🍁Mapanganib na Aswang🍁
Mahimbing pa ang tulog mo ng gabing iyon ng mahulog ka sa kinahihigaan mo.
Nakarinig ka ng mga hiyawang nagmumula sa labas.
"Nay! Nay! Ano ho ba iyong maingay sa labas?" sigaw na tanong mo sa iyong ina.
Nang walang matanggap na sagot mula sa iyong ina, pupungas-pungas kang bumangon at sumilip sa tarangkahan, upang tingnan kung ano ang nangyayari.
Sa 'di kalayuan ay nakikita mo ang mga nagsisipagtakbuhan ninyong mga kapit-bahay.
Halata sa kanilang mga mukha ang pagkatakot ng sandaling iyon.
Patuloy ang sigawan ng mga tao, maging ikaw ay nakaramdam ng kaba dulot ng sitwas'yon.
Kahit walang panyapak, pinilit mong salubungin ang mga taong nagsisipagtakbuhan upang alamin ang nangyayari.
"Aling Marcia, ano hong nangyayari?" nagtatakang tanong mo sa isang babaeng halos kaedad ng iyong ina.
"N-naku iha! M-may aswang na k-kumakalat sa a-ating bayan n-ngayon," hinihingal na sagot nito sa 'yo. Bakas rin ang takot sa mga mata nito.
"Ho? P-paano hong n-nangyari iyon?" nahihintakutang muli mong tanong sa iyong kaharap, ngunit umalis din ito kaagad.
Ang dulot ng kaba'y naging kilabot sa 'yong katawan nang marinig ang sinabi ni Aling Marcia.
Mabilis kang tumakbo sa lugar kung saan nakikita mo ang umpukan ng mga tao.
Sa isip mo'y baka nagkaroon ng biktima ang sinasabi nila sa 'yong aswang.
"Aling Helen, ano pong nangyayari?" muli mong tanong sa isang ale.
"M-may b-biktima a-ang a-aswang!" lumakas ang tahip ng iyong dibdib sa narinig.
"Totoo ang aswang!" sigaw ng 'yong isip
Kumaripas kang muli nang takbo hanggang sa nakarating ka sa pinagkakaguluhan ng lahat.
Nanginig ang buo mong katawan ng masilayan ang sinasabi nilang aswang at ang babaeng biktima nito na halos 'di na makilala.
Matalas na tinitigan mo ang babaeng aswang.
Panahon na para lumaban!
Dahil kayo ang tunay na pamilya, at hindi ang babaeng pumatay sa iyong ina!