon ngayon," anang isang babae na siyang bantay sa akin. Ni hindi ko man lamang nakuhang tumingin sa kanya.
"Kung ikaw ang magdedesisyon para sa akin, anong gagawin mo?" nalilitong tanong ko sa kanya.
"Pipiliin ko kung ano ang tama at kung ano ang kailangan.
****
"Umuwi na tayo Kuya Chad," malamlam ang mga matang pakiusap sa akin ng nakababata kong kapatid habang nangangalkal ng basura.
"Sandali lang Boy, baka kasi may makita pa tayo dito." sabi ko habang tuloy-tuloy pa rin ang pagkalkal sa mga basurang naroon.
"Pero masama ang pakiramdam ko," pahayag niya sa akin. Sandali akong tumingin sa kanya at saka binitawan ang hawak kong plastic ng basura.
Agad kong inilagay ang likod ng aking palad sa kanyang leeg senyales na pinapakiramdaman ko kung may sakit siya.
Mabilis ang naging kilos ko matapos kong maramdaman ang init ng kanyang katawan. Hindi ko namalayan ang pagkapit ko sa kayang mga kamay. Agad na umupo ako patalikod sa kanyang harapan.
Gusto ko siyang buhatin sa likod ko.
"Kaya kong maglakad," nakasimangot na reklamo niya sa akin ngunit hindi ko siya pinakinggan. Walang imik na kinuha ko ang kanyanh kamay at tuluyan ko siyang binuhat saka ako tumakbo na halos liparin ko na ang pag-uwi sa aming tinutuluyan.
Minsan sa ilalim ng tulay.
Minsan sa plaza.
At kung minsan naman ay sa bangketa.At sa araw-araw naming pamumuhay ay nasanay na kami sa ganitong sitwasyon.
Walang ibang nag-aalaga sa amin kun'di ang bawat isa.
"Kuya, pagod ka na ba? Okay lang naman na maglakad--"
Ito ang kahuli-hulihang salitang narinig ko sa kanya bago ko narinig ang isang malakas na pag-busina.
"Pffffffttttt."
At huli na ang lahat.
Hindi ko siya nailigtas.
****
"Ahhhh!!! Hindi maaari! Hindi!" halos magwala siya ng marinig ang balita. Kagigising lamang niya mula sa mahabang pagkakatulog at halos hindi ko na mabilang ang araw na narito kami.
Alam kong ako ang hinagilap niya nang magmulat siya ng mga mata, ngunit hindi niya ako nakita.
Lahat ng mga narito sa loob ng kwarto ay tila inaabangan ang susunod niyang hakbang, maging ako na nasa labas ng kwarto.
"Dalhin n'yo ako sa kanya, gusto ko siyang makita." umiiyak nitong pakiusap sa mga na naroon.
"Ngunit siya'y sumama na sa--"
"Pakiusap, gusto ko siyang makita, kahit sa huling pagkakataon." mahinahon niyang sabi.
"Pero ipinagbilin niya na hindi ka pwedeng makipagkita sa kanya, iyon ang kasunduan nila ng mga mag-aampon sayo." sagot sa kanya nang isang babaeng naroon.
"Sasama lang ako sa kanila kung makikita ko siya." matigas na sagot niya sa mga ito.
Hindi ko alam kung bakit. May takot pa rin akong nararamdaman sa naging desisyon ko, ngunit alam kong ito ang kailangan.
Kaya kong baliin ang pangako ko na hindi ko siya iiwan para mailigtas siya.
"Pakiusap." iyon ang huling katagang narinig ko bago tuluyan siyang nakatulog ngunit agad din siyang nagising ng maramdaman ang tila isang yakap.
"Kuya," mga salitang namutawi sa kanyang labi hindi pa man siya nagmumulat ng mga mata.
Naramdaman ko ang pananabik na muli kaming magkakasama.
Ngunit sa pagdilat ng kanyang mga mata'y naramdaman ko sa aking balikat ang pagbagsak ng kanyang mga luha.
Nakikita na niya ako ngayon sa kanyang harapan.
Nakaramdam ako ng sakit. Animo'y pinipiga ang puso ko.
Ramdam na ramdam ko sa kanya ang paghihirap.
At wala akong magawa.
"Bakit?" tanong niya.
Hindi ko alam kung para saan ang tanong na iyon o kung para kaninuman.
Kung nagtatanong ba siya sa akin o sa Diyos kung anong kalagayan naming dalawa.
Hindi ako agad nakakuha ng sagot.
"Dahil gusto kong makita mo pa rin ang bagong bukas nang may ngiti sa mga labi." sagot ko sa kanya. "Gusto kong maranasan mo pa rin ang kahulugan ng buhay," dugtong ko.
"N-ngunit paano ka, K-kuya?" ramdam ko ang panginginig ng labi niya senyales na umiiyak siya.
"Okay lang ako, magpakabait ka sa bago mong pamilya," saka ko inalis ang pagkakayakap ko sa kanya. Binuhat naman ako ng mga lalaking nakaalalay sa akin para mai-upo ako sa aking silyang de gulong.
Oo.
Naputol ang aking dalawang binti dahil sa aksidente.
At sigurado akong mas higit siyang nagulat.
Dahil muli kong naramdaman ang kanyang pag-iyak.
Hindi niya alam at hindi na niya dapat na malaman.
Na aking mata ay ang kanya ngayong mata.