"BAGONG KAIBIGAN"
Habang nakatitig ako sa salamin at minamasdan ang sarili ko, hindi ko maiwasan ang mapabuntong-hininga. Marahil ay walang nakakikita sa tunay kong anyo dahil na rin sa nakakubli ako sa sariling kalungkutan.
Hindi pa man ako nakabababa sa hagdan ay humarang na si Papa sa daraanan ko. "Mendy, hindi ba sinabi ko sa'yo na iwasan mo ang mga kaibigan mong iyon?" galit na tanong niya sa akin.
"Pa, wala namang masama doon, hindi ba? Siya lang ang kaibigan ko sa school. Wala ng iba pa kaya bakit ko naman siya iiwasan?" inis na tanong ko dito bago ipinagpatuloy ang pagbaba.
Sinundan niya ako hanggang sa tuluyan kaming makarating sa kusina. Sa araw-araw ay paulit ulit niyang sinasabi sa akin na iwasan ko na ang bago kong kaibigan. Sa totoo lang ay nagtataka ako dahil wala naman siyang ginagawang masama sa akin. Tinutulungan pa nga niya ako sa maraming bagay. Isa sa mga tulong na ginagawa niya sa akin ay ang paglaban sa mga bully kong kaibigan kung saan dati-rati'y ginagawan nila ako nang masama.
"Uulitin ko Mendy, hindi maganda para sa'yo ang makipagkaibigan sa kanya." batid ko ang galit na nararamdaman ni Papa nang sabihin niya iyon, ngunit mababakas rin sa akin ang inis na nararamdaman para sa kanya.
"Ano bang ginawa niyang kasalanan sa'yo? Bakit ba ayaw mo sa kanya?" malakas ang boses na tanong ko sa kanya.
"Dahil hindi siya magandang impluwensya sa'yo." gigil na sagot ni Papa sa akin.
"Dahil ba hindi mo siya nakikita?" takang tanong ko sa kanya.
"Dahil ginagawa ka lang niyang panakip-butas sa kasalanang ginawa ko sa kanya. Anak, pakinggan mo ako, layuan mo--"
Ngunit huli na ang lahat.
*****
"Miriam, bakit mo ginawa iyon?" galit na tanong niya sa akin. "Bakit mo sinaktan si Papa? Akala ko gusto mo lamang siyang makasama."
"Sinabi ko ba talagang gusto kong makasama si Papa?" tanong ko sa kanya.
Napatulala siya ng marinig ang isinagot ko sa kanya. Tama lamang na maranasan niya ang sakit na naranasan ko.
Ako na nagkubli bilang ang paboritong anak.
Nararapat lamang siyang mamatay!
-dahil kailanma'y hindi niya ako minahal.
#