"KA[PAG] IN[IBIG] A[NG] H[AMA]K"
"Isang mapagpalang umaga sa inyong lahat. Bago ko simulan ang aking pagpapahayag kung gaano kabuti ang Panginoon, nais ko munang magbahagi sa inyo ng isang kwento." nakangiti kong pahayag sa mga taong naasa aking harapan.
Nagpalakpakan naman ang lahat hudyat na handa nila akong pakinggan.
****
"Hindi ka na makalalakad ng maayos kahit kailan, Clyde. Ipinanganak ka'ng inutil!" narinig na naman niya ang mga katagang paulit-ulit dumudurog sa puso niya simula ng magkaroon siya ng kamalayan.
Mula sa isang tabi ay tahimik siyang umiiyak. Nasa puso niya ang galit at sa palagay niya'y hindi niya mapatatawad ang sariling pamilya maging ang kanyang sarili. Mahirap para sa kanya ang kumapit sa sitwasyong siya lamang ang lumalaban para sa sarili. Gusto na niyang makawala sa mundong ginagalawan.
"Hijo, halika na. Kami na ang bago mong pamilya." nakangiting bungad sa kanya ng isang babae, may kasama itong isang lalaki na sa tingin niya ay asawa nito. Nakangiti din itong iniaabot ang kamay sa kanya.
Sa isip niya'y naroon na naman ang sakit. Pakiramdam niya'y ipinamigay siya ng mga ito tulad ng isang aso. Muli niyang naramdaman ang masidhing galit.Nanginginig ang mga kamay niyang kumapit sa lalaki. Mula sa kinauupuan niya ay pinipilit niyang tumayo.
"Maupo ka, ako na lamang ang bahala sa'yo." rinig niyang sabi ng lalaki saka siya tinulungan nito.
Sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng saya. Hindi niya namalayan ang pagtulo ng kanyang mga luha.
****
"Polyo ang sakit ko, dahilan kung bakit hindi ako makalakad noon. 'Ngunit kung ano ako ngayon, ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, at ang kanyang biyaya para sa akin ay hindi nawawalan ng saysay. Sa halip, ako'y nagsikap nang higit kaysa kanilang lahat, gayunma'y hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin.'" at nakita ko sa mukha nila ang pagkamangha.